← Table of contents
Mahal na Ejercicio ó Devocion nang Pitong Arao na Domingo

UNANG DOMINGO.

Antonio Florentino Puansen translation

Sa capurihan nang sáquit at ligaya ni San Josef, niyong mapagmasdan ang cabuntisan ni María, calinislinisang esposa niya.

Sa Comunion nitong unang Domingo, ay pasasalamatan si San Josef dahilan sa pagting̃in niya, at paglilingcod cay Jesús, at cay María.

Ang indulgencia plenaria ipatutungcol sa mang̃a caloloua sa Purgatorio, na lalong umibig cay San Josef.

Pagninilay sa unang Domingo.

Si María at si Josef sa tapat na pagmamahal, at pananatili sa calinisan ng̃ pagca Virgen, ay parang dalauang Angeles na nabuhay sa munting bahay, na tinahanan nila sa Nazaret. Datapua niyari nang Dios sa cataoan nang mahal na Virgen ang daquilang misterio nang caniyang auâ at capangyarihan, sapagcat ang Espíritu Santo ay nuha sa tian ni María nang caonting dugó, na guinauang catauan nang sangol na lalaqui, at lumalang nang isang mahal na caloloua, na isinama sa cataunang yaon, at inilangcap ng̃ Dios Anac ang caniyang Persona sa nasabing cátauan at caloloua, at nayari ang misterio nang ENCARNACION, ó pagcacatauan tauo nang Divino Verbo. Ang himalang ito ay hindi namalayan ni San Josef, at cayâ hindi masabi ang caniyang pagtataca, niyong maquita ang cabuntisan nang calinislinisang Esposa niya, na hindi naalaman, cun ano ang nangyari.

Ng̃uni sa lagay na iyon, ay hindi ipinahintulot nang Dios na si Josef ay maghinalá nang anoman, laban sa tapat na loob nang Reina nang malilinis na loob. Pinatototohanan ni San Agustin, na sa arao nang Desposorios, pag labas ni María sa templo, ay sinamahan na, at inihatid ni San Josef sa sariling bahay niya, at mula niyon ay napagmasdan ang cabaitan, ang cahinhinan, at ang dalisay na calinisan nang mahal niyang Esposa, at naquita naman na ang bung̃ang dala sa tian, ay hindi nacasisirá, cundi bagcus nacadagdag nang ningning at cariquitan nang caniyang pagca Vírgen.

At yayamang talastas ni Josef ang nasasabi sa Escritura Sagrada, na dumating na ang panahon nang pagparito nang Mesias, na ipang̃ang̃anac nang isang Vírgen, ay agad isinaloob na si María ang mapalad na piniling Ina, sapagcat siya ang lalong malinis, at lalong banal sa Vírgenes na lahat, at hindi mapaghihinalaan nang carupucan sa anomang bagay, na laban sa catuiran.

At inisip ni Josef sa malaquing cababaan nang loob niya, at sa hindi mapauing balisa, na hindi dapat sa caniya ang maquisama sa camahalmahalang Virgen, at maturang Esposo nang Ina nang Dios, at minagaling ang umalis, at humiualay sa Reina nang mg̃a Vírgenes; datapua sa pagtulong niya, ay naquita ang Angel na sinugó nang Dios, at nang̃usap nang ganito: Josef, na anac ni David, huag cang manimdim nang anoman sa paquiquisama mo cay María, sapagcat ang bung̃ang na sa tian niya, ay gaua at lalang nang Espíritu Santo. At naguising na tahimic si San Josef, dahilan sa malaquing ligayang humalili sa lumbay at hapis niya, at laló at lalong minahal at iguinalang si María, na quiniquilalang Esposa, at Ina nang Mesias na Mananacop.

Dasalin ng̃ayon ang mang̃a panalang̃in nang pitong saquit at pitong ligaya, mula sa pagina. 9 hangan sa pagina 16.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings