SA UNANG DOMINGO.
Antonio Florentino Puansen translation
1. Dalaoang religiosos nang órden ni San Francisco, na nag lalayag sa dagat na malapit sa Flandes, ay dinatnan nang caquilaquilabot na samâ nang panahon, at sa dahas nang vaguió, ay tatlong daang tauo ang napahamac sa nasira at lumubog na sasaquián; ng̃uni sa auà nang Dios, ang naturang dalaoang religiosos ay nacatang̃an sa isang cahoy nang sasaquiang nabacbac, at sa paninimbulang yaon ay tatlong arao silang lumutang-lutang sa malaquing pang̃anib, sapagcat cun mauala ang cahoy sa cahinaan nila, ó sa hampas ng̃ alon, ay ualang sala ang pag lamon ng̃ dagat sa canila. Sa caguipitang iyon ay naalaala nila, at lubos na inasahan ang macapangyarihang tulong ni San Josef, na dating quinauiuilihan nang canilang devocion: nanalang̃in sila, at napaampon, at humupâ naman ang hang̃in, at humusay ang panahon, at tumahimic ang dagat, at sila ay umasang macaliligtas. At nalubos ang canilang tuá sa pagpapaquita nang isang calugodlugod at mahal na bagon tauo, na bumati sa canila, at nagpalacad na parang piloto sa cahoy na quinalalaguian nila, at sila ay nagcapalad na madalíng sumapit sa lupá. Nagpatirapâ ang dalauang religiosos, at napasalamat sa magandang loob, na nag ligtas sa canila at sa pagpapahayag ng̃ tunay na paquilala nang biyayang tinangap ay tinanong nila ang bagontauo, cun sino siya, at ang bagontauo ay sumagót nang ganito: Aco ay si Josef, cun ibig ninyong gumaua nang caonting macalulugod sa aquin, arao arao huag sumala, ay magdasal cayó nang taimtim sa loob nang pitong Ama namin, at pitong Aba, Guinoong María, alaala at ganti sa pitong sáquit at pitong ligaya, na totoong dinamdam nang aquing pusò at caloloua, niyong aco ay nabubuhay sa lupá, casama ni Jesus at ni Maria. Pagcapang̃usap nang ganoon, ay nauala ang bagontauo, at sila ay lubhang natuâ, at nalubos ang pag ibig nila, at pagnanasang maglingcod, hangang nabubuhay, sa maualhating Pintacasi.
Sa nangyaring ito ay naquiquita natin ang pagtatapat, at madaling pagtulong ni San Josef sa mang̃a mauilihin loob sa caniya, cun siya ay tinatauag sa mang̃a hirap at pang̃anib, at ang cagandahan nang loob niya sa caonting hinihing̃i, bagaman lubhang mahalaga ang ibinibigay, at hindi ng̃a hamac na biyayá ang buhay nang dalaoang Franciscanos, na ining̃atan at inagao sa cabagsican nang dagat.
Mahalin natin at harapin ang devocion nang pitong sáquit at pitong ligaya ni San Josef, nang tayo ay marapat magcamit nang auá at tulong nitong macapangyarihang Pintacasi, yayamang ipinahayag niya, at sinabing maliuanag, na siya ay totoong nalulugod sa naturang devocion.