← Table of contents
Mahal na Ejercicio ó Devocion nang Pitong Arao na Domingo

ICATLONG DOMINGO.

Antonio Florentino Puansen translation

Sa capurihan nang sáquit at ligaya ni San Josef dahilan sa circuncision ó pagtulo nang dugô nang mahal na sangol, na pinang̃alang Jesús.

Sa Comunion nitong icatlong Domingo, ay hing̃in natin cay San Josef ang caniyang mahal na bendícion, at ang pagbabalic loob nang mang̃a caauay nang Santa Iglesia.

Ang indulgencia plenaria ipatutungcol sa mang̃a caloloua sa Purgatorio, na lalong magaling̃in nang Dios, dahilan sa tang̃ing devocion sa camahalmahalang dugó ni Jesucristo.

Pagninilay sa icatlong Domingo.

Ang Mesias na naparito, nang maguing ulirán natin sa pagsunod sa mang̃a utos nang Dios, ay nagtiis nang saquit nang circuncision sa icaualong arao nang pang̃ang̃anac sa caniya, at si San Josef ang sumugat nang mahal niyang cataoan, ayon sa sinasabi nang maraming pantas. Dilidilihin natin ng̃ayon ang antac nang hapis ni Josef niyong maquitang tumulô ang dugô nang Anac nang Dios, na natuturang anac niya, at bagaman ang israelitas na lahat ay sumusunod sa ganoon utos, ang pag-ibig nila sa canicanilang mg̃a anac, ay hindi aabot sa taimtim at laqui nang pag-ibig ni Josef sa tunay na Anac nang Vírgen María, Dios na quiniquilala at sinasamba.

Nasactan ang pusó ni Josef sa naquitang dugô, sa narinig na iyac nang mahal na Niño, at sa napagmasdang hapis nang cabanalbanalang Esposa niya; datapua tinutularan si Abrahan, niyong talagang pupugutan si Isaac, at inihain sa Dios Ama ang dugóng tumuló, sa matibay na pananalig na ang dugóng yaon ay mabubuhos na lahat sa Calvario, nang masacop ang sangcatauohan, at natatalastas ng̃a niya ang sasapiting hirap, at pagcamatay sa Cruz ng̃ masintahing Anac ni María.

At humalili ang ligaya sa hapis ni Josef, dahilan sa catamisán nang ng̃alang Jesús, na itinauag niya sa mahal na Niño, alinsunod sa utos nang Dios, na ipinahayag sa caniya nang Angel.

¿Sino ang macapagsasaysay nang puspos na galang pananalig at pág-ibig ni Josef, sa pagsambit nang camahalmahalang ng̃alan ni Jesús? Ang ng̃alang Jesús ay capurihan nang mang̃a Angeles, alio nang nalulumbay, pulót na ualang casing tamis, auit na lubhang mariquit, pagcaing masarap na hindi nacasusuya, mahal na tubig na hangang iniinom, ay lalong napipita, sandatang catacot tacot na mailalaban sa boong Infierno.

Hing̃in natin cay Jesús ang maning̃as na pag-ibig, sa pagsambit nang ng̃alan niya sa anomang hirap at pang̃anib, at sa mang̃a tucso nang Demonio, at lalong laló sa panahon nang pagpanao sa buhay na ito, nang tayo ay magcamit nang magandang camatayan.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings