JESÚS, MARÍA, Y JOSEF.
Antonio Florentino Puansen translation
Ang devoción sa daquilang Patriarca San Josef, ay tumutubó at sumusulong na para nang devoción sa malualhating Virgen María. Natalastas nang mang̃a tapat na loob na anac ni María, na itong mahal na Ina ay nalulugod sa mang̃a tang̃ing galang at puri sa calinis-linisang Esposo niya.
Sinasabi nang marunong at mabait na si Padre Faber, na ang unang dapat tung̃uhin nang ating devocion ay si María, at ang icalaua ay si San Josef: at mapatototoohanan, na anomang pahayag sa capurihan nitong maloualhating Patriarca, ay nababagay sa mang̃a ugalí at asal nang tunay na pag-cauili nang loob sa Dios.
Naquiquilala natin ang mang̃a tunay na caibigan, ang mang̃a tumiting̃in, at totoong nagmamasaquit sa atin, cun tayo ay pinagcacalooban ng̃ Dios nang caguinhauahan, ó pinadadalhan cayâ nang mang̃a hirap at parusa:[1] at sa bagay na ito ay parating inaalaala sa atin nang Santa Iglesia ang mang̃a misterios nang ligaya at hapis ni Jesús, María, y Josef, sapagcat ang totoong iniibig, ay sinasamahan sa caguinhauahan, at dinadamayan sa hirap: cayâ ang mang̃a tapat na loob na alipin ni San Josef, ay nauiuili sa alaala at pagninilay nang pitong sáquit at pitong ligaya nitong daquilang Santo, at minamahal nila ang pinang̃ang̃anlang devocion nang pitong arao na Domingo. sa uicang castilá ay Siete Domingos.
Itong mariquit na devocion ay minagaling nang mang̃a Sumos Pontífices, na humalili cay San Pedro sa mang̃a huling panahong ito, at nilangcapan nila nang mang̃a mahal na indulgencias, nang mahicayat ang mang̃a binyagan sa ganoon pagpuri cay San Josef.
Ang Sumo Pontífice Gregorio Décimosesto, sa 22 nang Enero nang taon 1836, ay nagcaloob nang 300 arao na indulgencia sa taimtim na pagdadasal nang pitong ligaya at pitong sáquit ni San Josef, sa balang isang arao nang Domingo, at isang indulgencia plenaria sa catapusan ó icapito: ang mang̃a nasabing arao nang Domingo ay dapat magsunodsunod sa loob nang taon, at bahalang pumili ang maghahain nitong devocion.
Ang banal na Sumo Pontífice Pio Nono, sa maning̃as na pagsinta sa Virgen María, at sa pagnanasang maquilala, at mahalin saan man ang devocion sa Esposo niyang si San Josef, ay nagcaloob naman nang isang indulgencia plenaria,[2] na macacamtan sa balang isa sa pitong arao na Domingo, at maipatutungcol sa mg̃a caloloua sa Purgatorio. At inibig pa niya na ang mang̃a nasabing indulgencias, ay macamtan ng̃ mang̃a hindi marunong bumasa, ó ualang maquitaan nang mang̃a panalang̃ing nasusulat dito, cun sa balang isang arao nang Domingo, sa pitong pipiliin, ay magdasal sila nang pitong Ama namin, pitong Aba, Guinoong Maria at pitong Gloria Patri.[3] Datapua cailang̃ang tandaan, na sinoman ang ibig magcamit nang indulgencia plenaria, ay dapat dumulog sa confesión at sa comunión, at dumalao sa isang simbahan, at doon ipanalang̃in ang Santa Iglesia ayon sa na sa loob nang Santo Papa.[4]
Sa anyayang ito nang mang̃a Sumos Pontífices, ay nagmadaling gumanti ang mang̃a binyagang devotos ni San Josef, at ang camahalan nang mang̃a indulgencias, at ang capangyarihan nang mang̃a himalang ipinaquita nang Dios, na nauucol sa cagalingan nang mang̃a nauiuili sa devocíon nang pitong arao na Domingo, at sa pilitang humicayat sa caramihan, at cayâ parating nadadagdagan ang mang̃a tumatauag, at humihing̃i nang sarisaring biyaya sa Poon San Josef.
Tinagalog co itong munting libro, at dito maquiquita ang mang̃a pagninilay at panalang̃ing dapat basahin, at dasalin sa balang Domingo, nang magalab alab ang mang̃a pusô natin sa pagibig, at pag hing̃i nang aua cay Jesus, María y Josef: at asahan nang sinoman na ipagcacaloob nila ang mang̃a biyayang ninanasa natin, cun mararapat sa capurihan nang Dios, at sa cagaling̃an nang caloloua.
Ang pitong arao na Domingo ay dapat magsunod na ualang lactao, at cailan man sumala sa anomang dahilan, ay cailang̃ang magsauli sa unang Domingo.
Sa pagcacamit nang mang̃a indulgencias plenarias nitong mahal na devocion ó ejercicio, ay mapipili ang mang̃a arao nang Domingo, na nauuna ó sumusunod sa mang̃a fiestas ni San Josef,[5] ó ang lalong magaling̃in nang isa at isa, ayon sa cailang̃an niya, ó alinsunod cayá sa utos ó hatol nang Confesor.
Taon taon, at cailan man cun ibiguin, ay mabuting ialay sa Santo Patriarca itong mahal na devocion, na parang isang buis, ó tanda nang pagibig at pagquilala sa mang̃a biyayang iguinagauad sa atin nang daquilang aua niya, at nang tayo naman ay parating marapat sa caniyang pagcacaling̃a sa buhay na ito, at lalong lalo sa panahon nang pagpanao sa buhay na ito.
Dadasalin muna ang panalang̃in nang pagsisisi, saca babasahin ang pagninilay, at isusunod ang mang̃a panalang̃ing nagpapaalaala nang pitong sáquit at pitong ligaya ni San Josef, na ang balang isa ay sasamahan nang, Ama namin, Aba, Guinoong María, at Gloria Patri.
Sa tanda nang Santa Cruz, sa mang̃a caauay namin iadyá mo cami, Pang̃inoon namin Dios. Sa ng̃alan nang Ama, at nang Anac, at nang Espíritu Santo. Amen.



