← Table of contents
Mahal na Ejercicio ó Devocion nang Pitong Arao na Domingo

PANALANG̃IN NANG PAGSISISI.

Antonio Florentino Puansen translation

Pang̃inoon cong Jesucristo, aco ay sumasampalataya, at nananalig sa iyo, at icao ay aquing iniibig lalo sa lahat nang bagay: iniisip co na aco ay sinagana mo nang biyayâ, at aco ay tacsil na hindi marunong gumanti sa iyo, at sa bagay na ito ay naguguló ang aquing loob, at aco ay ualang magaua cundi huming̃i nang tauad sa iyo: caauan mo, Pang̃inoon co, itong anac na suail: patauarin mo aco, at tunay na pinagsisisihan co ang lahat cong casalanan, at lalong ibig co ang mamatay sa moling magcasala. Quiniquilala co na hindi dapat sa aquin ang aco ay patauarin; datapua inaasahan co ang biyayang ito alang alang sa mang̃a carapatan, at sa pamamaguitan ni San Josef, na naturang ama mo, at siya ang nag alagà sa iyo. At icao, malualhating Pintacasi co, daquilang Patriarca San Josef, tangapin mo aco, at amponin, at igauad mo sa aquin ang ning̃as nang loob, na cailang̃ang igugol sa sandaling ito, nang marapat sa iyo ang iniaalay co sa capurihan mo, at paquinabang̃an nang aquing caloloua. Siya naua, Jesus María, y Josef.

Basahing taimtim sa loob ang PAGNINILAY, at ang salitáng nararapat sa arao, at saca dasalin ang mang̃a sumusunod na panalang̃in.

1. Ó calinislinisang Esposo, malualhating San Josef, na cun gaano ang bagsic nang hapis at casáquitan nang iyong pusò, niyong inisip mo na icao ay dapat humiualay sa calinislinisan mong Esposa, ay gayon din naman ang siglá nang ligaya mo, niyong ipahayag sa iyo nang Angel ang misterio nang pagcacatauan tauo nang Anac nang Dios.

Iniaamo namin sa iyo, alang alang sa sáquit mong ito, at sa humaliling ligaya, na cami ay aliuin mo ng̃ayon, at sa panahon nang huling pagpanao: igauad mo sa amin ang cailang̃ang tulong nang gracia, nang cami ay mabuhay sa cabanalan, at camtan namin ang mamatay na para mo, sa mang̃a camay ni Jesus at ni María.

Ama namin, Aba, Guinoong María, át Gloria Patri.

2. Ó lubhang mapalad na Patriarca, malualhating San Josef, na nagcamit nang mataas na carang̃alan sa pagaalagà sa Anac nang Dios, na nagcatauan tauo, at icao ng̃a ay narapat na naturang Ama niya, cayâ nahapis ang iyong pusó, pagcaquita mo sa Niño Jesus, na ipinang̃anac sa malaquing casalatán, at icao naman ay totoong naligaya sa maririquit na auit nang mang̃a Angeles, at sa mang̃a casayahán nang mahal at maliuanag na gabi nang pang̃ang̃anac ni María.

Iniaamo namin sa iyo, pacundang̃an sa sáquit mong ito, at sa humaliling ligaya, na cun cami ay papanao na sa lupa, hing̃in mo cay Jesús na ipagcaloob sa amin ang caniyang bendicion, nang cami ay marapat na maquinig nang masasayáng auit nang mang̃a Angeles, at camtan namin ang ualang hangang liuanag nang Lang̃it.

Ama namin, Aba, Guinoong Maria, at Gloria Patri.

3. Ó tunay na ulirán nang pagsunod sa mang̃a utos nang Dios, malualhating San Josef, na pagtuló nang Mahal na dugó nang sangol na Mananacop, niyong siya ay sugatan sa arao nang circuncision, icaualo nang pang̃ang̃anac sa caniya, ay lubhang nahapis ang iyong puso, at agad namang naligaya sa catamistamisang ng̃alang Jesús, na itinauag mo sa caniya.

Iniaamo namin sa iyo, alang-alang sa sáquit mong ito, at sa humaliling ligaya, na matutuhan naming supilin ang masasamáng pita nang catauan, nang cami ay mamatay na payapá, sa taimtim na pagsambit nang catamistamisang ng̃alan ni Jesús.

Ama namin, Aba, Guinoong Maria, at Gloria Patri.

4. Ó pinagpalang Patriarca, malualhating San Josef, na pinayahagan ng̃ Dios nang mang̃a misterios nang pagsacop sa tauo, na cun totoong nalumbay ang iyong pusó, niyong marinig mo ang hula ni Simeon, ucol sa mahal na Pasion at pagcamatay ni Jesús, at sa mang̃a hapis na parang sundang, na macasasaquit sa pusó ni María, ay nagcamit ca naman ng̃ ligaya, niyong maalaman mo na marami ang magtatamó nang calualhatian sa Lang̃it, dahilan sa pagcamatay at moling pagcabuhay ni Jesús.

Iniaamo namin sa iyo, pacundang̃an sa sáquit mong ito, at sa humaliling ligaya, na cami ay mapaquibilang sa mang̃a mapalad, na magcacamit nang Lang̃it, alang-alang sa mang̃a carapatan ni Jesucristo, at sa pamamaguitan ni María.

Ama namin, Aba, Guinoong María at Gloria Patri.

5. Ó lubhang maing̃at na Guardian malualhating San Josef na nag alagá at nagpacain sa Anac nang Dios, na nagcatauan tauo, at nahapis ng̃a ang iyong pusó, niyong icao ay bumang̃on nang hating gabi, sapagcat inutos ng̃ Dios na si Jesús at si María, ay dalhin mo at itago sa Egipto; dahilan sa pag usig ni Herodes, at malaqui naman ang iyong ligaya, niyong icao ay pumasoc sa Egipto, at naquita mong nabual at nasirá sa harap ni Jesús ang mang̃a ídolos, na sinasamba nang mang̃a egipcios.

Iniaamo namin sa iyo, alang-alang sa sáquit mong ito, at sa humaliling ligaya, na cami ay lumayóng madali sa mang̃a pang̃anib nang pagcacasala, at matutong sumupil at lumaban sa mang̃a pitang hinguil sa calupaan, na parang mang̃a ídolos na dapat sirain, ng̃ cami ay mabuhay na lamang sa pag lilingcod cay Jesus, at cay María, at maihain namin sa canila ang hulíng paghing̃a.

Ama namin, Aba, Guinoong Maria, at Gloria Patri.

6. Ó masintahing Patriarca, malualhating San Joséf, na naquita mo ang pagcamasunurin sa iyo ni Jesus, Hari nang Lang̃it, at icao ay lubhang nabalisa, pangagaling mo sa Egipto, sapagcat humalili sa malupit na Haring Herodes ang anac niyang si Arquelao, at nagcamit ca nang ligaya, niyong sabihin sa iyo nang Angel na icao ay umuî sa Galilea, at mamayang tahimic sa Nazaret, casama si Jesús at si Maria.

Iniaamo namin sa iyo pacundang̃an sa sáquit mong ito, at sa humaliling ligaya, na iligtas mo cami sa mang̃a tacot, na nacasisira nang capayapaan ng̃ loob na ualang sala, nang cami ay mabuhay na tahimic, sa pag-ibig cay Jesús, at cay María, at sa mang̃a camay nila maihabilin ang mang̃a caloloua namin sa horas nang camatayan.

Ama namin, Aba, Guinoong María, at Gloria Patri.

7. Ó magandang uliran nang cabanalan malualhating San Josef, na dahilan sa pagtirá nang Niño Jesus sa Jerusalen bagaman hindi mo namalayan, at hindi mo casalanan ang nangyaring iyon, icao ay lubhang nalumbay sa tatlong arao na siya ay hinanap mo, at na lubos naman ang iyong ligaya, niyong siya ay maquita mo sa templo sa guitna nang mang̃a doctores, na naquiquinig, at nagtataca sa cabataan, at carunung̃an niya.

Iniaamo namin sa iyo, alang-alang sa sáquit mong ito, at sa humaliling ligaya, na cami ay tingnan mo at ipanalang̃in, nang si Jesús ay huag mauala sa amin cailan man dahilan sa casalanang mortal; at cun mangyari sa amin ang ganoong capahamacan, ihing̃i mo cami nang tunay at maning̃as na pagsisisi, nang matutuhan naming hanapin, at maquita ang maauaing Jesús: at hing̃in mo sa caniya na cami ay patauarin, lalong lalo sa panahon nang pagpanao sa buhay na ito, nang macamtan namin ang calualhatian nang Lang̃it, at doon puríhin sa casamahan mo ang auâ niya magparating man saan.

Ama namin, Aba, Guinoong María, at Gloria Patri.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings