← Table of contents
Bulalakaw ng Pag-asa

VIII Kilabútan kayóng Lahat!

Reading edition

Pagkaráan ng̃ dalawáng áraw, ang isang malagánap na páhayagáng pilipino ay kinábasáhan ng̃ mg̃a ganitóng balità:

“MGA PUNONG MAKIKISIG

“Isang amerikanong nagng̃ang̃álang John Stag na nabilanggô sa báyan ng̃ Libis, ay nakatákas noóng gabí ng̃ ika 7 ng̃ kasalukúyan. Hanggá ng̃ayon ay di pa naaaláman kung saan nagtatagò ang umalpás.

“Hindî lang itó ang nangyayári sa Libís. Ang báyang iyán ay isá pa mandin sa mg̃a matitíbay na kutà at matalinghágang púgad ng̃ Bisyo sa Pilipinas. Nagkakatusak doon ang nagkikisígang mg̃a sabung̃án. Sa báwa’t súlok, magíng áraw at magíng gabí, ay may mónte, túpada, hweteng at kung anóanó pang mg̃a laróng báwal.

“Ang mainam nitó, ay kundî pa dumayo dóon ang mg̃a sekrétang-Maynilà, ang mg̃a iya’y di matututóp!

“At ang maginoong Presidente? at ang mg̃a pulés?

“Nang̃aghihilíkan bang lahat.”

Ang balítang tumutukoy sa pagtataanán ni Stag ay inámin ni Kápitang Memò; ng̃uni’t lubhâng malakí ang pagkapoót niyá sa tumutúkoy sa sugál at sábong. Ito’y kanyang tinutulang mahigpít kahimá’t di nalilihis sa katotohánan; datapwa’t tútol bibíg lamang naman, pagtutol na kung kayâ lang ganapin ay pag násasa haráp ng̃ matitinong tao...

Talagáng gayón si Kápitang Memò.

Kaaway kunwâ ng̃ bisyo, dapwa’t siya ang nagpalagò sa kanyang bayan ng̃ sugal at sabong—iyang mg̃a laróng walang tumatangkilik kundi ang lahat ng̃ mg̃a tamad, ang lahát nang ibig mabuhay nang nakang̃ang̃á, ang mg̃a nanghihináyang na gamítin ang útak, magpatulò ng̃ páwis at batákin ang butó, ang mg̃a ulól at mg̃a duwág na natatákot yumápak sa mg̃a baitang ng̃ hagdánang matarík na patúng̃o sa karang̃álan at katinuán ng̃ táo sa pamumúhay...

Ng̃uni’t hindî ang mahálay na pagkagúmong sa mg̃a hilig na iyang karápatdápat pakásumpâin, ang siyang tang̃ing maibabalità ng̃ mg̃a páhayagan tungkól sa báyan ng̃ Libis. Mayroón pang ibá na lalong mahalagá.

Kung suriìng mabúti ang pamunúan ni Kápitang Memò, ay mapagkikítang ang mg̃a pang̃ákò nitó sa bayan, mg̃a pang̃ákong sagana sa háng̃in at pulótpukyutan, ay untiuntíng nang̃aunsiyámì. Ang mg̃a tungkúling mabibigát na ikinápit sa kanyá ng̃ kautusán ay maíng̃at na iniwásan hanggáng maaárì. Kung alin yaong kanyang napagtutubúan ng̃ walang págod, kung alin ang di nararápat gawín ay siyang pinag-ubusan ng̃ kaya.

Sa maiksing sábi, ang pamahaláang umiral ay isáng pamahaláang kailán ma’y hindî nakasunód sa tunay na niloloób ng̃ bayan, sa itinatadhanà ng̃ mg̃a utos-pamahaláang waláng nakapangyári kundi ang isáng Kápitang Memò.

Na ito’y di maaarì sapagka’t may Konsého Munisipal? Kabulaánan!

Túnay ng̃â na ang konsého, sa pagkakinatawán niya ng̃ bayan, ay di nararápat bumálak ó umáyon sa alin mang bálak na salung̃át sa ikagiginháwa ng̃ mg̃a mámamayán; na ang mg̃a konsehal ay kailáng̃ang magpakatalíno, mamuhúnan ng̃ sipag at pagiing̃at sa paglikhâ ng̃ mg̃a kautusán; na sila’y dápat gumálang, sumunód at ipagmalasákit ang mg̃a damdamin at náis ng̃ báyang sa kanila’y naghalál. Tunay ang lahat ng̃ iyán dapwa’t sa kasaliwâang palad ay di siyáng nangyari. Sa loob ng̃ konsého sa Libis ay dádaladalawá ang mg̃a konsehal na natutong gumámit ng̃ talíno, dádaladalawá ang nagkaloób na tumútol, at kailan ma’y di napatang̃áy sa mg̃a lisya’t walang wastông panukala ni Kápitang Memò. Datapwa’t anó ang kaniláng magagawâ sa sila’y dádaladalawá? ¿Paánong magkakabisà ang matwíd niláng pagtútol sa haráp ng̃ ánim na kalábang bing̃í sa sigáw ng̃ Katwíran? Anim na konsehal na sunudsunúran saan man batákin ni Kápitang Memò; ánim na konsehal na tuwíng magpupúlong ay harì ng̃ tamád sa pakikitunggalì sa mg̃a bagay na tumutúkoy sa báyan; anim na konsehal na kung kaya lamang gumising nang gisíng na gisíng ay kung ang pag-uusápa’y ang pagpapahintúlot sa malayang pagsambá kay “San Sabong” at “San Sugal”, ng̃uni’t pag ibá nang bagay na may kahirápang suriin, ay daig pa ang ipinatdâ ang mg̃a dilà sa ng̃alang̃ála!

Iyán ang mg̃a táong may mg̃a matá ay di makakita, may mg̃a tayng̃a ay di makadiníg. Kapag hining̃án ng̃ pasiyá sa isang panukálang binálak ó inayunan ni Kápitang Memò, siláng lahat ay pawang mg̃a áyon; ng̃uni’t hindi silá sangáyon kapag nákitang iilíng-ilíng ang kanilang pang̃inóon, ang kanilang Diyos! Maánong magisip-isip; maánong harapín at kilalanin ang Matwíd!... Oh, alíping asal na ulirán sa kahaláyan! Oh, mg̃a táong walâng sariling damdámin! Salámat at ang mg̃a konséhong gaya ng̃ inyóng kinaaníban ay iilán-ilán lamang. At kung hindi, anóng talas na sandátang makakalaság ng̃ mg̃a káaway ng̃ Pagsasarilíng pinakamimithî ng̃ Báyan!

Malinaw ng̃ang lumálabas na dahil sa pagkauring busábos ng̃ konsého ay patúloy pa rin si Kápitang Memò sa kanyáng ugáling paghahariharian; na dahil din diya’y ang bawa’t ibígin niyá, matwid ó baluktot, ay siyáng nangyári.

Dapwa’t salámat at sa mabúting kapaláran ay di na ang lahat doo’y natutúlog, gaya ng̃ panahóng nagdaan; hindi na ng̃ayón ang lahát ay kampon nila “Talagá ng̃ Diyos;” hindî na ng̃ayón pawang pipi ang madlâ.

Sa bayang iyon ay mayroón nang naglitaw na ilang káwal ng̃ Bágong Panahon. Si Gerardo ay isa sa kanila. Sa haráp nang gayong pagdáyà ng̃ isáng pinunò sa kanyang mg̃a nasasakóp, ay siya ang kaunáunáhang gumamit ng̃ karapatan; sa kanya unang nádinig ang makapangyaríhang sigáw ng̃ katwírang niyuyurákan. Si Gerardo ay di nagalinláng̃an munti man. Sa isang malaking papúlong ng̃ kanyáng mg̃a kapanálig ay maáyos na tinuligsâ ang kabulukán ng̃ pamunúan. Bumanggit siyá ng̃ mg̃a nangyári, inihayág ang mg̃a tiwalîng gawâ ni Kapitang Memò, ang mg̃a palákad nito na pawàng salung̃át sa mg̃a kautusán. Ipinakilala niya sa madlâ ang túnay na Kápitang Memò, isinalaysáy ang boóng kabuháyan nito, na pinagarálang maíng̃at ni Gerardo mulâ sa punò hanggáng dulo. Inalaráwan niyá ang pagkawalâng-káya, ang pagkatamád, ang pagkawalâng-malasákit sa pinamumunúan, ang pagka-di-dapat na mamunò, ang pagkamagnanákaw, ang pagkamámamátay—anó pa’t sa minsáng sabi, ang boóng lihim at túnay na kataúhan ni Kápitang Memò, na, sapagka’t natutong magbalat kayô, ay nang̃ing̃ibabaw ng̃ayón sa kanilang lahát.

Upang mapatunáyan ang lahat ng̃ ito, si Gerardo ay nagharáp sa papúlong na iyón ng̃ maráming saksí. Natatang̃ì sa mg̃a itó ang isang babáeng may ápat na púng taón na maráhil. Dukhâng-dukhâ ang kanyang pananamit na bukód sa nanglilimahid na, ay punít punít pa. Sa haráp ng̃ mg̃a táong doo’y natitípon, ay isinalaysay ng̃ babáeng ito ang napakalungkót niyáng kabuháyan.

“Bihirà sa inyó”—anyá—“ang di nakakakilála sa ákin. Dapwa’t lahát kayó ay pawàng di nakababatid sa napakaabáng pálad na ikinapadpád ko sa ganitóng kalagáyan.

“Akó’y inaanák sa isáng malayong bayan—doón sa gitnâ ng̃ lalawígang Tarlák. Ang áking mg̃a magúlang ay mg̃a táong payapa’t mararang̃ál.

“Mayayáman silá, dapwa’t noong nang̃abubúhay, ay mg̃a kaibigang tapát ng̃ báyang maralitâ.

“Walâ pa akóng sampúng taón nang ako’y maulila sa iná. Palibhasa’t nang̃amatáy ang lahat ng̃ áking kapatíd, nagtamasá ako ng̃ boong láyaw at kasaganáan sa piling ni amá.

“Hindî namán ako páng̃it noóng mg̃a áraw na iyón, kayá’t sabihin pa ba, hindì kakauntî ang mg̃a binátang nagnasang maglingkód sa ákin.

“Dumatíng ang sandalî na ako’y natútong umíbig.

“Dapwa’t ¡ay! Pagkatápos na áking maihandóg ang iisa kong pag-irog sa náhirang ni Bathalang pang̃inoónin niyaring pusò, pagkatápos na áking maasámasám ang ligáyang pílit kong lalasapín sa kanyáng kandúng̃an, ay saka ako sinikíl ng̃ pagkálupítlupít kong kapaláran!.....

“Isáng háting gabí, noong panahón ng̃ paghihimagsik, ako ay nágulangtáng sa áking pagtúlog. Sa mg̃a únang sandalî, áking hininalang yaon marahil ay bang̃úng̃ot lang. Ng̃uni’t ¡sa aba ko! Nang mamúlat ang aking mg̃a matá, nang luminaw ang aking pag-iisip, ay napagmalas kong yao’y di pala bang̃úng̃ot kundî isang túnay na kataksilán!... Isang lílo, isang tampalásan, isang púsong háyop, ang noo’y pumipígil sa sawîng pálad kong katawan sa pagkagupíling! Ako’y mahinà at siyá ay malakás! Tinawágan ko ang Diyos; dapwá’t ang Diyós na iyón ay di ako dininig! Ang Diyos na iyón ay di tumúlong! Ako’y nasawî! ¡Nadung̃isan ang áking puri! Ang háyop ay nagtagumpáy!......

“Nagbang̃on akó at hinánap ang aking magulang. Pinások ko ang kanyáng silíd. Dapwa’t ¡oh! ¡Mahabagíng Lang̃it! Ang áking pinakaiirog na amá, ang pinagkakuutáng̃an ko niríng buhay, ang tang̃i kong kasákasáma araw at gabí, ay naroon sa kanyáng hígaan, nakababád sa dugô, putól ang úlo!

“Ako’y nálugmok at nawalán ng̃ diwà.

“Nang másaulì ang aking pagkatáo, ako’y nasa saloob ng̃ ibáng bahay.

“Yaon ang tahanan ng̃ tampalasang sumukáb sa aming mag-amá. Ibig kong tumákas, dapwa’t ako’y nakúkulong. Ibig kong magpatiwakál dapwa’t may nakabantay sa akin áraw at gabi. Anó ang minarapat kong gawín?... Ang Diyós ay di ko na tinawágan! Hindî ko na siya hining̃án ng̃ abuloy!... Ako’y nádalâ na!... Walâ akong túlong na inaasáhan noón kundî ang kabayanihan ng̃ kasumpàan ko sa pag-irog. Dapwa’t ¡ay! si Fidél na aking minahál higit sa buhay, ay hindi ko na nákita hanggáng sa sandalíng ito! Siyá man yata’y tinikís na ang magwaláng bahalà sa aking pagtáng̃is! Siyá man yata’y nawalán din ng̃ habág sa mapait na pagdadalamhatì niyaring kálulwa!...

“Sa haráp ng̃ mg̃a ganitóng kalagáyan anó pa ang sa áki’y nalalabing gawin? Walâ nang iba kundî ang makibágay sa áking pálad. Yaring pusò ay dahandáhang tumigás, untîuntîng nasabík sa kaputíkan, untîuntîng natútong umíbig sa isáng lilo, sa pumatáy sa ákin ding amá!

“Malaon din na kami’y nagsáma ng̃ tampalásan.

“Datapwa’t pagkatápos na masalantâ niya ang áking katawán, pagkatápos na mabusog sa akin ang kanyáng kahayúpan, pagkatápos na makapagpasasà sa aking lamán, ang ganid na iyon ay di na nakitung̃o sa akin; ginútom na ako, ipinagbilí ang mahuhúsay kong damit, binawì ang mg̃a aláhas na bigay niyá sa akin, at di nagkásiya sa ganitó, akó’y ipinagtulákan sa kusinà ng̃ báhay upang doon gumawâ, doon kumain, at matúlog sa ibabaw ng̃ mg̃a panggátong na kahoy, kahalubilo ng̃ mg̃a pusa’t áso! Sa minsán sabi, ginawâ akong isang alípin, isang busabos!

“Ganitó ang áking lagáy ng̃ kami ay málipat sa báyang ito.

“Pagdatíng na pagdatíng namin, ako’y sinumbatán ng̃ tampalásan kong pang̃inóon. Ipapapatáy daw niyá ako kapag di ko ining̃átan ang líhim ng̃ pagkasawî naming mag-amá.

“Sapagka’t púsong-babáe, ako’y malaong nadalá ng̃ tákot at kahinàan: ining̃átan ko ng̃â ang lihim.

“Dapwa’t ng̃ayón, ng̃ayón ay sumápit na ang sandalî na sa láot ng̃ aking pagkaabâ ay di na akó napang̃ing̃ilábot ng̃ kamatáyan; ang kahináan ay walâ na sa ákin!... Tuparín kung ibig ng̃ pang̃inóon ko ang kanyang sumbát!... Ang kanyáng líhim ay nasisiwalat na!...

“Ng̃uni’t, bágo ko wakasán ang áking salitâ, ay ipahintulot na aking maitanóng:

“Alám ba ninyó, mg̃a táong báyan, alam ba ninyó kung síno ang napakabúti kong pang̃inóong iyan, kung sino ang tumaksíl sa kaawà-awà kong magúlang, nagnákaw sa puri ko’t dang̃ál at nagbulíd sa akin sa bang̃ín ng̃ pagkabusábos?

“¡¡Kilabútan kayóng lahat, oh mg̃a taong walâng málay!!...

“Siyá ay yaong sa inyó ng̃ayo’y namumunò ang pinagkatiwaláan ninyo ng̃ mg̃a kautusán, dang̃ál at kabuháyan ng̃ isang bayan!!...”

Ang mg̃a pinagtahî-tahî at pinagarálang kabulaánan, ay madalíng makikilala ng̃ isang maálam magmasíd. Ng̃uni’t sa kabuhayang isinalaysáy ng̃ babáeng iyón, ay walâng nakádama nang kahi’t gabáhid na kasinung̃aling̃an.

Bawa’t anyô ng̃ kanyáng mukhâ, bawa’t galáw ng̃ mg̃a matá, bawa’t salitâ ng̃ maáyos niyang salaysáy, ay isang taták ng̃ katotohánan, isang matibay na panghikayat sa lálong dì mapaniwalaing kálulwa.

Kaya’t napang̃ilabot ng̃â ng̃ babáeng iyón ang madlâng sa kanya’y nakikinig!...

Nang sa wakás ay imungkáhì ni Gerardo ang paghing̃i kay Kápitang Memò na magbitiw ng̃ tungkól, lahát ng̃ nang̃aróon ay kumatig sa kanya; lahat, hanggáng ang mg̃a dating kapanalig ni Kápitang Memò, ay naniwalang sila’y nálinlang. Gayón na lang ang kanilang pagsisísi!

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings