← Table of contents
Bulalakaw ng Pag-asa

XVII Diyata’t buháy ka pa?

Reading edition

Dumating ang magkatoto sa mahabang daan na patung̃o sa Maynilà.

Kaginsaginsa’y naulinigan nilá mulâ sa malayò ang isang sasakyang humahagunot... Lumaláon ay lumalakas, sa kanilang pakinig, ang kalugkog ng̃ mg̃a gulong; lumalaon ay tumitingkad, sa kanilang paning̃ín, ang dalawang ilaw ng̃ sasakyan. Di nagtagal at nálapit ang kalesa sa magkaibigan.

Tuming̃in ang dalawang binatà sa loob. Nakilala nila ang lulan: si Elena at ang taksíl! Nagulamihanan si Gerardo. Natigilan sandalî, at ... kagaya ng̃ isang ulol na hinagad ang sasakyang lumilipad. Sinundan siya ni Florante.

Sino ang makatatatáp sa makamandág na mg̃a damdaming noo’y gumigiyagis at sumásakal sa pusò ni Gerardo?... Oh! Diyatà? Ang kanyang kasi sa piling ng̃ ibá, sa piling ng̃ isang kaaway? Diyatà? At sa gayóng dilím ng̃ gabi? At sa gayóng mg̃a pook?... Oh! Kataksilan!... At yaong mabilís na takbóng iyon, ¿anó ang kahulugan?...

Paninibughô, poot, pagka-awà sa kanyang irog, ay sunod-sunod na dumatál sa boô niyang katauhan. Ang sigaw ng̃ kanyang dang̃al, ng̃ dang̃al ng̃ kanyang pagkalalaki, ay daglíng pinukaw ang bang̃ís at init ng̃ silang̃an niyang dugô, pinawì ang pagkahapò ng̃ kanyang katawan, at nagdulot ng̃ ibayong lakás at siglá sa nanglulumóng dibdib.

Walâng tugot ng̃ katatakbó ang dalawang magkatóto. Lumalaon ay lumalaki ang pagitan nila at ng̃ sasakyan. Sasabihin ng̃ mg̃a pusòng mahihinà, na sila’y walâ nang pag-asa. Dapwa’t di gayon. Sa mg̃a kawal na iyon ng̃ kabayanihan, ang pag-asa sa isang pagwawagí ay lalong kumikinang at nagbabaga habang napápabíng̃it sa pang̃anib, pagkasawî at kamatayan.

Talagáng ganyan ang mg̃a bayani!

Talagang ganyán ang mg̃a naghahabol at umuusig sa ng̃alan ng̃ Matwíd, sa ng̃alan ng̃ Dang̃ál, sa ng̃alan ng̃ isáng dalisay na Pag-ibig! Parating buháy ang Pag-asa! Papaano’y buháy na lagi ang pananalig na, sapagka’t katwiran ang hánap, ay may isáng makatwirang Bathalà sa Lang̃it na sa kanila’y tutulong at magdudulot ng̃ tagumpay.

Pagkaráan ng̃ ilang sandalî, ang sasakyáng hinahábol ay sumapit sa isáng tuláy na lumà. Sa isáng dulo ng̃ tuláy na iyon ay may isáng malakíng bútas na, sapagka’t di pa natatagalan ay di alám ni Juancho, ni ng̃ kutserong si Kikò, ni ng̃ kanilang kabáyo.

Nangyari ang di hinihintáy: Ang mg̃a páang unahán ng̃ hayop ay tumamà sa butas,—kaya’t dagling napatigil. Ang kabáyo ay di makabáng̃onbang̃on sa pagkasubásob. Nagkangbabalì ang latiko at nagkangmamálat si Kikò sa pagsigáw, dapwa’t maanong natinag ang hayop sa pagkápang̃aw!

Si Juancho ay galít na galít sa kanyang kutsero. Bumaba sa kalesa at pagdaka’y binatukan nang makalawa ang abang si Kikò.

—“Torpe! animal! bruto! Mang̃utsero lang ay di ka marunong!... Bakit di kalagin ang tirante, cabrón?”

Si Kiko nama’y susukot-sukot na isinauli ang latiko sa lalagyan, at saka susukot-sukot ding kinalág ang tirante. ¡Kay bait na tao! Pagkababàbabà ng̃ loob! ¡Kay gandang ugalì! Mg̃a taong gayá niya’y dapat pagkawang-gawaan ng̃ lahat ng̃ mg̃a nang̃ang̃arap at nagmamalasakit sa isang maligayang bukas ng̃ Bayang Pilipino! Dapat patulugin ang mg̃a taong ganyan sa isang palasio na may isang dinamita sa ilalim!... ¡Ang busabos ay busabos lang ang iaanák!... Kung kayâ may mapangbusábos na pang̃inóon, ay sapagka’t may napabubusabos!...

Samantalang tinutupad ni Kikò ang banal na utos ng̃ kanyang mahal na amo, ay siyang pagdating ng̃ dalawang binatang hang̃ós na hang̃ós.

Lumapit ang isa kay Elena na noo’y nakahilig sa loob ng̃ sasakyan at kasalukuyang hinihimatay na naman, samantalang ang isa nama’y sinugod si Juancho at pasigáw na tumanong:

—“Síno ka?”

—“At ikaw, sino ka?”

Si Juancho’y biglang napaurong ng̃ mamalas ang tindig ng̃ nang̃ang̃alit na si Gerardo.

—“Ha? Gerardo?”—ang kanyang pamanghang tanóng.—“Diyata’t si Gerardo ka? Diyata’t buháy ka pa?”

Inaunat ni Gerardo ang kanang kamay na may pigil na isang patalim at nang̃ing̃inig na nang̃usap:

—“Taksil, anó ang ginawâ mo kay Elena?... Sumagot kaagad ó ikaw ay mamámatay!”

Si Elíng noo’y nasaulian na ng̃ diwà. Nadinig niya ang boses ni Gerardo; at nakilala ang kanyang irog na ibinalitang namatay. Lumuksó ang binibini sa kalesa at hihikbî-hikbîng niyakap ang binatà.

—“Oh, Elena!”—ang mapanglaw na bigkas ni Gerardo;—“Anó ang ibig sabíhin ng̃ lahat ng̃ ito?—Ako’y námamanghâ!... Bakit ka nápaparito?”

—“Ginahás akó ng̃ táong iyan!”

—“Oh tampalasang lalaki! Walang pusò! Di mo na inalaálang akó ay may kamay!”

Ang mapusok na binatà ay biglang lumundag sa kinatatayuan ni Juancho. Tangka niyáng itarak sa dibdib ng̃ sukáb ang hawak na patalím. Dapwa’t di itó nangyari. Si Elena ay namagitnâ.

—“Gerardo, oh Gerardo!”—ang kanyang hibik;—“huwag kang papatay ng̃ iyong kapwà, tang̃ing pamanhik!”

—“Bayaan ako, Elena!—Alam ko ang aking ginágawâ!—Pumatay ng̃ kapwà ay di laging kasalanan!—Ang kamay ko ay di nang̃íng̃imìng magpatulò sa dugông maitím!—Inibig ng̃ lalaking itó na iluksó ang iyong puri, at nang sa gayo’y madung̃isan ang aking karang̃alan!”

—“Ha! ha! ha!”—ang pairíng na halakhak ni Juancho—“Tinatawanan kita, Gerardong hambog! ha! ha! ha!”

Muling sinugod ni Gerardo ang kaaway, dapwa’t namagitnâng mulî si Elena.

—“Giliw ko, nalalabuan ka ng̃ isip, napadadaig ka sa kainitan ng̃ iyong dugô; huwag oh, huwag! Maghunós dili ka!”

—“Bayaan mo akó Elena!”

—“Gerardo, may mg̃a hukuman, may Justicia, may Diyós!”

—“At may Juancho na di nagugulat sa sanglibong gáya mo, palalò!!”—ang pagdaka’y isinabad ng̃ swail.

—“Diyatà, Elena, at ipagtatanggol mo pa ang isa kong kaaway?”

—“Hindî ko ibig na siya’y ipagtanggol. Ang kalulwa mo ang siya kong alaála. Ayokong madung̃isan ang kanyang linis; ayokong sumuway siya sa bilin at utos ni Bathalà!”

—“Malayò, Elena malayò sa akin! Ni Dios, ni ikaw, ni sino pa man ay di ako dapat sisihin sa aking gagawin!... Malayò!”

Nagpumiglás si Gerardo; nabitiwan ni Elena ang kanyáng katawan, dapwa’t hindi ang kamay na may hawak sa sandata.

—“Pumayapà ka, Gerardo! Huwag mong ikikilós ang iyong kamay, kung ibig mong huwag akong masugatan. Bitiwan mo iyáng patalim, ó mahihiwá ang mg̃a dalirì ko! Bitíw, aking irog, bitíw!”

Sumukò din sa wakás ang kapusúkan ng̃ binatà.

—“Duwag! ha! ha! ha! talagá kang duwag!”—ang sigaw ni Juancho na anaki’y isang bukod na matapang.

Si Florante na mulâ nang dumating sa tulay ay di umi-imik, ng̃ayo’y humarap kay Juancho at banayad na nang̃usap:

—“Ang táo ay malayà hanggan siya’y gumagalang sa matwid; kapag binaluktot niya ang katwiran, kapag siya’y lumabag sa makatwirang mg̃a utos, ang kanyang kalayaan ay dapat bawiin. Ikaw ay sumalansang sa inaáatas ng̃ matwid. Kami ay may karapatang kumatawan sa Justicia. Isukò mo sa amin ang iyong kalayáan.”

—“Ha! maginoong Florante! At sino pô kayo na aking susukuan?”

—“Walang maraming salitâ! Sasáma ka sa hukúman ó hindî?”

—“At sino pô kayó na aking sásamahan?”

—“Mg̃a kapantay mo, na ng̃ayo’y may karapatáng makapangyári sa iyó!... Sasáma ka ó hindî?”

—“Baka ikaw ay nahihílo!”

—“Sumagót ka ng̃ tapát, sasáma ka ó hindî?”

—“Híndî!!”

—“Ulol! Ibig mo pang ikaw ay gamítan ng̃ lakás?”

—“Hitsura ninyong iyán ang aking uurung̃an!”

Si Juancho ay naglilís ng̃ manggás at inawasíwas ang kanyáng sundang. Si Florante nama’y biglang inalantad ang dala-dalang talibóng na inagaw kang̃ína kay Kapitang Memò.

—“Halíng!”—ang kanyang sigaw—“Nakikita mo ito?”

Tiningnan ni Juancho ang sandata. Napaurong. Nangdididilat. Nakilala ang talibong.

—“Bakit iya’y nasa sa iyó? At bakit iya’y may dugô?”—ang pahiyaw na usisà—“Inanó mo ang aking kapatid?”

—“Ginawâ ko sa kanya ang gagawin ko sa iyo kapag di ka sumunod sa amin!”

—“Anó ang ginawâ mo sa kanya?”

—“Siya’y pinatay ko!”

Isang pailalím na saksák sa sikmurà ni Florante ang itinugon ni Juancho. Si Florante sa lakás ng̃ saksák ay daglíng nabaligtad, dapwa’t noon sandaling iyon ang kanyang kaaway ay dinaluhong ni Gerardo, nagkágulong-gulong sa tulay at sa wakas ay nahulog sa ilog.

Ang tubig ng̃ ilog na iyon ay may labinglimang dipá ang lalim; at si Juancho ay di marunong lumang̃oy.

Si Kiko na may kaunting pagkabinabae ay nápakurús nang makalawá, pagkukurús na sinalíwan ng̃ sunód-sunód na “Susmariosep” at “Kaawàan ka ng̃ Diyós!” Sa kalakihán ng̃ tákot ay dalì-dalìng lumulan sa kalesa at talagáng tangkâ niya’y patakbuhíng mulî ang kabáyong nakawalâ ná sa pagkakásilat, dapwa’t nang hahagkisín ná ang háyop ay siyang pagsigaw sa kanyá ni Gerardo ng̃:

—“Hoy!! Saan ka paparoon?”

Si Kiko’y kinilíg at parang tulíg na bumulalás ng̃ di mawawàang mg̃a:

—“Aba hindî pô, dine pô lang, walâ pô!”

Pagdaka’y inalúlan ni Gerardo sa kalesa ang sugatáng si Florante at si Elíng, na noo’y putlângputlâ, nang̃ing̃inig, at nanghihinà.

Nilísan nilá ang tuláy na iyon, na ayon kay Kikò ay lubhâng kakilakilabot.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings