← Table of contents
Bulalakaw ng Pag-asa

V Sa likód ng̃ kasalukúyan

Reading edition

“Aba, mang Julio”, ang bigkás ng̃ binatà; “lumuhód po kayó at nárito na ang ating Czar!”

Si Julio’y napabulalás ng̃ tawa.

“Angkáp na angkáp ng̃a sa kanyá ang ng̃alang iyan!”

Hindi lumawig ang pagtatawá ni Julio; humalili sa kanya ang isang pagkamanghâ, pagkatapos na maibáling ang paning̃in sa dákong hagdánan. Pati si Gerardo ay nápa-abá!...

Katakátaká ng̃a nama’t lubhâng mahiwagà ang mapapansín ng̃ isang nagmamasíd sa pinamagatáng Czar na sa sandalíng iyón ay kapapanhík pa lamang.

Pagkákitang pagkákita sa amerikánong isasakdál (na noó’y nagkátaong nakatalíkod at kasalukúyang nawiwíli sa pagting̃in sa isang nakasábit na magandang laráwan ng̃ nunò ng̃ mg̃a Federál,) ang presidente ay natigilan nang biglâng biglâ; túlos na túlos sa púnò ng̃ hagdanan; ang mg̃a matá ay pinanáwan ng̃ panglilisik at kúsang napakò sa likod ng̃ amerikáno. Tumindíg sina Julio at nagbigáy ng̃ “magandang araw”, dapwa’t ni tang̃ô, ni ting̃in man lang, ni ano pa mang tandâ ng̃ paggantí, ay dí sila nagkamít.

Papaáno’y ang boông pag-iisip ni Kápitang Memò ay nabubuntón sa isásakdál na mulâ, nang tamáan ng̃ kanyáng matá ay pinasikdósikdó ang loob niyá nang gayón na lang. ¡Kanyá mandín natatandâan ang húbog ng̃ pang̃ang̃atawán ng̃ amerikánong itó!... Túnay ng̃a kayáng ito’y si ... si ... si Stag?

Habang nagtatagál ang kanyang pagmamasíd ay lalò at lalòng nakikilála ang pinagmamasdán.

Isang matinding tikím na kinaugalían, at isáng magasláw na kilos ng̃ nakatalíkod, at ... ¡biglang namutlâ ang natutúlos sa punò ng̃ hagdán!

Ang tikím at kilos na iyón ay kilaláng-kilalá niya; wala kundi si Stag lang ang marunong kumílos at tumikím ng̃ ganoon.

“At bakit itó’y nápaparíto ng̃ayón?...”—ang kahi’t di sinasadya’y naibulong sa sarilí ng̃ namumutlâng pinunò—“Akó kayâ ang talagáng hanap?... Alam kayáng presidente na ako ng̃ayón?... Maánong huwag ng̃ maalaála...!”

Hindî man ibig ni Kápitang Memò ay kusang ipinadpád siya ng̃ kanyang gunitâ sa panahóng nagdáan—sa taóng 189...—sa isang háting-gabíng madilím nang silang dalawá ng amerikánong itó, ay magkasámang lumanság sa isang pintóng nakalápat sa lalawigang Tarlak.

Sariwàng sariwà pa sa kanyáng alaála ang mg̃a nangyari noón! Hindi, oh hindî niya malilimutan ang pagkaparoól ng̃ isang amá, isang amáng tagalog, na noo’y walang malay na naligò sa sariling dugô—dugông pinaágos ng̃ kanyang kamay, kamay niya—ni Kápitang Memò!

Hindi pa rin nakakatkát sa kanyang gunitâ ang mg̃a himutók, at pananambítan ng̃ dalágang anák ng̃ amáng iyon—anák na sa isang sandalî ay inagáwan ng̃ magúlang, at pinagnakáwan ng̃ táng̃ing kayamánan ng̃ isang dalága: ang saríling púri. At ang nagnákaw, ang naglubálob sa lusák sa púring iyón ay siyá rin, siya—si Kápitang Memò!

At lalong hindî pa rin naliling̃íd sa kanyáng guniguni ang kináng at dámi ng̃ pilak na sa bahay ding iyon ay kanyáng nalíkom. Ang pílak na itó ay umabót sa halagáng -P-10,000—salapîng pinagkayariang hatiin nilang dalawá ni Stag na lubhang malaki ang pagod na ginugol sa kapang̃ahasa’t katampalasánang iyon. Ang paghaháting ito, sapagka’t hindí maáring gawin noon din, ay ipinagpaliban sa umága ng̃ kinabukasan at sa bahay ni Kápitang Memò sa Tarlák.

Dapwa’t ang paghahatì ay di natupad: noon ding gabing iyon, ang makisig at túsong kápitan ay nakalipád sa ibang lupálop. Tagláy niya ang -P-10,000 piso at isang sariwàng katawán. Sa minsang sabi, si Stag ay nàlinlang niya, ni Kápitang Memò!....

Ang Kápitan ay papanáog na sána at ang tangka’y umuwî noón din upang siya’y makapagtágò sa pinang̃ing̃ilágan.

Dapwa’t, ¡hulí na! Hindi pa man lang nakatátalikod ay hinaló na siya nang sunódsunód ng̃ dati niyang kasákasama.

Kun sa pagbatì sa Kápitan ang bibig ni Stag ay nakang̃itî ang kaluluwá naman niya’y nagng̃ing̃itng̃it sa pagsigáw ng̃: “Háyop, di ka na muling makawawalâ sa akin!”

Ang kaawà-awàng presidente ay hindî na nakatulóy ng̃ pagpanáog. Anó ang dápat niyáng gawin ng̃ayón? Wala, kundî ang maglakás loob. Hinaráp ang kanyang dáting kaibígan at bumigkás ng̃ ganitóng mg̃a pang̃ung̃úsap:

“¡Oh, si Mr. Stag! Kayo palâ! Hindi ko kayó nákilala! Ipagpatáwad ninyo! Saán kayó gáling? Ang akalá ko’y umuwî na kayó sa Amérika. Ng̃uni’t magtulóy, magtulóy kayó!”

Binuksán ang pintô ng̃ tanggapan ng̃ presidente at silang dalawá ay nagsipások.

Maláwig ang kaniláng salitàan. Tuwâng tuwâ, si Stag nang maaláman na itong kaibígan niyá ay “umasénso” na palâ. At laló pa mandíng nag-ibáyo ang kanyáng pagkatuwâ nang maalámang ang batà niya’y siya palâng huhukóm sa usapín niláng dalawá ni Julio. Si Kápitang Memò namán ay punông punô ng̃ salitáng “patáwad!” Bawa’t pang̃ung̃úsap niyá ay may kalákip na isang “patáwad!” Walang magasláw na salitâ si Stag na di niya tinugón ng̃ isang malambíng na “patáwad!”...

Natápos ang kaniláng lihim na pagpapanáyam pagkaráan ng̃ isang óras at kalahatì.

Binuksán ng̃ presidente ang pintò ng̃ kanyáng opisina at sinigawán ang sargento ng̃ mg̃a pulís. Ang tináwag ay hálos mag-kandarapà sa pagmamadalî nang pagharáp sa kanyang pinunò.

“Papasukin dito iyang mg̃a táong may ihaharáp na sakdál”, ang utos ng̃ presidente.

“Opó, señor!”—ang tugón naman ng̃ sargento.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings