XIV Ako’y Nang̃ang̃amba!...
Reading edition
“Mg̃a binibinì at ginoóng kaánib sa ‘Dakiláng Mithî’:—
“Kayóng lahát ay pumarito na tagláy sa pusò ang masaráp na pag-ása, na táyo’y uumagáhing pára-pára sa pagpapasasà sa isáng malambíng na sáyawan. Hindî kayó mabibigô mg̃a ginóong magigitíng.
“Sáyawan at walâng ibá kundî sayáwan ang inyong ipinarito, kaya’t sáyawan at walâng ibá kundî sayawan ang dito’y áting pagdudumugan.
“Akin lang ipinagpapauna na ang sáyawang itó ay kakaibá sa lahat ng̃ sáyawan na inyóng alám. Wikà ng̃â’y, bágong sistema; mapapálad kayo sapagka’t kayó ang unang makakákilala sa kanya!
“Sapagkâ ng̃â’t bágo, ay kailáng̃ang siya’y ating ipaaninaw mabúti. Sa sayáwan pong itó, mg̃a ginoó at binibinì, ay hindî mg̃a páa, kamáy at baywang ang magsisiindák. Ang dito po’y magpapakitáan ng̃ gílas at kisig, ay ang mg̃a dilà’t ng̃alá-ng̃alá; kaya’t sayawan ng̃ mg̃a dilà’t ng̃alá-ng̃alá ang sa ng̃ayóng gabí ay siyáng yáyaníg sa báhay ng̃ ating pang̃úlo!”
—“Nilint... na!!”—anáng naka-itim.
—“Pero que bruto”—ang tugon namán ng̃ galít sa rigodon.
—“Batid ninyóng lahát mg̃a binibinì at ginóo,”—ang patúloy ni Gerardo—“na dito sa ating báyan ay may isang kapisanang di pa nalaláon ay ítinayô ng̃ kabatáan. Batíd din ninyóng lahat na sa mg̃a sandalîng itó ang kapisánang iyán ay kasalukúyang naghihilik sa lálim ng̃ pagkahimbing.
“Ang di na yatà makasanglibong pagtawag ng̃ púlong na laging nabibigô, ay labis na nag-uulat sa katotohanang itó. Ang pagkakabitin sa impapawíd ng̃ lahat ng̃ mg̃a panukalang inaharap at pinag tíbay sa lóob ng̃ kapisanan, ang pagkabigô ng̃ aklatang itatatag, ang pagkabigô ng̃ páhayagáng palálabasin, ang pagkabigô ng̃ mg̃a papúlong, ng̃ paaralán sa gabí, at ng̃ mg̃a kung anó-anóng campaña na sagánà sa hang̃in—ang lahát ng̃ iyán mg̃a binibinì at ginóo, ay isa pang di mapupuwing na saksí ng̃ pagkaúring mantikang-tulóg ng̃ ating Kapisánang kagúlatgúlat noóng kanyáng mg̃a únang áraw!
“Sa gitnâ ng̃ ganitóng kalagáyang dápat ikahiyâ ng̃ kabatáang Libís, síno ang áting dápat sisíhin?
“Ang mg̃a nang̃ung̃ulo sa kapisánan?
“Akó na maláon nang nagmamasíd sa ginagawâ niláng pagtupád sa kanikaniláng tungkúlin, ay walâng úlikúlik na makakapagsábi na ang mg̃a ginóong iyán ay nagawâ ná ang lahat ng̃ abót ng̃ kaniláng káya.
“Ipinatútúpad ng̃ pang̃úlo sa áting mg̃a kaanib, ang palatuntúnan at mg̃a alituntúnin, dápwa’t áayaw táyong magsisunód! Kaniláng iminumungkahì na isagawà ang mg̃a panukala’t bátas na pinagkayarian nátin, dápwa’t áayaw tayong magsikilos!
“Tumatáwag ang kalihim ng̃ púlong áraw-áraw halos dápwa’t áayaw táyong magsidaló!
“Mahúsay na hinihing̃î ng̃ Ing̃at-yáman ang ambag sa bawa’t buwan ng̃ bawa’t isa, ng̃uni’t átin siyáng pinagtátaguan!
“Síno ng̃ayón ang dápat managót sa pagkadiwarà ng̃ kapisánang itó?
“Síno ang dápat lagpakán ng̃ ating pagsisisi kundî táyo rin—táyo na bubuô ng̃ isang kautusán at pagkatápos ay táyo rin ang sa kanya’y susúay?
“Síno ang dápat nating sumpâin kundî ang átin ding mg̃a katawán—Táyo, na lilikhâ ng̃ isang matáyog na panukalà para sa ikabubuti ng̃ bayan at pagkatápos kapag isasagawâ ná, ay tayo rin ang kaunáunahang malululà, ang kaunaunáhang uurong?
“Síno ang dapat managót sa lahát ng̃ itó, mg̃a ginóo, kundî tayo rin—táyo na kadalasa’y dahil lang sa kaunting sakít ng̃ ulo, ó kaya’y ng̃ ng̃ipin, ó dúlo ng̃ kukó; dahil lang sa kauntíng ulán, sa kauntíng ínit ng̃ áraw, sa kauntíng antók, sa kauntíng layò ng̃ pagpúpulung̃an, sa pagkawalâng mákasáma, ó sa pagkawalâng mabuntutan—dáhil na dáhil lang diya’y di na táyo magsisidaló sa púlong?... ¡¡Samantalàng kápag isáng sáyawan ang atíng dádayúhin, ay sumasagasà táyo sa unós at buháwi, nawawalâ ang sakít ng̃ ulo, napapawì ang antók, di iniindá ang ínit ng̃ áraw ni sinusukat ang layò ng̃ pagdaraanan!!
“Sino ang dápat kilabútan sa hiyâ kundî táyo rin na kung makaísip mang dumaló sa púlong, ay panayon na lang mg̃a hulí—panayón na lang animo’y mg̃a kúhol?—Táyo na muntíng maantig ang bulsá, munting mahing̃an ng̃ maipagtatawid búhay ang kapisánan, ay magpápakalayô-layô na di na maáapúhap kahi’t na nakakayanan ang halagáng hinihing̃î? ¡¡Samantaláng kapág ang isáng sáyawan ang paguukúlan, ay malúwag na malúwag at galák na gálak táyong nagkakaloób ng̃ píso, piso’t isang salapì, at kung minsan pa’y hanggang dalawá!!
“¡Ah, mg̃a kabábayan!... Kung ang mg̃a katotohanang itó na sakdál ng̃ papaít ay nakasusúgat sa inyóng mg̃a damdámin, ako’y di nagsisisi! ¡Tinutupád ko ang áking katungkúlan!
“Karápatdápat at kailáng̃ang mabatíd nating lahát ang hubád at wagás na katotohánan, na, ang kabatáan sa bayang itó ay kúlang pa ng̃ lakás, kulang pa ng̃ tyagâ, pagtitiis, at siglâng walâng máliw! Walâ pa ditong tunay na kalakasan ng̃ loob na kinakailang̃an upang maisagawâ ang isang adhikâng mataas!
“Ah, Kabatáan, Kabatáan! Kay lakás mong mang̃árap, dapwa’t kay dalî mong masawan, kay dalîng manglumó ng̃ iyong pusò, kay dalî kang panghináan ng̃ túhod!...
“Iyán ba ang kabatáang pinang̃ápang̃árap ng̃ Dakilàng Rizal?
“Iyán ba ang kabatáang inaasahang tútubós sa Báyang itó na ng̃ayo’y nábibing̃it sa bang̃in ng̃ kamatáyan?
“Iyán ba ang mg̃a kawal ng̃ tagumpay Bukas?
“¡Ah, Kabatáan! kung ang mg̃a malilíit na kapisanan ay di mo mapagtiyagaang buháyin, papaáno kayâng pagbúhay ang iyong gágawin sa isâng Bayang malayà?
“Kaunti pang paghuhunosdilì, kaunti pang pagling̃ap sa dang̃al ng̃ katungkulan! Kauntî pang pag aáalaála sa kinábukasan!
“Samantálang ikáw, Kabataan ay waláng hanap kundî sayá at ligaya, samantálang di ka natutútong umibig sa walâng likát na pagpapágod, pagbabatà ng̃ hirap, at pagsusunóg ng̃ kílay; samantalang, di ka natutútong tumalikod sa mapanghalinang kawáy ng̃ mg̃a bulaklák, sa matatamis na awit ng̃ mg̃a sirena, úpang makatupád sa isáng katungkúlan; samantalang ikáw ay nabúbuhay sa himpapawíd ng̃ mg̃a pang̃árap at di sa párang ng̃ paggawâ; samantalang ikaw ay walâng loob na íukol sa sarili mong bayan ang bawa’t galaw ng̃ iyong isip, bawa’t tibók ng̃ pusò, bawa’t sandalî ng̃ iyong panahón, bawa’t paták ng̃ iyong dugô; samantalang nananatili ka sa mg̃a ganyáng kalagáyan, ikáw, kabataan, ikaw ay di dapat tawaging Pag-asa ng̃ tinubuan mong lupà; ang dápat itáwag sa iyó ay Hampas ng̃ Diyós sa iyóng Lahì!”
Pinútol dito ni Gerardo ang kanyáng talumpatì. Dátí-dáti tuwî siyáng magsasalitâ nang hayág, ay di maúbos-úbos ang papuri sa kanyá ng̃ madlâ; ng̃uni’t ng̃ayón, maánong nagtamó siyá nang kahi’t gaputók na palakpák!
Sa mg̃a binatà marámi ang sa kanya’y ng̃ung̃usò-ng̃usò at iírap-irap; may iláng dadábog-dábog at búbulong-bulóng.
Si Choy ay tuwâng-tuwâ nang maalámang di mátutulóy ang ipinang̃akong sayáwan. Kamuntî na siyáng makalápit sa naka-lana upang ito’y mábigyan ng̃ isáng mabining “Hiilatt!” Ang mukhâ ng̃ naka-lana ay di maipintá noón. Hindi nagkásiya sa isinimásimáng̃ot at ipinisépshe. Sa huling bahági ng̃ talumpatì ni Gerardo ay walâng ibinubugá ang nagkakangng̃ing̃iwi niyang mg̃a labì, kungdî payak na:
—“Suplado! Hambug! Hi...! Palalò! Yabang!... Para ka riyang isang lélong na nang̃ang̃aral sa amin ah! Cu...!”
Pabulóng kun bigkasín ang mg̃a salitáng itó, na anopa’t walâng nakáririníg kundî yaong mg̃a malalapit sa kanyá!
Hindî lang ang bibig ng naka-lana ang nang̃ung̃usap: ang mg̃a matá niya ay may lalong mahalagáng bágay na inihahayág. Ang mg̃a namumutèng matáng iyón kun titígan si Gerardo nang siya’y nagsasalitâ ay parang tumitítig sa isang nag-papaálam na bibitayin, kundi man sa isang kabaong na, sa isang tigmak na sa dugô!
Ang naka-lana ay si Juancho!—si Juanchong masidhing kaaway ni Gerardo sa lahat ng̃ bagay; ang nabigông kandidato sa kamay ni Elena, ang bunsong kapatid ni Kápitang Memò na kanyang kinasapakat sa madugô niyáng paghihigantí kay Gerardo!—paghihigantíng gáganapin nilá sa gabí ding iyón!....
Nang matápos ang talumpatì ni Gerardo, ang pang̃ulo namán ng̃ “Dakilàng Mithî” ang pumagitnâ. Siyá ay isáng táo na di-masalitâ; at kung magsalitâ man siyá ay banayad, parang tinitimbáng ang mg̃a sinasábi; hindi siyá gumagámit ng̃ mg̃a salitâng labis at di kailang̃an; walâng bulá-bulaklák, waláng pahá-paháng̃in, gaya ng̃ daan-daan diyang mg̃a mananalumpatî na tuwing magsasalitâ ay walang nagagawâ kundi lunurin sa háng̃in ang sa kanila’y nakíkinig. Ang pang̃ulo ng̃ “Dakilang Mithî” (kun ibig ng̃ bumábasa na siya’y lalong mákilala) ay isang nagaaral ng̃ Derecho sa isang bantóg na paaralán sa Maynilà; ilang taón na lang at siya’y tútupad na sa dakilàng tungkuling pagtatanggól sa kápwa.—“Hindî bagay sa iyó ang mag-abogado, Abraham!”—ang láging iginigiit sa kanyá ng̃ mg̃a kaibigan—“Ang dapat mag-abogado ay yaóng mg̃a táong masalita, hindî ang mg̃a walang kibó na gaya mo!” Labis na batid ni Abraham ang kaululan at kahang̃alang isinisiwálat ng̃ mg̃a gayóng pang̃ung̃usap; kaya’t lalò niyang tinikís. Samantalang hinihigpitán ang kapit niyá sa pagaaral ng̃ Derecho ay lalòng pinag-ibáyo niya ang pagtitipid ng̃ salitâ. Sa paninikis na ito ni Abraham, ay ibig mandín niyang ipamatâ sa mg̃a bulág na pag-iísip ng̃ kanyáng mg̃a kakilála na upang maging isáng mapagwagîng abogado ay di kailang̃an na magíng isang daldalero!... Kay rumami ng̃â namán ang nagkakamalî sa bahaging ito ng̃ Karunúng̃an, ang akalà nila’y sa pamamagìtan ng̃ isáng bung̃ang̃ang walang tahán ng̃ kábubugá, ay mapasusukò ng̃ isang abogado, sa alin mang usapin, ang kanyáng kalában; at ang isang táong bung̃ang̃ero ay pílit na magíging isang maningníng na abogado.
Kung gayo’y dapat manding imungkahì sa pamahaláan, na magtatág ng̃ isang Escuela de Derecho sa loób ng̃ Hospicio de San Jose para sa mg̃a nakukulóng doón, na kahi’t nagiisa ay... ¡usáp pa rin ng̃ usáp!...
Oh, magsipagtahan kayó mg̃a úlong marurupok!
Hindî pa ninyó batíd yaong mg̃a palásak na kasabihang: “Ang pantas ay walang kibo” alalaong baga’y hindì daldalero ni daldalera. (He who is wise, keeps still.) (Hombre de poco habla mucho piensa.) At, “ang salita ay Pilak (¡ng̃unì’t!) ang pananahimik ay GINTO!” (Speech is Silver, silence is GOLD!)
Hindî pa rin ninyó batid ang mg̃a katotohánang sumusunód:
1.—Na, upang maging pantás sa alin mang hánapbuhay, maging sa pag-aabogado at maging sa pag-memedico, atb., ay dalawáng bagay ang kailang̃an: Una, Magmasid; ikalawa, Kumuro. Ng̃ayon, ako’y nagtatanóng, sino ang lalong malínaw magmasid at kumuro: ang isang walâng humpay ng̃ katututtuttut, ó ang isang tahímik na nakíkiníg at umiísip, maíng̃at na tumíting̃in at tumitimbang sa bawa’t tamaan ng̃ matá?
2.—Ang abogado, ó sino mang táong di masalitâ, tang̃i na lang ang mg̃a mangmang, ay may panahon upang pagarálan at lubáhing mabúti sa kanyáng ulo, ang isang pagkukurò, bago ihayág; nakapipilì siyá ng̃ mg̃a salitang angkóp at matitíbay; napipilì niyá ang lalong matíbay na paglalahad sa ibig sabíhin. Ano ang ibinubung̃a? Kaliwanagan! Lakas! Ang kaliwanágan ng̃ pang̃ung̃usap ay kapangyaríhan sa isang pagtatalo!
Samantalang sa kabilang dáko, ang isáng walâng pahing̃a ng̃ daldál, tang̃i pa sa nakayáyamót at nakaaaksayá ng̃ panahón (hindî lang ng̃ kanyáng panahon kundî patí ng̃ panahón ng̃ kausap) ay di nagagáwing timbang̃in at kuruìng mabuti ang isáng bágay bago ihayág; di napipilì ang mg̃a salitang dapat gamítin; walâng mahúsay at makatwirang pagkakasunódsunód ang kanyáng isinásalaysáy; nálalahók ang mg̃a bágay na waláng kabuluhán at di kaíláng̃an, at kun minsan pa’y sa kadalasán ng̃ salitâ ay di naiísip ni naaalaman ang mg̃a pinagsasabí! Anó ang napapala? Kahinàan! Kagusután! Kalabuan!
At ang isang abogadong mahinang mang̃atwíran, magusút kung umisip at malábong mang̃úsap ay isáng abogadong ... ¡kahabág-habág!
3.—Ang mg̃a abogado na kapag nagtatanggól sa isáng paglilítis, ay walang nalálakasán kundî payák na paháng̃in at daldal, mg̃a paikot-ikot at walâng katuturáng pang̃ung̃úsap, ay paraparang kinasúsunukán, kinarírimaríman at hindi pinagdídidiníg sa loób ng̃ mg̃a hukúmang ináabot ng̃ liwánag ng̃ siglo XX... Ang tinatangkílik, ang kinasasabikán, ang dinídinig, ang kiníkiling̃an, di man sinasadyâ, ng̃ hiyáng ó simpatía ng̃ isang taál at pantás na hukom, at yaóng abogado na di nagaaksáya ng̃ salitâ, yaóng di nagsasalitâ kundi kailáng̃an, yaóng maalam ihayág ang ibig sabihin sa íilan at pinilìng salitâ, yaóng malumánay, banáyad, dapwa’t matibay at matalínong mang̃ang̃atwíran, yaóng bawa’t bigkasín ay may kahulugán, bawa’t isalaysáy ay malínaw at mahúsay—iyán ang túnay na abogadong dapat kilalánin ng̃ lahat.
Dápwa’t, gíliw na bumabasa, tayo mandin ay lubhang napapakálulong sa pagkakalayo sa sinúlid ng̃ ating kasaysáyan. Tayo’y búmalik at pakinggan natin kung anó ang sásabihin ng̃ pang̃ulo ng̃ “Dakilang Mithî” sa kanyáng mg̃a kasamahán.
“Mg̃a kasáma:
“Upang tayo’y magkatipon, at makapagdáos ng̃ púlong, ako’y náyag na kayo’y dayàin.
“Ang pagdadayà ay masamâ.
“Ng̃uni’t kung minsán ay kailang̃ang gumawâ ng̃ masamâ upang matamó ang isang kabutihan.
“Kailang̃ang barilín ng̃ isáng pinunò ang sundálo niyáng tumátakbó sa labanán upang ang ibá ay huwag magáyang umúrong.
“Kailang̃ang sugátan ang bató upang mapalabás ang kanyáng apoy.
“Ng̃ayon: alam na ninyó kung bakit kayo’y aming dinayà.
“Ayókong aksayahín pa ang mahalagá ninyóng panahón.
“Pasimulán nátin ang púlong.
“Mg̃a ginoó: anó ang inyóng pasiya? Sa áking akala’y ang kapisánang itó ay dapat nang lansagín.
“Dapat lansagín ang sabí ko sapagka’t walang kabutihan siyang nililikhâ; bagkus pa ng̃ang payak na kasamâan ang kanyang ibinubung̃a.
“Sa kapisánang itó nagbubúhat ang pagbibigátan ng̃ loób, díto nababanáag ang lahat ng̃ mg̃a ugáling karumaldúmal ng̃ kabataang Libis; dito nádadamá ang maráming katotohanang masasakláp na dápat ikahiyâ ng̃ ating mg̃a nunò sa kabiláng búhay.
“Hindî kayâ marápat na lansagín ná ang kapísanang iyán?
“Hintáy ko ang pasiyá ng̃ kapulúng̃an.”
Ang kapulúng̃an ay di sumásagot. Ang banáyad ng̃uni’t matitinding pang̃ung̃usap ng̃ pang̃ulo, ang nang̃ing̃inig niyáng bóses, ang kanyang nagbabagang paning̃in, ay nagpayukô sa lahat. Ni si Juancho, ni si Choy, ni ang naka-itim ay walâng naihumá.
Naghaharì sa boóng báhay ang piping katahimikan. Nakaraan ang limang minuto; walâ pa ring sagót.
Walang kamalák-malák ay nang̃agtilian ang mg̃a babáe.
“Demónyo! Tatay ko! Demónyo! Nanay ko! Demónyong sung̃ayan! Demónyong may buntot!”—ang sigaw niláng dî magkamáyaw.
At demónyo ng̃â namán!... (Noon ay kasalukúyang nagdadaos ng̃ Karnabál sa Maynilà.)
Sinalúbong ng̃ pang̃ulo sa hagdánan ang nakabalat-kayô. Isáng liham para kay Gerardo ang taglay niyá.
—“Síno kayâ itó?”—anang naka-itim at pagdaka’y lumápit sa demonyo na nakating̃in kay Gerardo samantalang binabasa nito ang tinanggap na liham.
—“Sino ka bagá, ha?”—ang mulîng tanong ng̃ naka-itim, at pagdaka’y sinulot sa tagilíran ang nakabalatkayô.
—“Aruy! Tinamaan ka ng̃...!”
Ang ¡aruy! ay ibinung̃a ng̃ isáng tábig ng̃ demonyóng nakilitî—tabig na tumamà sa sikmurà ng̃ pang̃ahas. Dalì-dalìng umupo ang naka-itim na tutóp ang tiyán.
Humúgong sa tawa ang boong bahay.
Ang pang̃ulo ay pumukpók sa kanyang laménsa. Naputol ang tawánan dapwa’t di ang bulúngbulúng̃an, di ang pagsulyáp sa demónyo at sa tinábig niyáng napang̃iwi’t súkat.
—“Síno ng̃a kayâ iyan?” ang mulîng usisa ng̃ bálana.
—“Ah, kilala ko na! iyán ay si Tunyò”—anang isa.
—“Hindî, si Basio iyán!”—anang isa pa—“tingnán mo’t ang katawán ay Basiong-basio!”
—“Hindî; maniwalà kayó,”—ang sabád namán ni Choy—“iyan eh si kumpáring Kulás.”
Malî silang lahat. Si Juancho lámang ang nakababatid kun sino ang demonyóng iyon!
—“Pagsalitaín ng̃â natin”—ang bigkas ng̃ isang pingkaw—“Hoy demónyo! demónyo! magsalitâ ka ng̃â.”
Ang demónyo’y parang bing̃í. Hindi ináalis ang ting̃in kay Gerardo na pagkatápos na mabása ang sulat ay lumapit sa may dalá at tumanóng:
—“Sino kayo?”
Ang demonyo’y parang pipi. Kumumpás-kumpás na lang at iginaláwgaláw ang ulo na tila ang ibig sabihi’y:
“Manáog ka sa lupa’t doón táyo magkakaalam!”
Si Gerardo ay napang̃itî na lang sa ikinumpás-kumpás ng̃ nakabalatkayô. Dapat kayâ siyáng sumáma? Tiningnán ang liham at sandaling nag-alinláng̃an; pagkwa’y,
—“Táyo!”—anya, at inakbayán pa mandín ng̃ demonyo, bágo silá nanáog.
—“Naku! Si Gerardo!”—ang di man kinukusa’y nalaglág sa mg̃a labì ni Pacita na malakíng totoó ang tákot sa demonyo, palibhasa’t noón lang siyá nakakita ng̃ gayóng gayák.
Si Elena namán ay putlâng-putlâ; kákabá-kabá ang kanyáng dibdib.
—“Kilalá mo ba iyón?”—ang pang̃atál na tanóng kay Florante na kanyáng kaibigan, at noó’y kasiping sa upô.
—“Hindi, ah!”
—“Masamâ ang kutob ng̃ áking loób. Nagíisá si Gerardo—Baka siya’y kung anhin!... Ako’y nang̃ang̃ambá!”...
—“Susundán ko!”
—“Para mo nang awà Florante.”
Noón di’y nanáog ang binatà.