← Table of contents
Bulalakaw ng Pag-asa

XVIII Pahimakás ni Florante.

Reading edition

Sa sumunód na sanglinggóng singkád, sa boông bayan ng̃ Libís, ay walâng napaguusápan ang síno-síno man, saán mang súlok magkatatagpô kundî ang matalinghagàng gabí na sumaksi sa gayóng mg̃a pangyayáring nakapanghihilakbot na lubhâ, at hálos di mapaniniwaláan ng̃ mg̃a di mapaniwalâing taga-Libís, dáng̃an lang at may isáng Gerardo, isang Elena, at isáng Floranteng sugatán, na nagpapatúnay sa mg̃a nangyári.

Lahát ng̃ makadinig sa kasaysáyan ng̃ gabíng iyón ay nagkakaisá na ang sinápit ni Kapitang Memò at ng̃ kanyáng kapatid ay “isang marápat na gantíng palà ng̃ Lang̃it sa kanilang mg̃a inasal.” Subalì, anó ang nangyári kay Kapitang Memò? Walâ táyong nababatíd kundî ang katotohánan na siya’y nasugátan. Dápwa’t namatáy kayâ ang bantóg na mámamatay? Ni si Florante, ni si Gerardo ay di itó masagót nang tahásan. At tila ng̃â di matitiyák nino man ang bágay na itó, sapagka’t kung túnay man na mabisà ang pagkakasaksák ni Florante,—bágay na pinatotohánan nang pagka-walâng malaytáo ni Kapitang Memò ng̃ siya’y iwan nina Gerardo—ay túnay din naman na dáhil sa kadilima’y di matiyák ng̃ binatà kung saáng bahági ng̃ katawán tumamà ang patalím, kung sa dibdib, kung sa sikmurà ó kung sa tiyán. Tang̃í rito nang dalawin kabukasan ang mg̃a poók na iyón ay walâng napagkita kundî ang namumuông dugô ng̃ nasawîng pinunò. Maaárì na siya’y namatáy noón ding gabing iyón, at ang kanyáng bangkáy ay dinalá sa ibáng pook at ibinaon ng̃ kasama niyáng nakataanán kina Florante. Maaárì na hindî siya nagtulóy sa pagkamatáy; na nang masaulían na ng̃ diwà ay nakapag-inót na lumakad at tumung̃o sa isáng kublí at maláyong bahági ng̃ iláng.

Sa dalawang “maaarìng” itó, alín kayâ ang túnay na nangyári? Mag-gáwad ng̃ pasiyá ang bumabása.

Iniaátas ng̃ kahusáyan na usigin kaagád ng̃ hukuman ang madugông sigalot, upang sa gayo’y mapatunáyan kun sino ang may sála sa boông kasiyaháng-loób ng̃ lahát, at sa ibáyo ng̃ lahat ng̃ mg̃a pag-aálinláng̃an.

Tatlóng áraw na ang nakararáan. May mg̃a higing na sina Gerardo’y ipadadakip, dapwa’t higing lang. Kundang̃a’y sa boông bayan ng̃ Libis, sina Kapitáng Memò ay walâ ni isang kamag-ánakang malápit ni kaibigan na nagkaloób na pumúkaw sa kapangyaríhang nagwawalâng-bahalà. Ng̃uni’t saán útang ang pagwawalâng-bahálang itó ng̃ mg̃a pinunò? Aywan natin. Lubhâ siyang kataká-taká.

Hindî masasábing mahírap dakpin sina Gerardo; sapagka’t ang mg̃a itó ay walang alís sa Libis. Si Gerardo’y waláng iniintay óras-óras kundî ang siya’y ipatáwag ng̃ hukúman; samantalang si Florante namán ... oh, si Florante! Lalòng madalî siyáng hulihin!

Kahabaghabag na binatà! Pagkatapos na masagip sa pang̃anib ang isáng kaibigan, pagkatapos na masunód ang átas ng̃ matwid, ay siyá pa ng̃ayón ang papagdudusáhin sa gitnâ ng̃ isáng mapaít na kapaláran! Ang kanyáng súgat ay lumulubhâ. Walâng lagót hálos ang di maampát na tulò ng̃ dugô. Araw-áraw ay humihinà ang dati’y malusóg, sariwà, at malakás niyáng katawán; tumatamláy ang mg̃a matá na dati’y maningning na lagì; pumapangláw ang dati’y masayá at palang̃itíng mukhâ.

Si Gerardo ay balisángbalisá sa paglubhâng itó ng̃ mahál na kaibigang nagligtas sa buhay niyá. Hindî siya humihiwalay kahi’t sumandalî sa piling ni Florante, tang̃ì na lamang kung kailang̃ang totoo.

Siyá ang nagpapakain, siya ang umaalíw, siyá ang nagbibihis, siyá ang tumatánod sa may sakít araw-gabí. Kusang nilimot, isinatabí na muna ang ligayang tuwî na’y hinihing̃î ng̃ kanyáng pusò, ang pakikiuláyaw, ang matamis na pakikipagtitigan, ang paghalík sa bang̃ó, at pagtatamasá ng̃ boong luwalhatì at láyaw sa kandung̃an ng̃ kanyáng Julieta.

Dapwa’t sáyang na pagpapágod ang kay Gerardo! Sa likód ng̃ maíng̃at niyáng pagaalagá sa maysakít, ay walâ siyáng námalas kundî ang lalò pa manding paglubhâ nitó, ang lalòng panghihinà ng̃ katawan, ang lalòng pagdalang ng̃ tibók ng̃ buhay, hanggang sa wakas ay sumápit ang mapaít na sandalî nang ang mg̃a manggagámot sa gitnâ ng̃ di masáyod na pang̃ang̃ambá ng̃ lahat ay tahásang nagpahayag na sila’y walâ nang pag-ásang mailigtás pa ang may sakit.

—“Ginámit na namin ang lahát ng̃ paráang sakláw ng̃ áming kaya”—ang wikà nila—“Walâ na kaming magágawâ. Gayón ma’y magsidulóg kayó sa ibáng manggagamot na lalòng pantás kay sa ámin,—siná Valdez, Angeles, halimbawà.”

Háting gabíng malálim nang ang pagsukòng itó ay ipahayag.

Minabuti ni Gerardo ang pagtáwag ng̃ ibáng manggagámot sa Maynilà. Tinangkáng lumuwás, ng̃uni’t kailán? Pagbubukáng liwayway? Makasanglibong hindî! Si Gerardo ay isáng táo na kapag iníbig na gawín ang isáng bágay, ay di marunong magpabukás. Noon din sandalîng iyón siya’y napa-Maynilà. Ni tren, ni bapor, ni kalesa ay walâ; kaya’t nang̃abayo, nang̃abáyong sumagupà sa gayóng dilím ng̃ gabí!

Sa pagdáan niyá sa tapat ng báhay ni Elena, ay nagkatáong nakadung̃aw ang kanyáng kasi. Tumigil sandalî, ipinahiwátig sa tatlóng salitâ ang lagay ni Florante, at daglîng nawalâ: parang palasô na lumipád sa Kamaynilàan.

Si Elíng ay balisáng-balisá; nagbihis, at noón din ay napasáma sa bahay ni Florante.

Nang siya’y dumatíng ang may sakit ay kasalukuyang nagsasalitâ.

—“Nanay”—ang wikà sa iná, kay aling Tinay.—(Si Florante’y wala nang amá.) “Ayoko nang nakahigâ, ibig ko’y nakasandal.” Nang masunod ang hilíng ay tinitigan ang lahat ng̃ nang̃ároon. Bukod kay Elena at sa kanyang iná ay nakilala ng̃ may sakit ang mg̃a katoto niyáng si Faure, si Lauro, si Baltazar, at saka ang magagandáng Pacita, Nena, at Milíng.

—“Elena, si Gerardo?”—ang pagdaka’y itinanóng ng̃ makitang walâ roón ang tang̃i niyang kaisáng-loób.

—“Lumuwás siyá, upang tumáwag ng̃ manggagámot.”

—“Para sa akin?”

—“Oo.”

Nagbuntong-hining̃a ang may sakít.

—“Oh!”—anya,—“bákit kayâ at nagpapakapagod ng̃ ganitó si Gerardo? Papaano kayâ ang dapat kong gawín úpang makagantí sa kanyá?”

—“Florante, malakí ang útang ng̃ loób ni Gerardo sa iyó. Iniligtás mo ang kanyáng búhay!”

—“O, ay anó iyón? Bakit siya kikilala ng̃ útang ng̃ loób sa akin gayóng walâ akong ginagawâ kundî tumupád ng̃ katungkulan?... Para namang siya’y di si Gerardo!”

—“Kung gayón, Florante, ni ikáw ay di rin dápat kumilála ng̃ utang sa kanya, sapagka’t ang pagpapágod niyáng ginugúgol sa iyó ay isang katungkúlang nagbubúhat sa alin mang mabuting pagtiting̃ínan ng̃ mg̃a magkakaibigan, magkakasáma, at magkakapatid sa isáng adhikâ.”

Si Florante ay napang̃itî nang maunawàang siya’y nadaíg sa pang̃ang̃atwiran ni Elena.

—“Tálo mo akó, Elíng”—ang kanyáng wikà—“At ako’y sumusukò... Sabihin mo kay Gerardo na maraming salamat!”

Pumikít ang may sakít at may kalahating-óras na di kumibô.

Walâng anó-ano’y dumilat, at pagkatapos na maibaling ang paning̃in sa lahát ng̃ dáko ay binigkás ng̃ hálos pautál-útal ang sumúsunod:

—“Mg̃a kaibígan,—ano bagáng bagay na mahalagá ... ang umípon sa inyó ... sa aming marálitang tahánan? Batíd ba ninyó ... na dito’y inyóng madadamá ... ang mg̃a hulíng galáw ng̃ ísip ... na dito’y inyóng madidiníg ang mg̃a hulíng anás ng̃ kálulwa ... ang mg̃a hulíng tibók ng̃ pusò ... ng̃ isang sawîng palad na gaya ko?

“Oo, sawíng pálad! Iyán ang dápat itáwag ... sa akin na mamámatay nang walâ man lang nagagawâ ... sa kanyáng Bayan!

“Sawing pálad ang gaya kong ... hihimláy sa libing ... na tagláy ang alaálang masung̃it ... na inaangkin ng̃ isáng bandílang dayuhan ... ang Lúpang sa kanya’y paglilibing̃an!

“Sawing pálad ako, na walâng napagkita ... sa boô niyang buhay ... kundî mg̃a úlap, mg̃a luhà, mg̃a paták ... ng̃ dugông ninanakaw! Ah! mamámatay ako ... nang di ko nakikita ... ang paghihiganti ng̃ sugatáng pusò ng̃ isáng Apí! Mamámatay ako ng̃ di ko namamálas ... ang pagbabang̃ong puri ng̃ isáng Dinuduhagi! Mamámatay ako ng̃ di ko naitataás yaring kamay ... sa ng̃alan ng̃ Kalayaan! Mamámatay akó ... ng̃ di ko mamamálas yaong alapaáp ... na lilitawán ng̃ Dakilang Lintík ... na tutúpok sa lahat ... ng̃ mg̃a pusòng duwág mahihina’t walang dang̃al ... ang Lintík na magpapalubóg ... sa lahát ng̃ Kapangyarihang dáyo, at magpapasikat ng̃ boông ding̃ál sa isáng ... Araw at tatlong Bituin!!”

Kinapós ng̃ hining̃á ang may sakít. Ibig pang magsalitâ, dapwa’t di na maarì. Tináwag ang iná, hinagkán at niyákap.

Tumahimík. Itinirik ang mg̃a matá. Akalà ng̃ lahát ay patáy ná. Dapwa’t hindî. Mulìng nang̃usap sa isáng mahinà at paós na boses:

—“Nánay, balútin ang aking katawán ... at ataúl sa bandilà ng̃ Bayan...!

“Paálam na ... giliw kong Pilipinas ... Isáng malayàng ... Bágong Búhay!...”

Tumigíl ang tibók ng̃ pusò; napútol ang galáw ng̃ ísip; pumaitaás ang kálulwa, úpang kailán ma’y huwag nang magbalík. Walâng naíwan kundî isáng bangkáy, isáng ng̃alan, isáng halimbawà, isáng alaala, isáng binhî ng̃ katapang̃an....

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings