← Table of contents
Bulalakaw ng Pag-asa

XIX Paghihigantí ng Dang̃ál

Reading edition

Gayón na lang ang pagmamahal ni aling Tinay sa kanyáng anák, gayón na lang ang pagkabúlag ng̃ kanyang pag-ibig, na kahì ma’t alam niyáng siyá’y sasalansáng sa isáng mahigpit na utos, kahì ma’t alam niyang siya’y pilit na uusigin, at magdurusa sa bilangguan, ay hindî nangyáring huwag pagbigyán-loób ang kahulíhulihang bilin ng̃ táng̃ing bulaklák ng̃ kanyáng pag-ibig, ang katapustapusang hibík ng̃ isáng pusòng bayáni—ng̃ isang pusòng makabayan, ang pahimakás na hilíng ng̃ pinaglagakán ng̃ boô niyang pag-ása, ang kahulíhulíhang tibók ng̃ búhay niyaóng masunurin, masipag, mabaít, at magalang na anák, na sa gitnâ ng̃ gayóng katandáan, ay siyáng ligaya ng̃ kanyáng matá, paraluman ng̃ mg̃a pang̃arap, at dang̃ál ng̃ kanyáng pagka-iná.

Lahát halos ng̃ mg̃a kamag-ának at mg̃a kaibigan ni aling Tinay ay nagkakaisang di mabuti ang kanyang inaakalàng pagsunod sa bilin ni Florante.

—“Alalahánin mo, Tinay”—anilá—“na tayo’y nasásakóp ng̃ ibáng kapangyarihan. Ang gagawin mo ay isang malinaw na paglapastang̃an, isang talampákang paghamon sa pamunúang amerikano!”

—“Ay anó sa ákin?”—ang tugon namán ni aling Tinay sa gitnâ ng̃ pagpipighatî—“Anó sa ákin ang kapangyaríhang iyan, anó ang lakás ng̃ pamunúan, anó ang bisà ng̃ isáng mabang̃ís na útos, anóng kailang̃ang magdúsa sa harap ng̃ tagubilin ng̃ mahal kong anák?”

—“Tinay, maghúnos dilì ka; ikaw ay nabubulágan.”

—“Masasábi ninyó iyán sapagka’t siya ay di ninyó anák, sapagká’t kayó ay di naghírap sa kanyá, sapagka’t di ninyo alám ang halagá ng̃ aking Florante!”

Si aling Tinay ay humagulhól ng̃ iyák kagáya ng̃ isáng batàng musmos.

—“Ang nakakahirap sa iyó, Tinay”—anang isáng matandâng lalaki—“ay napadádaig ka sa mg̃a udyók ng̃ pusò: áyaw kang mang̃atwíran nang mahináhon. Makiníg ka sumandalî. Si Florante ay naghihing̃alô ná nang hiling̃in ang tungkol sa bandilà, hindî ba?... Kung gayo’y dápat mong tantuin na kapag ang tao ay naghihing̃alô, ang pag-íisip niya’y humihinà, lumalabò, nakalilimot, at...”

—“Siyana ná, tio Kulás”—ang biglâng pútol ni áling Tinay—“Masasáyang lang ang inyóng mg̃a salitâ sa ákin. Dapat ninyóng matalastás na nóon pa mang araw, ay nabanggit na rin sa akin ng̃ anak ko, ang kanyang náis na kapag siya’y namatay, ay huwag papalamutihan ang kanyáng ataúl ng̃ anó pa man maliban na ng̃â lang sa isáng bandilàng pilipino...

“Ah, magpahing̃á kayó, mg̃a pusòng mahihinà! Di ninyó batid ang linaláyon ni Florante!... Ibig ipakíta ng̃ anák ko na walâng bandilà siyáng iginagálang, at walâng kapangyarihan siyang niyuyukûan kundî ang bandilà’t kapangyaríhan ng̃ Tinubúang Lupà!

“Ibig niyáng ipahiwatig na di ang lahat ng̃ utos ng̃ pamunúan ay dápat sundín; na kapág ang isáng kautusan ay walâ sa matwid, ang magtaás ng̃ noo, ang magmatigás, ang tumutol, ay di isáng kasalanan, kundî isáng átas ng̃ kabayanihan, isang tandâ ng̃ katinuán, isang taták ng̃ karang̃álan!”...

Si tandâng Kulás ay napang̃ang̃a’t sukat. Kailán má’y di niyá naapuhap sa kanyáng gunita; ni natunghan sa lalòng malalim niyang panaginip ang larawan ng̃ isáng babáe na pinúpulásan sa mg̃a labì ng̃ gayong mg̃a salitâng sakdál ng̃ titigás!

Iiling-iling na lumayô sa harap ni aling Tinay.

—“Eh, eh! Katakot-takot na babáe itó!”—ang tang̃ing naibulóng sa kanyang sarili.

Ibig ni aling Tinay, áywan kun bákit, na kapag namatay ang isáng táo, ay málibing kaagád; áayaw ng̃ búrol-búrol. Dahil dito’y kanyáng inihayág na ang libing ni Florante ay idadáos sa ika ánim na oras ng̃ umaga ng̃ araw ding iyon ng̃ pagkamatay.

Nagbubukang liwaywáy.

Sa tapát ng̃ namatayang báhay ay may isáng binatàng luksâng-luksâ, nakatung̃ó, nakasalikód kamay, at walang tigil ng̃ kayayaó’t dito. Banayad ang mg̃a hakbáng. Kagaya ng̃ isang may iniisip na malálim. Walâng kamalákmalák ay biglang napatigil. Tining̃alâ ang isang kimpal na alapáap sa mukhâ ng̃ lang̃it, at pinagalaw-galáw ang úlo na animo’y may kinákausap doon.

Sino ang binatàng ito? Si Faure. Pakinggan natin ang tibok ng̃ kanyang damdamin:

“Florante, kay ligáya mo ng̃ayon!—Nilisan mo na itóng Lupàng maligalig—at ng̃ayo’y náriyan ka na sa Bayan ng̃ kapayapaán, sa Báyan ng̃ pagkakápantáypantáy, diyán sa walâng naghahari kundî ang isáng Bathalàng sumasagisag sa banál na Katwiran...

“Oh, laki ng̃ kaibhán ng̃ iyóng kalagáyan, kay sa ámin dito sa lupà.

“Kayó diyán ay tahimik, walâng íring̃an, walâng paghihigantí, iisa ang pananampalataya, iisa ang damdamin, waláng sinusunod kungdî iisang bandilà, waláng iginagalang kungdi iisang dambanà; ang bandilà ng̃ Matwid at ang dambanà ng̃ Katotohanan...

“Samantalang kamí sa bahaging itó ng̃ Sangdaigdig, ay walang nalalasap sa tuwituwi na, kungdi ang mapaít na latak ng̃ buhay. Sa lahat ng̃ dako ay himutók, pananáng̃is, panambitan, hinagpís ng̃ mg̃a ináapí, ng̃ mg̃a tinaksíl na sawing palad, ng̃ mg̃a isinilang sa baníg ng̃ hirap, na kahima’t may katutubong karapata’t dang̃al ay lagì na lang niyuyurakan, dinadayà, hinahamakhamak, dinudustadusta... ng̃ mg̃a palalòng mapagmataás na nangbubúlag at nang-aalipin...

“Ah! sinong nagbabatá ng̃ ganitong kalagayan namin ang di makapagsasábing kayóng naririyan ay mapapalad?

“Kung gayon...

“Bakit itatang̃is ang inyong pagpanaw?

“Bakit ipagluluksâ ang inyóng paglípat sa kabilang búhay?

“Mahang̃a’y—ipagsayá, pagka’t nariyan kayó sa lubós na kapayapaan.

“Ng̃uni’t—¡sinung̃áling!—Bakit di mapigil ang pagluhà niyaring pusò tuwi kong magugunitâ ang mapangláw na tinig niyaong bating̃áw?

“Ah! Sapagka’t ang tinig na iyon ay nagsasabing si Florante na giliw kong kaibigan ay pumanaw sa akin. Sapagka’t ang tinig na iyon ay nagsasabing nalagasan na naman ng̃ isáng kawal ang kabinataan—iyáng kabinatàang sa araw ng̃ bukas ay siyang magtatagúyod at magsasanggalang sa isáng Bayang mahinà’t hapô upang huwag muling mahulog sa hukay ng̃ pagkaaba.

“Ng̃uni’t...

“Kung dini sa Lupa’y nagkakailang̃an ang ating lahì ng̃ hukbó ng̃ mg̃a bayani upang makapagtanggol sa kanyang Karang̃alan, Kalayaan at Buhay, diyan namán sa Lang̃it ay nagkakailang̃an siya ng̃ mg̃a kinatawán upang idaláng̃in sa haráp ni Bathalà ang kanyang ganáp na Katúbusan!

“Idalang̃in ang Katúbusan!—ang Katúbusan ng̃ isang Bayang laging nanglulumó ang puso sa hápis at uhaw sa tunay na ginhawa; ang katúbusan ng̃ isang lahìng pinipilit ng̃ walang karapatán sa isang kalagayang salung̃át sa kanyang ninanasà at lagì nang pang̃arap.

“Idalang̃in ang Katubúsan!

“Sa dakilàng tungkuling ito, ay huwag nawang makalimot ang mg̃a kaluluwang pilipino na lumuluwalhatì sa kabilang búhay...”

Ang binatá’y mulíng tumung̃ó, lumákad nang kauntî, bago dinúkot sa bulsá ang kanyáng orasán. Mag-iíkaánim ná ng̃ umága. Si Faure ay nanhík.

¡Kay panglaw doon sa bahay! Bihiráng matá ang walâng patak ng̃ luhà; bawa’t mukhâ ay larawan ng̃ isáng di masayod na lumbáy ng̃ kalulwá; sa bawa’t labì ay walâng pumupúlas kundî pawàng pagkahabág, panghihináyang, panaláng̃in, mg̃a buntong-hining̃á...

¡Kay kapal ng̃ mg̃a makikipaglibíng! Ang malakíng báhay ni Florante ay lumíit sa karamihan ng̃ táo. Lahát halos ng̃ mg̃a kaanib sa “Dakilàng Mithî” ay nahandoón. Si Gerardo lang ang walâ, papaano’y noon mg̃a sandaling iyon ay karárating lang niyá sa Maynilà.

Ika ánim na ganáp ng̃ umága nang ipanáog ang ataúl, na pinápalamutihan ng̃ isang matandâ at malápad na Bandilàng Pilipino.

Sa sambahan muna dinalá ang bangkay. Nang mulîng málabás, at nang tutung̃úhin na ang libing̃an, ay siyáng pagdatíng ng̃... (¡sinasabi na ng̃â bá ni tandâng Kulás!)... limáng kayumangging kawal ng̃ konstabulario at isáng putêng pinunò, na taglay sa báywang ang isáng kumíkináng na sandata na sa kahabaan ay humíhiláhod sa lupà!...

Nagdidilim ang mukhâ ng̃ pinunò. Nang malapit sa ataul ay daglíng tumigil, nilabnót, iniwálat at niyurákan ang Bandilà!

Isáng kasíng bilís ng̃ lintík ang noón din ay humaráp sa walâng-pitagang pinunò, at walâng sabi-sabi’y ikinintál pagdáka sa mukhâ nitó ang dalawâng sampál na sunód.

¡Kinilabútan ang láhat!

¡Gulóng katákot-tákot!

¡Ang gayóng kapang̃ahasán ng̃ isang kayumanggi sa isang nakasableng pute, hanggá nang hanggá ay noón lang násaksihan ng̃ mg̃a táong iyon!

Sa sumunód na sandalî, ang Lakás at ang Kapangyarihan ná, ang siyang nagharì.

Ang kayumanggíng pang̃ahás ay pinagsunggabánan ng̃ mg̃a kawal ng̃ pamahalàan. Mg̃a dágok, tadyák, tung̃áyaw, pagláit, ang naghatid sa kanyá sa bilanggúan.

¡Kataka-taká ang kapal ng̃ táo na natípon sa sigalot na itó! Boông báyan halos! Karamíhan sa kanilá ay mg̃a lálaki—mg̃a laláking may mg̃a bísig at pag-iisip!... Gayón ma’y lahát ay walâng ginawâ kundî ang tumang̃á, manóod! mang̃iníg!! mamutlâ!!! matákot!!!!

Untî-untîng naáyos ang guló. Ang nabagabag na libíng ay naipatúloy din.

Noóng gabíng iyon, ang pinunò ng̃ “Konstable” ay dinalaw ng̃ isang kakilákilabot na panagínip. Isáng bangkáy ang napaginipan niyang tumayô nang dahan-dahan, lumákad, humaráp sa kanyá, itináas ang dalawâng kamay at nagkakangdidilat sa pagsigaw ng̃: “Mane, Thecel, Phares!”

Sa katakutan yatà at pagkágulantáng ang makisig na pinunò ay kamuntî nang makálundág sa dung̃awán ng̃ kanyáng silid.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings