II ¡Sakâ Kayó Magsisísi!...
Reading edition
Si Julio sa mg̃a sandaling iyón, ay latâng latâ na sa kanyang pakikilámas; kaya’t ang pagdalo ni Gerardo ay napapanahón. Pagpások ng̃ binatà sa loob ng̃ tindáhan ay sinigawan siya ng̃ kalában ni Julio na huwag manghimások sa kanilá. Hawak nitó ang rebolber; dapuwa’t sa gayóng anyô ng kaáway, ang batóng loób ni Gerardo ay lalong tumigás mandín, lalong nabuhay ang kanyang dugô. Waláng ágam-ágam na lumápit sa nananampalásan, at úbos lakas na inihátaw sa ulo nitó ang daláng káhoy; ng̃uni’t ang hinataw ay nakapagpaputók din, at saka dahan-dahang nahílo, nalugmók, nawalán ng̃ diwâ.
—“Mang Julio, nakagantí na kayó!!”—ang noó’y biglang pumúlas sa mg̃a labi ng̃ mapúsok na binatà.
Tumagís ang bála sa kaliwang bisig ni Gerardo.
Tumutulò ang kaniyang dugô; samantalang sa tapat ng̃ tindáhan ay nagkakatípon ang mg̃a táong páwang pagpuputlaan, nagluluwáng̃an ang mg̃a matá, at naghahabaán ng̃ liig.
Isang lalaking mataás ang di nagluwat at pumások; siya ang sargento ng̃ mg̃a pulís. Kasunod niya ang dalawáng bayani ng̃ sindák. Nilapitan ang binatà at tumanong:
—“Bakit inágaw ninyó ang mg̃a batúta ng̃ mg̃a pulis na iyan?”
Hinagísan muna ni Gerardo ng̃ isang nagbabágang ting̃in ang tatlóng kawal na iyón ng̃ pamunúan bágo tumugón:—
—“Sapagka po’t áking kinailáng̃an sa pagsugpô sa kapaslang̃an ng̃ isang táong ganíd! Ng̃ayón na di ko na kinakailáng̃an, sila’y akin nang isinasaulì.”—At inaabót ng̃ binata ang mg̃a batuta sa sargento, na muling tumanong:
—“At bakit naman sila’y di man laang ninyo pinagpitaganan?”
—“Sapagka’t iyang inyong mg̃a pulís ay mg̃a duwag!”—ang napabiglang tugon ng̃ binata.—“Sapagka’t sila’y aayaw magsitupad sa kaniláng katungkúlan; nakíta, ng̃ kaniláng mg̃a matá ang gayóng pagyúrak at paglaít sa kaniláng mg̃a kabalát, ang gayong pagluhà ng̃ Matwid; at gayon man, sa haráp ng̃ karáwaldáwal na nangyari, ang mg̃a pulís na iya’y di nag-kaloób na kumílos, humalukipkíp na lámang, nagpatáy-patáyan!... Ganyan po ba ang mag-iing̃at ng̃ kapayapaan? Sa mg̃a táong gaya nila’y anó ang mahihintáy ng̃ Báyan? Walá! kundi isang di makakátkát na kahihiyán at pagpulà sa kanyá ng̃ ibáng láhì!...”
Dito’y hinaráp ang nagsisiksíkan at nagng̃ang̃ang mg̃a tao sa labás ng̃ tindahan; ibináling muna ang paning̃ín sa lahát ng̃ dáko at sakâ nagpatúloy:
—“Sa mg̃a sandalíng itó, mg̃a kababáyan, huwag lilimútin na ang Matá ng̃ boong Sangdaigdigán ay napapakò dito sa Pilipinas. Báwa’t kilos, báwa’t gawâ, pagkakámalí ó pagkakásulong, ay minamasdan nilá. Kinukúro, tinitimbàng lahát na iyân, upang pagkatápos ay pasiyáhan kun táyong mg̃a pilipino ay may matwíd ó walâ sa paghing̃î ng̃ Kalayáan! Kaya ng̃a nararápat na sa mg̃a araw na itó ay magpakaíng̃at tayo sa áting mg̃a kílos. Huwag tutulútang makasinag dito ang mg̃a tagá ibáng lupâ, ng̃ anó máng gawáng maipupulà sa atin. Iyáng kahináan ng̃ loob, tákot sa mg̃a gawang lában sa katwíran, ay di nararápat kailán man na ipamálas ng̃ isáng báyang gaya nito, na naghahang̃ád lumayà. Upang ang báyang iya’y kaalang-alang̃anan ng̃ ibá, ay kailang̃ang ipakíta sa lahát nang panahón, na ang kanyang mg̃a anak ay di natutulog sa hang̃ad ng̃ ibáng dung̃isan at idiwarà ang kanyang puri’t karang̃álan—Iyang mahálay na pag-aalaála sa saríli na nababagay láang sa mg̃a loob na marurupók ay kinakailang̃ang iwaksi sa mg̃a ganitong pagkakataón; sapagka’t ang malíng pag-aalaálang iyán ay siyang nagdudulot ng̃ karupukán sa pusò, siyang nagpapatúlog sa dugô, gumuguló sa isip, at nagpapaúrong sa kaluluwá úpang lumayô at tumalikod sa pang̃ánib na dapat sagupàin at sugpuin!”...
Napútol ang salitâ ni Gerardo, dahil sa bigláng pagkílos ng̃ nalulugmók. Násaulì na ang pagkatáo, idinílat ang mg̃a matá at titindig sana, ng̃uni’t ¿sino yaong nasa kanyáng haráp at pígil sa kamay ang isang rebólber na nakaúmang sa kanya?... Nápaupông muli. Sino itó? Si Kamatáyan na ba? Kakalawitin na kayâ siya? Inapúhap sa likód ang kanyang sandata: dapwa’t walâ!... Lálong namutlâ ang mukhâ, lalong nang̃iníg ang katawán.
Nang̃usap ang kinatatakútan sa wikà ni Shakespeare:
—“Kung ang búhay mo’y iyóng pinahahalagahán ay huwag kang kikilos!... Nauunawáan mo ba?”
Isa na lamang tang̃ô ng̃ pagáyon ang naitugón ng̃ nang̃ang̃atál, sapagka’t di maibuká ang bibig, di mabigkás ang íbig sabíhin.
Nagpatúloy si Gerardo.
—“Ibig kong mabatíd kung ikáw ay taga-saán.”
—“A-a-amerikano”, ang maráhang sagót ng̃ nanglálamig.
—“Ah!, amerikano!... amerikano!”—ang úlit ng̃ binatà, na may kahálong mapaít na ng̃itî.—“At anó ang sumuót sa amerikáno mong tuktók at ikáw ay nanánampalásan díto?”
—“...........”
—“Ang akála mo ba’y sapagka’t natúran kang amerikáno at ang kaharáp mo’y mg̃a kayumanggí ay maaárì mo nang yurákan ang kaniláng karapatán at isalúsak ang kaniláng karang̃álan?...
“Di mo na inalaálang silá ay iyóng kapwà? na silá ay iyóng kapantáy?
“Oh, kayóng mg̃a dayuhang halímaw!
“Sino kayóng paparíparíto sa isang báyang di inyó at pag-náhandito na’y walang kakalasagin kundí ang pangdadahás at paghaharìharìan?
“Iyán bagá ang inyong igagantí sa báyang itó na kahima’t hiráp na’y tiís pa rin nang tiís, masunód lang kayó? kahi’t hapô na’y híla pa rin nang híla, kayó lámang ay mapagbigyáng loob?
“Ah, mg̃a walang túring!.... Mg̃a pusòng masasakím at mapagmatáas!
“Di na ninyó inísip na doon sa Lang̃it ay may isáng Diyós!—Isáng Diyos na nagmamasíd sa inyóng mg̃a kilos, isáng Diyos na walang kinikilíng̃an, ang Diyos na huhukóm sa inyóng mg̃a gawâ!!...
“May araw ring kayó’y sasayáran ng̃ Kanyáng kamay, may araw rìng lalagpák sa inyóng mg̃a úlo ang mabisàng sumpâ at higantíng kakilákilábot ng̃ isáng Báyang dinadayá!
“Ah! mg̃a kahabághabág!... Sakâ kayó magsisísi!!...”
Hindî nasáyang ang mg̃a salitâ ni Gerardo: sa labás ng̃ tindáhan ay boong báyan na halos ang sa kanya’y nakikiníg.
Pagkaráan ng̃ iláng sandalî ay pinatindíg ang amerikano. “Lumabás ka rito”—aniya,—“at humaráp ka ng̃ayon din sa hukóm.”
Ang inutusan ay nakayukông tumindíg, nakayukông lumabás at nakayukông sumapít sa pintô ng̃ hukuman. Sinusundan siya nina Julio, Gerardo at ng̃ maraming táong bayan.
Di naláon at dumatíng ang mg̃a nagsasakdál sa tanggápan ng̃ hukóm; ng̃uni’t sa masamáng pagkakátaon, itó noo’y walâ sa loob ng̃ bayan. May nagsasabing siya’y napa sa Maynilà, at di máalaman kun kaylán babalík.
Inaharáp ang sakdál sa pang̃alawáng hukóm, dapwa’t ito’y tumanggíng lumítis sa usapín, sapagka’t siyá’y kamag-anak ng̃ nagsasakdál na si Julio.
Ayon sa kautusán, ang presidente municipal ng̃ isang bayan ay siyang mákakahalíli ng̃ mg̃a hukóm kapág ang mg̃a ito’y walang kaya ó karapatáng lumitis sa isang usapíng “criminál”. Sapagka ng̃a’t ito ang ipinaguútos, ang mg̃a magsasakdal noon di’y nagsitung̃o sa báhay-pamunúan upang dumulóg sa haráp ng̃ presidente.