← Table of contents
Bulalakaw ng Pag-asa

I Mg̃a Duwág!!...

Reading edition

—“Ako’y makapangyaríhan dito.

“Ang báyang itó ay akin.

“Ang mg̃a báhay na iyan ay akin.

“Ang mg̃a búkid at bundók na iyón ay akin din.

“Ang mg̃a táong iyán ay nanúnulúyan laang dito. Walâ siláng báyan. Ang báyan nila’y binilí ng̃ aking báyan.... Silá ang mg̃a talúnang gúgu, ang mg̃a di dápat lumayà at magsarilí, sapagka’t walang káya, sapagka’t mg̃a mangmáng, mg̃a incivilizado, mg̃a tamád, at sapagka’t kapag pinalayá, silá at hindî kami ang mabubusóg sa mg̃a búkid at bundók na iyan na bawa’t kimpál ng̃ kanilang lupa ay isang kimpal na gintô!”

Humigit kumúlang ay ganitó ang wari baga’y ibig ipahiwatig ng̃ lákad, dagunot ng̃ paa, imbáy, galáw ng̃ mg̃a nagluluwáng̃ang matá, at anyô ng̃ mukhâ ng̃ isang anaki’y leon na nagkatawáng tao; isa manding Nicholás II; isang tila baga matáas na matáas na di marunong yumukô, ó di nakakakilála sa alin mang punô.

Ang máginoong ito ay isa riyan sa mg̃a diyosdiusang mister na laging puputákputák sa Pilipinas. Kararating laang niyá noóng umágang iyon sa báyan ng̃ Libís.

Sa walang tígil na kalalákad, siya’y sumapit sa tapát ng isáng tindahán ng̃ álak. Lumapit. At pagkatapos na matingnán ng̃ isang ting̃ing-uháw ang mg̃a boteng naggigilásan sa loob, ay sinutsután pagdaka ang may-áring si Julio at ípinahiwatig dito ang kanyang ibig.

Ibig niya ay makitang umíkot ang mundó, dapwa’t sa kasamáng palad ay walang dalang maibabáyad sa magpapaíkot; kaya’t isanamó niyang siya’y pautang̃in.

Si Julio ay di pumayag; sapagka’t totoóng malabis ang pag-aalinláng̃an niya sa táong ito, na hanggá ng̃ hanggá ay noón lamang natamaan ng̃ kanyang matá. Sa mukhâ, pananamit, mg̃a anyô, pananalitâ ng̃ bagong datíng, ay wala siyang sukat mabanaágang tandâ ng̃ pagkamalínis na budhî.

Dahil sa walang màliw na pagtanggí ni Julio, ay biglang umínit ang tuktók ng̃ maginoong mister.

Ipinalálagáy daw siyang masamâng tao na di marúnong magbáyad ng̃ utang—sa makatwid, tulad na ng̃ magnanákaw! Sa nóong kunót ng̃ kausap, ay isang malamig na ng̃itî ang itinugón ni Julio.

—“Hindi pô iyan ang dahil”;—anya—“talagá pong naugalían na ng̃ aming tindahan ang huwag magpaútang sa mg̃a di naniniráhan dito, kaya’t inyong ipagpatawad.”

At hinagísang muli ng̃ isang ng̃itî ang nabigô. Ng̃uni’t hindi naampát ang ding̃as. Lalong sumikláb ang sigâ. Kumanyón na nang sunód-sunód at walang lagót, ang Diyos Bung̃áng̃á. Katákot-tákot na bála ng̃ pag-alimurà ang lumagpák sa mg̃a tayng̃a ni Julio! Ito’y nakapagpígil sandalî, dapwa’t sandalî lamang, at di na nakapagbatá ang kanyang dang̃al. Ang paláng̃itî niyang mukhâ, ay bigláng nagdilím. Yaóng tumitibók sa kabilâ ng̃ kanyang dibdíb, ay bigláng napukaw. Natikom ang mg̃a daliri, nang̃inig ang mg̃a bísig.

—“Ginoo!”—ang inihadláng ni Julio sa nagpúpuputók—“wika ko sa inyo’y di ko kayó pauutáng̃in at ang pasyá kong itó ay waláng pagkatinag! Walang tao sa ibabaw ng̃ lupà na may kapangyaríhan pumílit upang bagúhin ko ang aking salitâ. Ako ba’y inyóng nauunawàan?...”

Pagkasábi nitó, si Julio ay tumalikod nang kauntî. Sinamantalá ang pagkakataóng iyon ng̃ kanyang kaalít. Maliksíng hinúgot ang daláng rebólber, lumundág sa loób ng̃ tindáhan at pinukól ng̃ tatangnán ang úlo ni Julio. Ito’y nanghinà nang kauntî, gayón ma’y hinaráp niyá nang pang̃atawánan ang mapang̃ahás. Di naglaon at gumúlong kapwà sa sahíg; animo’y nililindól ang tindáhan; ang mabuway na kinahahanayán ng̃ mg̃a bóte ng̃ alak, ay nátagilid; gumuhô ang lahat ng̃ lamán. Katákot-tákot na íng̃ay! Dumalóng nagtutumilî ang dalagang anák ni Julio. Isang sípang ikinasubásob ng̃ binibíning nananáng̃is, ang dito’y isinalúbong ng̃ halimaw. Kahabág-habág na mag-amá!

Sa karátig na tindahan ay may ibáng nangyayari:

Dalawáng pulís ng̃ bayan at si Gerardo ang nahandoon. Si Gerardo ay isang binatang maglálabing-siyám ang gúlang: Matibay na pusò, maliwanag na isip, katawáng malakás, at mapang̃ahás na loob sa alin mang gawàing mapang̃anib.

Mula pa sa mg̃a unang sandaling mabanaágan ni Gerardo ang masakláp na bung̃a ng̃ mg̃a sagútan ni Julio at ng̃ kaniyang kalában, ay sinimulán na niya ang pagpapaála-ála ng̃ kanilang katungkúlang sa mg̃a pulís na nataunán niya roon; alalaong baga’y mamagitnâ silá sa dalawa.

Umakmáng lalapit ang mg̃a pulís, di ang hindi. Datapwa’t sa masamáng pagkakataón, ay násabay ang paglápit na ito sa pagbunot ng̃ rebólber ng̃ kaaway ni Julio. Isip yata’y sila na ang susugúrin, kaya’t biglâng nang̃amutlâ at dáli-dáling nang̃agsiúrong.

—“Ano’t tíla kayo’y nátukâ ng̃ áhas?”—ang pagdáka’y itinanóng ng̃ binata sa bayáning mg̃a pulís.

—“Abá!”—ang kaniláng tugón—“kami ba’y mg̃a ulól at ipapáin ang áming búhay sa kamatáyan? Di mo ba nakikita’t marrikáno iyang may ‘ribulber’? Kami’y waláng kaarmás-armás, kung kami’y labánan, anó ang aming magagawâ?”

Nagng̃itng̃ít si Gerardo sa mg̃a salitâng ito.

—“Mg̃a duwag!”—ang malakás niyang sigaw na sinabayan ng̃ isang matinding túlak sa mg̃a pulis na kamunti nang ikinábaligtád nilá; at di lamang ito ang nagawâ: nilabnót pa sa mg̃a bayaning iyon ang dala-daláng mg̃a batúta.

Singtulin ng̃ kidlat na dumaló ang binatà sa sigalót.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings