← Table of contents
Bulalakaw ng Pag-asa

XVI Sa iláng ng̃ mg̃a Aswáng

Reading edition

Ang líham na tinanggáp ni Gerardo ay lábis nang nag-úlat sa kanyá na sa gabing iyón ay pilit siyáng makasasagupà ng̃ isang kataksilán.

Lábis din niyáng alám na ang pagpáyag na sumáma sa demónyo ay lubhâng mapang̃ánib.

Dápwa’t umúrong sa pang̃anib ay ugalì lang ng̃ mg̃a pusong marurupók, hindî ng̃ mg̃a gaya niyáng walâng tákot na kinikilala kundî ang tákot sa kaniláng Diyós at Báyan; hindî ng̃ mg̃a

“Mapagbiróng lagì sa tampó ng̃ buhay

“Mapaglarô kahi’t sa labì ng̃ hukay.”

Ang gabí noón ay sakdal ng̃ dilim. Sa maulap at masung̃it na lang̃it, ay walâ ni isa mang bituin.

Nang siná Gerardo ay mapaláot na sa gayong kadilimán, ang demonyo ay nagtumúlin ng̃ lakad. Si Gerardo naman ay nagliksí din.

—“Sabihin na, páre, kung kayo’y sino;”—ang patawang wika ng̃ binatà sa kanyang kasama.

Ang pagkapípi ng̃ demonyo ay patúloy pa rin. Walang itinugón kay Gerardo kundî mg̃a di mawatásang bulóng; at lalòng binilisán ang hakbáng.

Saán silá patúng̃o? Itó maráhil ang ibig na maaláman ng̃ bumabasa.

Dapat munang unawain na ang báhay nina Pepe na kanilang pinanggaling̃an ay nagíisang nakatayô sa labás ng̃ báyan ng̃ Libis, sa tabi ng̃ isang mahabàng dáan na patung̃o sa Maynilà. Mulâ sa bahay na iyón, ang isáng maglalakbay sa Maynilà ay kailang̃ang lumakad ng̃ mg̃a isáng óras bago dumating sa kapwà báhay. Ang dáang itó na patung̃o sa Maynilà, ay siyáng tinatalakták nina Gerardo. Kalahating óras na siláng naglálakad ng̃uni’t di pa tumitigil. Naiinip na si Gerardo, dapwa’t gayón na lang yatà ang kagandahan ng̃ kanyáng ugalì na kahi’t ang isáng pagkainip ay áayaw ipahalatâ kahi’t sa isáng demonyo. Bukód sa rito’y talagá namáng nátigasán niyá ang pakikipagtagálan sa kanyáng kasáma saan man siya dalhín palibhasa’t malaki ang nais niyáng mabatid kung tunay ng̃ang matutupad ang mg̃a sumbat sa kanyá na natatalâ sa tinanggáp na liham.

Sa di kawasa’y lumikô ang demonyo sa isáng landás. Ang binatà nama’y lumiko din.

Di naláon at sila’y sumápit sa isáng iláng, na dáhil sa kasukálan, ay matatawag nang gúbat. Isang bahagi ng̃ iláng na íto ay pinang̃ing̃ilagang lubhâ ng̃ mg̃a matatakuting taga-Libis túlad ng̃ pang̃ing̃ilag nilá sa isáng libing̃an. Di umano’y may mg̃a lunggâ doón ang mg̃a aswáng. Di umano’y ang mang̃ahas na máglagalág doón sa kalalíman ng̃ gabí ay nawawalâ’t súkat. May mg̃a báboy daw na sung̃ayan, mg̃a kalabáw na parang bága ang mg̃a matá, at mg̃a ásong singlalakí ng̃ kabáyo, na parapárang nanghaharang doón.

Itó ang lugal na tinutung̃o ng̃ demónyo.

—“Abá pare,”—ang birò ng̃ binatà—“¡baka tayo’y harang̃in diyán ng̃ aswang!”

Lalòng nagtumúlin ng̃ lákad ang demónyo at saka tumigil ng̃ biglâng-biglâ.

Dinukot sa bulsá ang isang aywan kung anó, bago inalápit sa mg̃a labì. Hinipan. Ang tunóg ay katúlad ng̃ huni ng̃ ahas. Noon di’y pahang̃os na tumátakbo sa kanilang kinatatayuán ang isáng... ¿aswáng na kayâ?... putót na putót ng̃ damit na itím—tulad sa itím ng̃ gabí.

Ang bágong-datíng at sakâ ang demónyo ay lumayo sa binatá ng̃ iláng dipá, at nagbulung̃an.

Sandalî lamang at ang demónyo’y pasugód na lumápit kay Gerardo. Sinaklót itó sa liig, at sakâ nagng̃i-ng̃itng̃it na tumanóng:

—“Walâng-hiyâ, ¿kilalá mo ba akó?”

Kumulô ang dugô ni Gerardo sa ginawâng iyón sa kanyá. Isang suntók na úbos diín sa sikmurà ng̃ demonyó ang kanyang iginanti. Ang liíg niya’y nabitiwan at súkat ng̃ pang̃ahás na ng̃atál na ng̃atál sa poot, at di magkantutúto sa pagsigáw ng̃ sunódsunód na.—

—“Waláng-hiyâ!! magsísi ka ná ng̃ iyóng kasálanan! ng̃ayón, ng̃ayon mo akó makikilala!!”

Sa sasál ng̃ gálit, at sa gitnâ ng̃ pagng̃i-ng̃itng̃ít, ay di nabatá ang di damukúsin ang mukhâ ni Gerardo.

Si Gerardo na noó’y pigil sa bisig ng̃ kasapakát ng̃ kanyáng kaáway, palibhasá’t nadaíg siyá noón sa lakás, ay walâng naitugón kundî mg̃a sipà.

—“Ulupóng!! mg̃a duwág!! Ganyán ang mg̃a duwág!!”

—“Pápatayin, pápatayin kitá, salbáhe!!” ... Umúrong ang demonyo ng̃ isáng hakbáng; itinaás ang kanang kamáy, at nagpatúloy:

—“Nakikíta mo ito, anák ng̃...?”—Noón ay kumidlát; at sa pamamagitan ng̃ liwanag nito, ay napagmalas ng̃ binatà ang kakilakilabot na talibong ng̃ kaaway.—“Itó, itó, ang sa iyo, ng̃ayóy uutás! Uutás! nauunawàan mo ba?”

—“Sa mg̃a duwag akó’y di natatákot!”—ang nakabibing̃ing sigaw ni Gerardo; at úbos lakas na nagpumilit makakulagpós sa pumipigil sa kanyá. Walâng nasapit ang abâng binatà sa mg̃a bakal na bisíg ng̃ yumáyapós sa kanyáng katawan ¡Isa pang saksi ng̃ pang̃ing̃ibabaw ng̃ Lakás sa Hinà!

—“Binagábag mo ang mapayapà kong buhay;”—ang dugtóng ng̃ demonyo—“isiniwálat mo ang mg̃a lihim na pinakaiing̃at-ing̃atan ko, ginising mo ang poot sa akin ng̃ isang báyang dati’y nakayukô sa aking bawá’t maibigan, pinakalaitlait mo ako, pinakadustâdustâ sa matá ng̃ lahat,—ano ang sa aki’y nalálabí? Anó ang dápat kong gawín? ¡Hindì akó isáng babáe na sa gitnâ ng̃ pagkasawî, ay masisiyahan sa pagtutukmol, sa pananambitan, at pananang̃is! ¡Hindî ako ang ulól na magsisisi sa aking mg̃a nagawâ; hindî ako batàng musmos na mapalúluhód sa aking mg̃a ipinahámak úpang sila’y hing̃an ng̃ tawad! Ah, hindî!... ¡Akó ay isáng tunay na laláki—isáng laláking buháy na lagì ang loób!—Akó ang bantóg na si Kapitang Memò na di nagugúlat kahima’t sa kamatayan! ¡Akó ang laláki na marúnong maghigantí!!... Ah, walâng hiyâ! Tálastasin mo na isinumpâ ko ang ikáw ay patayín! patayín!! patayín!!! Unawâin mo patayin!!! Nárito, nárito akó, nárito si Kapitang Memò upang tumupád sa kanyáng sumpâ!!”

Mulîng itinaás ng̃ sukáb ang kánang kamáy; ¡dápwa’t ang karawaldawal na náis ay di nagwagí!... Isáng sing-bilís ng̃ kidlát ang noo’y namagitnâ, pumigil sa nakayambáng kamáy, at umágaw sa matúlis na patalím.

Sa sumunód na sandalî, si Kapitang Memò ay nábulagtâ. Si Gerardo’y ligtas; iniligtas siyá ni Florante, na sa gitnâ ng̃ gayóng kabayanihan at pagwawagí, di kinukusa’y napasigaw ng̃—“Oh mg̃a swail!! Ang Diyos ay hindî natutúlog!”

Nang mámalas ang pagkakátimbuwáng ni Kapitang Memò, ang kanina’y pumipigil kay Gerardo ay kumaripas ng̃ takbó.

Sinundán siyá ng̃ dalawáng magkatóto, dapwa’t di inabutan. Biglâng nawalâ. Kinupkóp ng̃ dilím!...

Oh ang nagagawâ ng̃ dilím ng̃ gabí!

Ang kadilimán bagáng iya’y nilaláng na talagá úpang makatúlong sa mg̃a karúmaldúmal na adhikâ, at mapagtagúan ng̃ mg̃a sukáb?

Kung túnay na ang Diyós ay siyáng lumaláng sa kadilimáng iyán, .... ang katotohánang itó, kung katotohánan ng̃â, ay nakapagpapa-alinlang̃ang lubhâ sa pagka-makatwiran ng̃ Diyós na iyán!...

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings