IX.
Reading edition
Nang napanaginip ni Kadilimang siya'y kausap ng̃ isang makata.
Si Kadiliman ay nakahigâ sa isang katren pinamutihan ng̃ maraming hiyás, may mesang mabilog sa tabi nito, ilawan ng̃ mayaman sa pagtulog at lubhang matahimik ang anyo ng̃ gabi na halos inaagaw ng̃ umaga ang pagbubukang liwayway, ng̃ si Kadiliman ay nanaginip ng̃ gayari:
Lumayo ka, ang sigaw ni Kadiliman na halos binabatak ang paghing̃a.—Hindi kitá malalayuan, ang sagot ng̃ makatâ, ayon sa kanyang nanaginip, sa dahilang ito ang aking panata, at sinalaksak si kadiliman ng̃ pluma ó panitik sa mukhang matagihawat; dinugtung̃an ng̃ wikang:—Huag mong wikain Kadiliman na ang aking panitik ay padadalá sa sulsol, gaya ng̃ iyong akala; ah; alibughang asal, sinaksak na naman ng̃ panitik sa mapulang puti ng̃ matá si Kadiliman, siyang pagkagising ni Lolay at ginising ang Kadiliman nating binabang̃ung̃ot sa kasamaan niyang taglay.—Asawa ko, ang palambing na pag-gising ni Lolay.—¡Kaunting tubig, ang binuka sa bibig ni Kadiliman, karaybay na ng̃ pagtakbo si Lolay upang kumuha ng̃ tubig at pinainom si Kadiliman—¡Ah Asawa ko! iganti ninyo ako kung sakaling ako'y mamatay—¡Nakú! ang pagigil na wika ni Lolay na lumagaslás sa matá ang luha, ¿Bakit?—¡Ay asawa ko! ang banayad na tugon ni Kadiliman; ako'y nanaginip, ako'y binang̃ung̃ot, ang aking napanagimpan sinalaksak daw ang aking mukha ng̃ isang makatâ—Mulî na namang bumalong sa mg̃a mata ni Lolay ang luha't nang̃usap ng̃ ... ilayô mo na sa loob mo ang pakikipagtung-galî sa mg̃a ganyan; ng̃ marinig ni Kadiliman ang salitang ito ng̃ kanyang asawa napabang̃on kahit gumugulapay at nang̃usap ng̃ pasigaw—Hindi mangyayari, sapagka't ¿paano ang aking nasa sa pagcoconsejal? ¿Hindi mo ba tanto't kung kayâ ko pinagpipilitang maalis si Dr. noon 905 sa tungkol na pagka consejal, ng̃ ako ang mahalili? ¿Hindi mo ba alam na kung kaya ako nagnasyonalista ng̃ ako'y magkaroon ng̃ katung̃kulan? ¿Hindi mo ba natatalós na kung kayâ ako naghimasok sa kapisanan ng̃ mg̃a panday; ng̃ ako ang maihalal na Consejal kung maaprobahan ang Bill Adriático at....? ¿Hindi mo ba natatatap na kahit ako'y magkahirap-hirap ng̃ mapataas lamang sa mataas na tungkol kung mangyayari? ibig kong maging Presidente sa América kung maaarî lang at ng̃ayo'y ibig mong ihiwalay ko, ang bagay na iyan sa aking panaginip, kaya't bukas ay mamilí ka sa palenke ng̃ marami at maghahanda ako, siya magpahing̃alay ka, ang sagot ni Lolay.