← Table of contents
Apô-Apô (Zarzuela) at Kung Sinong Apô-Apô (Kasaysayan)

V.

Reading edition

¿Anong laya ng̃ isang tawo?

Sa pág-uwi ni Kadiliman, natagpô nito si Goring na pinakamaganda sa bayang yaon, at ganito ang unang bati ni Goring: Tio Agong.

—Hindi ako ang si tio Agong, kundi ako ang si Agong Kadiliman ang naging tugon.

—¿Bakit ka bulong ng̃ bulong? ang pamanghang tanong.

—¡Ay Goring! ... ang pahinagpis na lantak ni Kadiliman; alang-alang sa ganda mong taglay, sa buti mong pag-uugali, sa karunung̃an mong magwikang inglés, sa kanipisan ng̃ iyong labi at pagkamairugin mo sa kababayan, ako'y iyong tulung̃an.

—¿Sa ano? ang tanong ni Goring.

—Nang pagpatay kay Hitô.

—Kung huli mo na madali kong patain.

—Hindi ko ng̃a madakip, napakadulas.

—¿Ano bang samâ ang ginawâ sa iyo?

—Sumulat ng̃ zarzuelang tulad na tulad sa aking pag-uugalî.

—Sa makatwid tawong, ang pang̃alan ay Hito. ¿Bakit naman natin papatain, at papaanong gagawin nating pagpatây? kababayan pa naman yata natin.

—Ow ... Goring, bayaan mo na ng̃a ang kababayan kung siya namang magiging dahil ng̃ hindi ko pagkaluklok sa pagka consejal, kung maaprobahan na ang Bill Adriático; at ang pagpatay na ating gagawin ay ganito: ipananabi mo sa lahat na ang obrang yaon ay masama huwag mong sabihing sa akin patama, sumulat ka sa periódicong «Manila Times» at «The American» pagka't magaling ka rin lamang sa wikang inglés, pag ito'y hindi mo ginawa, tatampuhan kita, talos mo na.... at pag aco'y naging consejal, ako ang bahala sa iyo upang ikaw ay......

Nang marinig ni Goring ang ganitong saysay ni Kadiliman; umalimpuyó sa kanyang dibdib ang ng̃itng̃it, galit, yamot na halos kuyumusin ni Goring ang dila't labi ni Kadiliman at nag wika ng̃ gayari: tantoin mo Agong Kadiliman ng̃ayon ay hindi tagdilim, kundi tagliwanag; kaya't kahit maging kahulihulihan, cargador, bankero, sakatero at magbubukid ay nakatatanto na ng̃ kahulugan ng̃ tinatawag na libertades individuales ó layâ ng̃ bawa't tawo; hindi ng̃ang̃ayon lamang isinisigaw ng̃ bayang filipino na nais namin ang magsarili, ó Ang Independencia kaya't tandaan mo itong ipagtuturing: magkaroon man tayo ng̃ Independencia ó pagsasarili, at buháy ang casiquismo ó pag Aapô-apôan, wala din tayong kahihinatnan.

—¿Bakit? ang papaós na tanong ni Kadiliman.

—Mangyari, kailan ma't may Apô-Apôan na sa pagluha ang matwid, sa dahilang ang Apô-Apôan, ay walang tinutumpang landasin ng̃ matwid, kaya't ito, ang kalaban ng̃ katwiran, ikaw ay magling̃on ling̃on sa lahat ng̃ sulok nitong Filipinas: maging sa Kapisanan ng̃ mg̃a obrero, maging sa Kapisanan ng̃ politico, maging sa Kapisanan ng̃ religioso, maging sa Kapisanan ng̃ mang̃áng̃alakal at iba't iba pa, kailan ma't may Apo-Apoan, pakaasahan mong ang kapisanang iyan ay hindi susupang; gayon din ang nangyayari sa isang bayan, ganyan din ang nangyayari sá isang nasyong mayroon niyan; kailan ma't may Apô-Apô ang lahat ng̃ matwid ay palikô. Iyan at iyan din ang naging dahil ng̃ pagkayukayok sa sala ng̃ sangkataohan na hindi kumilala sa utos ng̃ Diyos, iyan din naman ang naging sala ni Caín sa kanyang mg̃a magulang at sa Diyos, sa kaibigan ni Caíng siya'y mátampok sa kapurihan, siya ang pumatay kay Abel na tunay niyang kapatid; itó ang iyong katulad na hindi mo ibig na ikaw ay tanawin sa mababang ayos; kaya't iwalay mo na sa isip mo ang pag-uugaling iyan at iyan ang mainam na gamot sa iyong bugók na utak, sa dahilang ng̃ayon ay nanaog na ang mesias na tumubos sa sala ng̃ sangkataohan taglay ang ilaw ng̃ kaliwagan, upang ang nadidilimang pag-iisip na gaya ni Caíng pumatay sa tunay na kapatid at kawang̃is ng̃ mang̃a kapatid ni José Vendidong nagtakal sa tunay na kapatid ay pagliwanagan; at sa Filipinas nama'y nanaog na ang mesías na Rizal na tumubos sa sala ng̃ kadiliman, taglay ang mg̃a aral niya upang magliwanag ang kapilipinuhan, na napakukuyumos sa mapag Apô-Apô; kaya't ang mapagpalang Gobierno Americano ay naglagdâ ng̃ kautusan; Bill na ang bawa't tawo'y makagágawa ng̃ kanyang maiibigan kailan ma't hindi sisinsay sa talatang utos, ang sino man suminsay ay may katapat na parusa; kaya't huag mong pagnasaang patayin sa gutom si Autor Hitô, sa dahilang iyan ang ipinagpapatid uhaw ng̃ iyong kababayan sa kanyang mg̃a anak; layuan mo na ang asal Caín na ... sa nasâ mong ikaw ay magíng Consejal ay ipápahamak ang isang mag-anak; ng̃ masabi ni Goring ang mg̃a huling salitáng ito ay nahilo si Kadiliman, siya namang pagdatal nila Bakokoy, Posotsoy at Tarorang Susô na siyang kumalga kay Kadiliman at naghatid sa kanyang bahay.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings