XI.
Reading edition
Ang pagsasalo-salo sa bahay ni Kadiliman.
Si Kadiliman ay malungkot may taling panyong puti sa ulo, palaging napaghihiló dahil sa sakit na taglay, na ayon sa sabi ng̃ mg̃a medico ang sakit na itó ay, nabubúlok ang pusô, kaya nanghihina, kung kaya naman napaghihiló nabúbugok diumanó ang utak; nakahilig sa isang mainam na luklukan si Kadiliman, palaging nakating̃ala't pinag-iisip ang kahapis-hapis na buhay na kanilang napagsasapit na mag-anak; nakasanglâ halos ang boong kabuhayan sanhî sa pag-gugol at pagkakándido, at sa taglay na karamdaman. Siyang pagdating ni Lolay na galing sa bahay sanglaan at nagsanglâ, inabot-abot ni Lolay ang salitâ ni Kadilimang: «Pag hindi ako nagkaroon ng̃ katungkulan sa taóng itó magpapakamatay na ako.»—Iyan ang masasapit ng̃ isang gaya mong ibig Apoin ng̃ lahat, malasin mo itong ating sinasapit na mag-anak, isinangla ko na ng̃ayon pati ng̃ naiwang lupa ni ama, ng̃ayon handá na naman itong iyong gagawin, ¡gastos na katakot takot!—Ulol na tawo ito, ang pahikayat na sabi ni Kadiliman. ¿Mayroon bang namuhunan na di nakinabang? pag ako'y naging Diputado, pag ako'y naging Concejal, pag ako'y naging Presidente, sa kanila ko din kukunin ang mg̃a nagugol kong iyan, ¡siya ineng! iayos mo ang ating handa, malapit ng̃ dumating sila Bakokoy na ating kapanalig, ang pahimok na sabi ni Kadiliman; pumasok si Lolay sa kálanan upang ayusin ang pagpakaináng gagawin; siyang pagdating ni Bakokoy at Tenteng, dinatnan nila si Kadiliman sa gayong kalungkutan, ng̃ makita ni Bokokoy ang ayos ng̃ kanyang maestro na nakahilig, dahil sa sakit na taglay, nang̃aligid sa kanyang namumugtong balintatáw ng̃ matá ang luha at sinabayan ng̃ sabing: Maestro kong mahal.—Bakokoy ang palambing na tugon ni Kadiliman, hwag mong babayaan ang ating Kapisanan, hwag kayong makikinig sa masasaráp na sabing madalás magbulid ng̃ aking kapurihan, kahit pabalubaluktok ang aking sasabihin paniwalaan ninyo, ng̃ ako'y guminhawa, kahit gawin kong tulay kayo sa aking Kadiliman, ako din ang inyong ibigin; nadinig ni Kamagong ang mg̃a salitang itó na halos nagpupuyos ang kanyang dibdib; ng̃uni't di binubuka ang kanyang bibig. Datapwa't si Bakokoy palibhasa'y isang taong binabatak nang sawing palad, halos nahihimlay ang dibdib sa habág sa kanyang Apô-Apông si Kadiliman, lalô na nang mawika ni Kadilimang tatampuhan ng̃ bayan ang taong hindi makinig sa akin at tuturang makafrayle.
Nang mapakingan ni Kamagong ang huling binigkas sa bibig ni Kadiliman, umalimpuyó ang galit sa dibdib at sinabing: ¿Ang bayan kaya'y na sa sa lawak pa ng̃ Kadiliman? mulî na namang nang̃usap si Kadiliman natin ng̃: ¿Ano po ba ang palagay mo sa pilipino, hindi na bagá kayâ maging mabuting pilipino kundi patung̃o sa landás ng̃ Kadiliman? siyang pagdating nila Giday Lasenga at sina Posotsoy, masasayang nagbigay galang kay Kadiliman; si Giday dahil sa may kalasing̃ang dumating, siyang sumigaw ng̃: ¡mabuhay! ang tugon nang lahat at napabang̃on si Kadiliman ng̃ madinig ang papuri't sinabayan ng̃ wikang Lolay, ilabas mo ang parol.—Oo, ang sigaw naman ni Lolay at maghahain na tuloy ako, inilabás ang parol, nag-inuman, ng̃ nang̃agmamalainibay na silang lahat naghain na si Lolay, tinadtad na ang mainit na litsón, pinaghiwahiwa na ang inihaw na pabo at nagsidulog ang mg̃a panauhín, lumagay na si Kadiliman sa kanyang lugal na pinakapangulo, saka nagsalita: ¿Anong kahulugan nitong ating piging? si Tengteng Kamagong hindi kumikibô, datapwa't sa kanyang sarili ang nawika: ¿Mayroon bang dapat na makaalam ng̃ lahat nang bagay na nangyayari kundi ikaw? umulit na namang tumanong si Kadiliman: ¿Bakit walang makasagot sa inyo? yayamang hindi ninyo masagot, sasabihin ko na: kaya ako pinang̃ang̃anlang Apô-Apô, dahil sa kabutihan ko, sapagka't ipinagsasálo ko kayo sa aking dulang; pagka sabi nito, tumalikod si Kadiliman at sa sarili'y sinabing. (kayâ ko lamang kayo ipinagsasalo, dahil sa nais kong ako'y inyong ibotos sa anomang katungkulan) muli na namang hinarap ang mg̃a kaawá awa, siya simulan na natin ang pagkakainan. Tinawag ang kanyang anak na si Arkelaw at binulung̃an, na ganitó ang ibinulong: Arkelaw na anak ko: ang mg̃a kasalo nating iyan, marami ang bing̃i, bulag at pipe, ang mg̃a iba niyan ay mg̃a hindi ganoon, huag mong lubhang pakikisamahan pagka't hindi mo mau-ulol, sa makatuwid wala kang mapapakinabang, ang mg̃a paraang ito'y dapat mong mahahin sa akin at sa iyong nunong namatay na si Pirong Botete, kung ibíg mo din lamang guminhawa sa ibabaw ng̃ mundo, hwag kang makisama sa kasingtaas mo, ng̃ iyong mapagharian. Akong si Kadilimang iyong ama talastas mong na sa karamdaman, hindi natin mahulaan sa ng̃ayon kung kailan mapapatid ang tang̃an kong hining̃a; ng̃ mamasdan ni Tengteng Kamagong ang bulung̃ang itó nang mag-ama kinalabit si Bakokoy at pabulóng na sinabing: Matagal ang bulung̃an ng̃ mag-ama ni Kadiliman at Arkelaw.—Lantakán mo ng̃ lantakán ang litsón hindi kung anong pinagmamasdan mo, ang sagot ni Bakokoy; siyang pagdatal ni Tarorang Susô at humahang̃os, pakingan ninyo anyá ang aking balita: Ang lahat ay napatang̃a sa kanya, pumigura si Tarorang Susô at saka nagsalitâ: Ako anya'y galing sa Sampalok, doon ay nabalitaan kong hindi naaprobahan ang kalahat lahatang hiling ng̃ Bill Adriático na ang bawa't pook ó distrito ay magkakaroon ng̃ isang Concejal, hindi ganito ang kinahinatnan kundi dalawa lamang sa boong Kamaynilaan isa sa Katimugan at isa naman sa Kahilagaan (isa sa N. at isa sa S.) ng̃ madinig ni Kadiliman ang balitang itó ni Tarora, naghimatay si Kadiliman at nabwal sa kinauupang luklukan, siyang pagkakaguló ng̃ gibikan ng̃ lahat sa ating Kadiliman, ang iba'y humihing̃i ng̃ tubig ang iba'y Eter, ang kalahatan naman ay ilaw nang tayo anya'y magliwanag dahil sa laganap sa boong bahay ang Kadiliman, ipinasok sa silid si Kadiliman, si Bakokoy at Kamagong hindi tumitinag sa kinauupan, kaya't sila lamang ang naiwan, at nasok sa silid ang lahat.—Hinampás ni Kamagong sa ng̃usô si Bakokoy ng̃ hità ng̃ manók niyang pinapang̃al at saka tinanong ng̃ ganitó: Hulaan mo Bakokoy kung bakit nabaligtad si Kadiliman sa pagkaupô?—Ang palagay ko'y lasing kung kaya nahilo, ito ang naging tugon ni Bakokoy.—Musmós ka ng̃a palang tawo ang paagad na pakli ni Kamagong—Nagalit si Bakokoy at sumigaw ng̃ boong lakás; pag ako'y ganitong may kalasing̃an hwag mong aalipustain si Kadiliman at babasagin ko sa ulo mo itong bote.—Hwag mo bang initan ang ulo mo, sapagka't ang malamig kailanman ay siyang magaling ¿di mo ba tanto na ang pamatay sa apoy ay tubig? Kaya't duming̃ig ka: Haya't nahilo si Kadiliman sa dahilang kaya siya naggugol ng̃ pagpapakain upang siyang ihalal natin kung napagtibay ang Bill Adriático, ng̃ayo't hindi, kaya't sumubó ang dugô; kaya magmula ng̃ayon itong aral ko'y siya mong sundin ng̃ di ka mabalahô, sa panahong itó hwag kang lubhang magtitiwala sa masasayang mukha, dahil sa ang kadalasan nito'y mag-ani ng̃ mapait na luhâ, hwag kang padadakip sa gaya ni Kadiliman na sa kasabikan sa tungkol, lahat ng̃ buti ang ipinakikita, ng̃uni't pakitang tawo lamang, diyan ay marami pang nalisaw na ... Kahit ang laman ng̃ Lang̃it ay ipang̃ang̃ako masunod lamang nila ang nais, ¿ayaw ka pa ba sa mg̃a ng̃iting ginamit kahapon, sa mg̃a yakap na ginawa kamakalawa, sa mg̃a pang̃akong napako kanina, sa mg̃a tamis ng̃ dilang ipinalasap kani-kaniná at sa masasarap na bukang bibig na ginawang sagisag kahapon? ¿Anong ibinung̃a?—Aywan ang sagot ni Bakokoy.—Ang ibinung̃a: ¿alam mo? ang sabi ni Kamagong: pawang hapis, pawang dalamhati at lubang walang lagot. Kahapon ako nakadinig sa bibig ng̃ gaya ni Kadiliman na ... bibihisan ang aking iná, tuturuan ang aking kapatid, hangang sa kukunin ang independencia, kapag siyang malalagay sa tungkol; ang lahat ng̃ ito'y naging bung̃ang̃â lamang. Kaya ang kahuli-hulihang ipagbibilin ko sa iyo'y ito: «ang tunay na pag-ibig hindi bumubukal sa bibig, kundi sa pusô; ang lahat ng̃ mabuting nasa hindi nakukuha ng̃ bung̃ang̃a, kundi sa gawa.»—¿Bakit ipinang̃ang̃ako ni Kadiliman, na makukuha ang independencia, pag siya ang nagkaroon ng̃ tungkol?—Ulol, ang pasalág na sabi ni Kamagong, ang dapat mo anyang asahan, iyong inasahan ng̃ ating mananakop na Rizal, nang siya'y na sa Madrid na sinabi sa kanya ng̃ mg̃a republicano doon ng̃ taong 1882[1] Ang Kalayaan ó pagsasarili, na hihing̃i ng̃ tala at hindi ng̃ pamamalingkahod. Kaya kailan man makadidinig ka ng̃ salitang hihing̃in ng̃ bibig ang independencia umung̃ol ka, saka ikaw ay sumagot ng̃ baka ng̃a sakali. Sapagka't si Moisés nang bigyan ng̃ Diyos ng̃ Kasarinlan upang siyang magtanghal ng̃ sampung utos ng̃ Diyos ay nakaupo sa likod ng̃ kalabaw, baka sakaling ganito din ang mangyari kay Kadiliman, siya tayo na, umalis ang dalawa sa bahay ni Kadiliman nang walang paalam.