IV.
Reading edition
Kung ano ang Teatro at pagkikita ni Tengteng Kamagong at Agong Kadiliman.
—Si Kadiliman ay nakahampilas sa isáng Bar at waring malainibay, siyang pagdaan ni Tenteng Kamagong na nakabastipol tinawag ni Kadiliman at ganito ang bati.
—Halika ng̃a Kamagong.
—¿Ano ba Kadiliman tila nagdidilim ang pang̃anorin mo, ha?
—Hindi katalasan lamang ang pakli ni Kadiliman. ¿Bakit ba umalis ka't di mo tinapos ang pagdidimite ko ng̃ cargo?
—Mangyari, ang sagot ni Kamagong, walang makatatangap ng̃ cargo mong iyon.
—¿At bakit? ang sagot ni Kadiliman, na waring nagmamalaki.
—Sinong ulol ang tatangap ng̃ tatlong cargo, sa isang kapisanan?
—Mangyari iyon ang talagang ibig ko, at tang̃i sa roon walang makapang̃ang̃ahás sa ating mg̃a kasapi upang humawak ng̃ pagka Presidente, pagka Secretario at pagka Tesorero; ¿Hindi ba talagang mayroon? sa hindi inaasicaso. ¿Paanong ibig mong sabihin? Kaya ginaganap ko ng̃ lahat, ang pagalít na sagot ni Kadiliman.
—¿Bakit hindi kapagkaraka'y ipinagbigay alam mo sa kapisanan na di tumutupad ang Tesorero at Secretario ng̃ makapaghalal ng̃ iba't sinarili mo?
—Hindi mo ba tantong bawal sa alin mang kapisanang mapísan ang tatlong cargong iyan sa isang tawo? ¿Kung pumarito sa iyo ang fiscal general at hing̃an ng̃ cuenta ang secretario ikaw ba ang magpipirisintá ng̃ kasulatan? ¿Kung hing̃in sa iyo nang fiscal ang linaw kung magkanong naiipong kwalta ng̃ samahan sa mg̃a ambagang ating nagawa? ¿Paanong gagawin mo? ang lanták ni Tenteng.
—Ipakikita kong lahat ang nariyan, ang sagot ni Kadiliman.
—¿Kung sabihin sa iyo ng̃ fiscal, na ginasta mo ang kalahati?
—Ipagpipilitan kong hindi, ang sagot ni Kadiliman.
—¿Maniniwala na ba sa iyo ang fiscal, na ikaw ay malinis sa hinugasan, kung wala kang ipakitang katunayan? sa ang gawâin ng̃ tatlo'y ibig mong kamkamin, dang̃an ang ikaw ay sabík sa tungkol, dang̃an ang̃ kami yata'y ibig mong̃ lokohin, dang̃an ang ikaw ay napakamangmang; makita mo't ikaw din ang magsisisi pagdating ng̃ araw, ang paala-ala ko sa iyong ito'y hwag mong masamain pagka't mangyayaring ikaw ay mapaghimasukan ng̃ fiscal dahil sa ang gawa mong iyan at ang kwaltang naiipon sa iyo ay hindi mo kualta kundi pilak ng̃ marami, na dapat matanto ng̃ kapulung̃ang namamahala, hindi ng̃ isang tawong namamahala sa isang kapisanan; ganiyang lahat ang kapisanan, tungkol ng̃ Presidente ang mang̃ulo sa lahat ng̃ bagay na kailang̃an, tungkol ng̃ Secretario ang mag-ing̃at ng̃ mg̃a kasulatan ng̃ kapisanan, tungkol ng̃ Tesorero ang mag-ing̃at ng̃ kayamanan ng̃ Kapisanan, kaya't ang tatlong tungkuling ito dapat sa tatlong tawo, ng̃ upang lumiwanag ang pagsasamahán, ang Secretario na may tang̃an ng̃ mang̃a kasulatan siyang dapat na maka-alam nang kwaltang na sa tagoan, dahil na siya ang may hawak ng̃ kasulatan, ang Secretario ang dapat maghawak ng̃ kasulatan ó makaalam sa mg̃a nangyayari sa kapisanan, dahil na siya ang gumagawa ng̃ acta at ang Tesorero ay dapat magkaroon ng̃ kapanagutan sa kapisanan ng̃ itinatago niyang kwalta, kung magkano man, ayon sa kasulatang taglay ng̃ Secretario na kanyang pipilmahan; ang Presidente ó pinakapang̃ulo ng̃ Kapisanan, ang kailang̃ang magsuri kung tama ó hindi ang inaanyo ng̃ dalawa niyang katulong, kung sakaling hindi tama ang sino man dito, siyang bahalang magpaliwanag sa mg̃a kasapi, kung tamâ naman, ay pipilmá din siya sa kasulatan sa ilalim ng̃ wikang Visto Bueno, sa makatwid ang kahulugan: nasiyasat kong mabuti, dumating man ang fiscal mag reclamo man ang kahit sino, maliwanag ka sa iyong tungkol, dahil na tatlo kayong nananagot sa lahat ng̃ mangyayari; hindi ganitò ang gawa mo, kundi tila ka, si Tiberio Cezar ang maibig ay dapat papangyarihin hindi ka naman emperador. ¿Bakit ibig mong mag Empera-emperadoran? at sa tagalog naman ibig mong mag Apô-Apô.
—Hinawakan ni Kadiliman ang paraskó ng̃ hiniebra at lalantakan si Tenteng at sinabayan ng̃ wikang: naiingit ka yata.
—Hindi ako naiingít ang pailag na sagót ni Tenteng, kundi: ikaw na ang Presidente, ikaw pa ang Secretario at ikaw pa man din ang Tesorero, at kung dumating pa ang fiscal ibig mo pa manding pang Apôan, baligtad ang bituka mo.
—Marahil isa ka sa nagsulsol sa kay Autor Hito; mg̃a ingitero, ang paismid na sabi ni Kadiliman.
—¿Bakit? ang patawáng tanong ni Tenteng.
—Buhay ko ang pinalabás sa Teatro noong ika 2 ng̃ Mayo, ang sagot ni Kadiliman.
—¿Bakit, binangit ka ba?
—Hindi ng̃a ang tugon ni Kadiliman, ng̃uni't katulad na katulad ng̃ aking ugali ang asal ni Tio Agong sa obrang Apô-Apô na itinanghal.
—Hwag kang pahalata, ang pakli ni Tenteng; kaya't dingin mo't ipaliliwanag ko sa iyo kung ano ang Teatro. Ang Teatro ay bahay aralan ng̃ pag-uugali, at salaming mapananalaminan ng̃ nanonood, batyagin mong magaling itong aking sasalitín: Kung ikaw ba'y may kalasing̃an na waring namumung̃ay ang mata mo, ikaw ay mauban, mapula ang mg̃a puti ng̃ matá mo at saka ka manalamin. ¿Hindi kayâ pang̃it ang makikita mo sa salamin?
—Mangyari, ang pabigláng sagot ni Kadiliman.
—Bien katoto: Ang pabiglá din namang sagót ni Tenteng, ng̃uni't ... ¿Sino sa inyong dalawa nang salamin ang may kasalanan, ikaw ba ó ang salaming napalaminan ng̃ iyong pang̃it na pag-uugali?
—Walâ kaming kasalanan kapwa, ang tugon ni Kadiliman.
—Humalakhak ng̃ tawa si Tenteng; sa bibig kita nahuli ang pasigaw na sabi in Tenteng, Kamagong; e ... ¿Bakit mo kinagalitan si Hito?
Mangyari sinulsulan lamang siya ng̃ mg̃a naiingit sa akin, ang marahang tugon ni Kadiliman, tulad din naman sa pagsulsol ko na hwag pasukin ang palabás ni Hito.
—Malî ang iyong akalà na iyan ay sinulsulan lamang, at idinugtong pang sabi ni Tenteng, marahil ganyan ang gawa mo kung kaya ka nagdamdam; ng̃ masabi ito ni Tenteng nilabnót ni Kadiliman ang kanyang ulo't umuwing dalidali, lumakad na naman ng̃ patuloy si Tenteng na humahalakhak ng̃ tawa.