← Table of contents
Sa Tabi ng Bangin

Sa babasa

Reading edition

Mangbabasang guiliw:

Bago siyasatin ang pinakalamán ng aklát na itó, ay pagkaabalahang tunghayan sandali ang mga pang-unang titik, na siyáng maghahatid sa inyóng tunghayan ng mga larawan ng maykatha at ng kaniyang katha.

¿Kung sino si José María Rivera? Anák sa bayan ng Tundó, halaman na naging punlaan ng mga Zorrila, Joseng Sisiw ... at mga iba pang lakí sa alo ng tulâ; si José Maria Rivera ay isáng kaluluwang busog sa mga pang̃arap. Batàng batà pa siya ng mabilang sa hanay ng mga mamamahayag: lalabing pitong taón. Hindi nalaunan at ang manunulat ay naging masikap na kampon ni Minerva pagkatapos, na mapabilang sa mga manghihimagsik ... Panulat at baril, sa kamay niyá, ay iisáng bagay: panananggól ng buti, panggiba ng samâ.

Sa gulang na dalawangpuong taón, ang manghihimagsik, ay tumahak na naman ng bagong landasin: nanulat ng dulang tagalog.

At mangdudula na at manghihimagsik at mamahayag, ay inibig pa ring kumita ng lalong dang̃al. Kaya't pinilit pang makapag "Bachiller en Artes", "Perito Mercantil" at "Licenciado en Derecho".

Makatás na likha ng talinong ito ang:

"SA TABI NG̃ BANG̃IN"—Tatlong personahe ang lumilikha ng mga pangyayari: Ernesto, binatà; Armando at Magdalena, mag asawa. Si Ernesto ay isáng bantóg, dakila, at matalinong makata at mangdudula—kaluluwa ng kadakilaan, pusong bakal. Magdalena "Pusong Babae", mahina, yuko at tiklop ang tuhod sa mahiwagang kapangyarihan ng puso. Don Armando—mayamang mang̃ang̃alakal, punong ganid, pusong nadadarang sa kinang ng pilak, at sumasagot lamang sa pang̃ang̃ailang̃an ng ginto.

Ang pagkamuhi ni Magdalena sa kaniyang asawa, at paghanga nito sa bantog na makata at mangdudulang si Ernesto, ay siyang nagbulid sa kaniya sa makamandag na kamay ng mahiwagang kapangyarihan ng puso. Ipinahiwatig niyá at ipinakilala kay Ernesto ang kanyang pag ibig, bagay na tinanggap ni Ernesto ng boong galak at pagdiriwang na tulad sa usok na pumapaitaas at kusang napaparam sa himpapawid—isang panagimpan; pagka't ng si Ernesto ay sumapit sa kaniyang tahanan, at muling suriin sa kaniyang isip ang mga nangyari, ay isang malakás na ¡Hindi ...! ang narinig niyang ipinaghihiyawan ng boong lakás ng kaniyang "conciencia"—ginamit ni Ernesto ang kaniyang pagkapusong bakal, kinuha ang panitik at inakda ang dulang "SA TABI NG̃ BAÑGIN", dulang naglalarawan ng buhay nila ni Magdalena.

Sa araw ng unang pagtatanhal ng bantóg na dula, ay inaniyayahan ang mag asawang Armando at Loleng. Di natapus ang dula, at si Loleng ay niyapos ng takot, siya'y nanglamig, nang̃alisag ang kaniyang buhók, nang̃atal ang kaniyang katawan, at sandaling pinanawan ng pagkatao ... Sinakal ng takot ang kaluluwa ni Loleng sa harap ng gayong pagkakasala.

Matapus ang gayong pangyayari, ay nagsadya si Ernesto sa bahay ng kaibigan niyang mag-asawa, at nagpaliwanag ng bagay na nag-udyok sa kaniya ng pagakda ng gayong dula; si Loleng ay nagsisi, si Armando ay pinatawad siya, at si Ernesto ay nakatupad sa hiyáw ng kaniyang "conciencia".

"KASAYSAYAN NG ISANG HALIK", salaysaying pinaglalarawanan ng isang Dariong dalisay umibig, ng isang Angela na bago namatay ay binigkas muna ang pang̃alang ¡Dario ...!, pang̃alan ng sinta na sa kaniyang puso, ay hindi nakatkat, ni ng matuling panahon, ni ng matagal na pagkakalayo; at isang Amalia, ináng sa hirap ng anák ay nakalimot sa kaniyang sarili upang wala ng mithiín kundi ang ililigaya noón.

Ang lahat ng mga naunang talata ay siyang laman ng aklat ng kaibigang Pepe Maria Rivera, aklat na dahil sa kaniyang mainam at kalugodlugod na pangyayari, ay ina-asahan kong babasahin ng tanang mahiligin sa mabubuting babasahín.

Sa kahulihulihan, na aalaala ko ngayon ang isang pangyayari ng kaibigang Rivera, ng kasalukuyang kami ay nagtatapos ng pag-aaral sa "Liceo de Manila, na, samantalang kaming lahat ay nag-aaral ng paggawa ng "composición" at pagding̃ig sa aming Profesor (ang namatay na D. Juan Basa), ang kaibigang Rivera naman ay walang pinagkakaabalahan kundi ang pagsulat ng mga tula at tuluyang ilinalathala sa pahayagang "La Patría".

Perfecto del Rosario.

Tundó, Disiyembre ng taóng 1910.

Decorative motif
Decorative motif
Decorative motif
Decorative motif
Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings