III.
Reading edition
SUMANDALING LANGIT
Isang umaga na bilang pangatlo na nang mga nangyaring pagpapaalam ni Dn. Armando kay Magdalena, ay may kumatog sa pintuan ng tahanang iyon na ng patignan sa isang alagad ay nakitang iyon pala'y si Ernesto del Rio.
Palibhasa't ang tumawag ay ipinalalagay ni D. Armando na matalik niyang kaibigan, kaya't naaaring kahit anong oras ay nakaparoroon.
Binuksan na nga ang pintuan na daan at makaraan ang ilang sandali ay tuluyang umakiat ang binatang Ernesto.
Mamalas ng dumating ang ayos ni Magdalena, ay nagturing na:
—Magdalena, ¿bakit at sa pagmumukha mo'y nalalarawan ang hapis? ¿Bakit ang sung̃it ng yamot ay lumululan sa iyong puso?
Tinitigan sumandali ng kinakausap ang katatapos na tumanong, bago sinundan ng isang buntong hining̃ang sumasaksing mabigat na lubha ang pagbabakang nangyayari sa kanyang puso, at pagkatapos ay nagsabing:
—Ernesto, tunay ang iyong sinabi, pagka't....
—¿Ang alin?—ang sambot ng kausap.
—Ako'y di ini-ibig ng aking asawa.
—Bulaan ang sapantaha mong iyan, Magdalena, pagka't ang di umibig sa iyo, ay walang puso, at si Armando ay pinatunayang, lalaki siyang marunong umibig pagka't hinirang ka niyang maguing asawa na pipintuhuin....
—Nagkakamali ka Ernesto, pagka't sa puso ni Armando ay di ako ang sinasamba kundi....
—¿Sino? ¿May iba pa siyang iniibig?
—Oo, mayroon.
—Maaari ko kayang makilala?
—Bakit hindi
—Turan mo, Magdalena.
—Ang "kualta," ang "ginto."
Hindi nakakibo sa gayon si Ernesto, at ang pagkatao'y waring lumayo sa kaniya, ng saglit.
—¿Di ba totoo Ernesto na kung sa iyo mangyayari ang gayon, kung ikaw ay magkaka asawa ng isang marunong umibig, ay gagantihin mo naman ng pag-ibig din?—ang dugtong ni Magdalena.
—Magdalena, ... gayon nga ang aking gagawin, gayon ang maaasahan sa akin, datapwa't ... tanto mo marahil na ako mandin ang tanging linikha ni Bathala upang pahirapan na lamang.
—Ah, Magdalena,—ang patuloy na sabi ni Ernesto,—kung ako ang palaring magkaroon ng isang tulad mo na magiging kabiak ng puso, kung ako ang magkakaroon ng pag-ibig ng isang Magdalena, marahil, ang aking mga tula ay lalong pupurihin, at kaiingitan ng mga may maruruming puso.
—Ernesto, ako man ay gayon din. Ako ay nagsapantahang si Armando ay mapapalitan ng kapua pag-ibig ang aking puso, datapua ako ay nagkamali: Ikaw at di pala siya ang makapagdudulot sa akin ng gayon.
—Magdalena, Magdalena, ikaw man ay aking ini-ibig, ang sulit ni Ernesto.
—Salamat Ernesto ito ang unang pagsa-mapalad ko.

