I.
Reading edition
Langit na maulap
Umaga.
Ang araw ay maliwanag na sumisikat, at tinatanglawan ang lahat ng pinagharian ng gabi; ang lang̃it ay walang mga panganorin na nakadudung̃is sa kulay niyang azul; ang mga sampagang nangag tikum ang dahon matapos na matangap ng kanyang talulod ang bang̃o sa isang mahiwagang gabi, ay paraparang ilinalahad at pinahahalimuyak ang bang̃o niyang na impok ng sakdal lwat.
Si D. Armando, matapos na makapagbihis at makakain ng agahan, ay dagling tumung̃o sa sabitan ng sumbalilo at matapos kunin ang kailang̃an ay nagsabi sa isang babayeng nakaupo pa sa kakanán, ng:
—Hangang mamaya, Magdalena.
—Hintay ka muna Armando at maaga pang-lubhâ—anang babaye na may halong lambing.
—Namamali ka nang pagsasabi ng gayon. Alamin mo Magdalena na ang tatlo nating vapor ay mang̃agsisialis sa umagang ito, at marami sa mga kinakailang̃an ay wala pa. Bawa't saglit na ikabalam ko, bawa't isang "minuto", ay libo-libong piso ang mawawala sa atin at ito'y di marapat na mangyari.
—Mahal pa sa iyo ang oficina kay sa akin, Iniibig mo pa ang "negocio" mo kay sa akin....
—At di mo dapat ipagtaka, pagka't ang kualta ay kailang̃an at ng di natin abutin ang paghihikahos. Diyan ka na.
At noon din ay nanaog si D. Armando at sumakay sa kanyang carruaje.
Samantala, ang naiwan niya ay mangiak-ng̃iak halos kaya't sa bibig ay pinapamumulas ang mga salitang:
—Gaya din ng mga araw na nagdaan. Inibig ko siya sa pagsasapantahang, sa kaniyang puso ay walang ibang sasambahin kundi ako lamang, ng̃uni't ako pala ay nagkamali: sa puso pala niya ay may tang̃i pang nasusulat ng higit sa ng̃alan ko ¿Saan matatagpuan ang isang pusong makapagdudulot sa aking mga pinipithaya?
Matapos na sabihin ito, ay biglang tumindig sa kinakanang lamesa at pumasok sa kanyang silid.

