VII.
Reading edition
"Sa tabi ng bangin."
Ika walo't kalahati ng gabi.
Ang madlang tao ay nang̃agtayo sa tapat ng "Dulaang Makata", na wari ay nang̃ag aantay ó inaabang̃an ang pagpasok ng mga binibining dadalo sa Dulaan ng gabing iyon, nang maring̃ig ang pang̃alawang tugtog ng isang maliit na bating̃aw ay dagling nang̃ag sipasok sa Dulaan, na noo'y punu na ng mga magsisipanood, samantalang ang mga mahihirap na di makaupo sa isang "butaka," ay nanga sa "entrada general."
Ang mga binatang mawilihin sa mga binibining may magagandang ayos ay payak na nakapako ang paning̃in sa asawa ni D. Armando, na nang gabing iyon ay lalo pang gumanda sanhi sa mga suot niya.
Ika siyam na ganap ng gabi, nang ang pangatlong "campanada" ay nadingig ng lahat ng dumalo sa dulaan na sinundan pagkatapos ng pag-aangat ng "Telon de boca."
Sinimulan ang unang yugto at gayon din ang pangalawa sa di magkamayaw na palakpak ng nanganonood at ng matapos ang pangalawang yugto, ay hindi nagpatantan ang mga iyon kundi makita ang makatang Ernesto del Rio, na kung tunay mang kilala na nila, ay ibig na purihing muli.
Nang uliting iangat ang "Telon de boca" at simulan na ang "tercer acto" ay lalo pa ding nagtamo ng maraming palakpak at muling hiniling ang "Autor" noon.
Datapwa't ng dumating na sa "escenang" mahuhuli ni D. Martin (protogonista ng Dula) ang asawa niya sa piling ng kaibigang matalik na ito'y siyang "argumento" ng dulang iyon, si Magdalenang asawa ni D. Armando, ng makita ang balaraw na tangan sa kamay ng "actor" at itatarak sa nagpapapel na asawa, ay sumigaw ng:
—Ang Dramang iyan, ... Armando ... Patawad! at noon din ay hinimatay.
Sa gayon ay nagkagulo sa Dulaan, at pagdaka si D. Armando ay linisan ang inuupan at inaowi sa kanilang bahay si Magdalena, na lubhang di ma-alaman ang nangyaring iyon.
Di din naman lubha nang nagluat at matapos ang pagtatanghal ng Drama, si Ernesto, ay kaagad na tumung̃o sa bahay ni D. Armando na ng kaniyang datnan ay mabuti ng lubha si Magdalena.

