← Table of contents
Sa Tabi ng Bangin

Kasaysayan ng isang halik

Reading edition

Sa matalik na kaibigang Marcos de los Santos, lumikha ng̃ tugtuguing "Los Literatos Tondeños".

Gabí noon.

Ang bowan na ng mga nakaraang araw ay waring ikinakait ang kaniyang magandang kulay, ng gabíng iyon ay maliwanag at bahid mang dung̃is ay wala.

Ang mga bitwin na tila alitaptap, ay tuluyang nang̃awala sa himpapawid dahil sa liwanag ng buwan.

Hang̃ing mahinhin at mabanayad ang sa alang̃anin ay pumapaguitna na nakikisunod at sumasaliw sa gayong kagandahan.

Ang dagat man na sa tuina'y nagbalang gunawin ang sangkapuluan at guhuin ang mga nagtatayugang tahanan na wari bagáng hinahamon ang kapangyarihan ni Bathalà, ay mapanatag na lubha ng gabíng iyon: sa kaniya'y wala man kahit munting bulalás ng gahasang alon.

Lahat ay tiwasay at tahimik.

Samantalang ganap ang katahimikan, sa isang malaking bayang nasasakop ng Maynila at sa tapat ng isang tindahang tagalog, nang̃akaupo ang maraming binata at ilang matatanda.

Sapagka't kaugalian na ng lahing Lakandula na ang mga binata't dalaga ay mang̃agliliwaliw sa liwag ng bowan ang karamihan ng binata na nag upo sa tapat ng tindahang nabanguit ay nang̃agyayaang maglakad sa liwanag ng bowan.

Yumaon ang mga iyon at doon ay walang nang̃alabí kung hindi ang isang binata at ang lahat ng mga matanda.

Sa di kawasa'y nang̃agusapan ang mga matatanda ng natutungkol sa pagtugtog ng violin.

—Dine sa atin—ang sabi ng isa doon na wawalungpuin ang gulang, ay may sumipot na isang violinistang hanga ng̃ayon ay hinahang̃aan ng tanang makariring̃ig sa kaniya.

—Ah, si Dario: siya nga; tunay ang tinuran mo,—ang sabi naman ng isa pa din sa nang̃aroroon.

—Datapwa't sa aking wari,—ang kabuhayan ng taong iyan ay nababalot ng isang malaking hiwaga,—anang na unang nagsalita.

—At bakit naman?—ang tanong ng isa doon.

—Bakit nga naman?—ang mapiling usisa ng isa pa rin.

—Mangyari, si Dario na ng̃ayon ay magkakaroon na marahil ng 65 taón, waring di nakikilala ang gawang umibig.

—At bakit po, tio?—ang magalang na tanong ng binatang sapul ng simulán ng mga matatanda ang usapan, ang boong pakinig niya'y doon na lamang ilinagak.

—Gayon ang sabi ko, pagka't nakapanggigilalas ang sinapit niyang gulang na 65 taón ay bagong tao pa, at....

Ng̃uni't ang kaniyang iduduktong ay nawala, sa pagkakataong noon din ay dumating sa tindahang pinaglilipunan nang isang matandang kaiguihan ang taas, sunod sa moda ang suot na damit at kahit sa mukha niya nagsisimula na ang pang̃ung̃ulubot nang balat, ay di pa din yumayaon ang mg̃a badha nang kaniyang kapanahunan: isa sa mga Magandang Lalake.

Bitbit niya sa kaliwang kamay ang isang kaha ng violin.

—¡Magandang gabí po sa inyong lahat!—ang sabi niya.

—¡Aba, Dario! ¿Saan ka ba nangalin?—ang tanong ng isa't isa sa nangaroroon, sa dumating.

—Diyan lamang mga kaibigan sa bahay ng isa kong pamanking lalaki na ikinasal kang̃inang umaga.

—Ang pamankin mo'y napagkikilalang hindi mawilihin sa pagkabagong tawo na tulad mo—anang matandang naunang nagsalita.

—Tunay nga ang tinuran ninyo—ani Dario;—Datapwa't kung aking inabot ang gulang na ito sa pagkabagongtawo, ay dahil lamang sa isang malaking hiwagang hanga ng̃ayon ay bumabalot sa aking kabuhayan.

—¿Hiwaga?—ang pamaang na tanong ng nang̃aroroon.

—¿At alin ang hiwagang iyan?—ang tanong ng isa naman.

—¿Di baga maaring aming maalaman?—ang saló ng isang matanda pa din.

—Kung hindi kayo mang̃aiinip ay aking isasalaysay sa inyo.

Sa gayon, ang lahat ay nagsipag-igue ng upo; nang̃agunahan ang bawa't isa na mapalapit sa magsasalaysay ng kaniyang kabuhayan.

Ang may ari ng tindahan pati, sa gayong nangyari ay nahawa na at nang matapos mabigyan ng isang luklukan si Dario, ay dalidaling isinará ang kaniyang tindahan, ng upang hwag magambala ang gayong salaysayin.

Sumandaling tinutop ni Dario ang noo ng kaniyang kamay at pagkatapos ay sinimulan na ang pagtuturing ng gayari:

"Di na kaila sa inyo na ang aking kabataan ay isa sa mga inahele ng kapighatian Apat na, taon pa lamang ang aking gulang ng ang sinisinta kong Ina ay tinawag ni Bathala sa kaniyang sinapupunan. Ang aking Ama na tapat magmahal, ng makilalang ang aking hilig ay sa pagtugtog ng violin, ay pinaturuan ako sa isang bantog na guro. Sa pag-aarimuhanan ng aking Ama, ako na ang pinatutungo sa bahay ng aking guro, ng̃uni't, di naman naglipat buwan at ang Ama ko ang sumunod na nalunod sa ilog Estigia.

"Simula na noon ay nadanas ko ang hirap ng maulila, hirap na di nakuhang maalis, ng mga paing paunlak ng karamihan, na sanhi sa kahusayan kong tumugtog ng violin, ang bawa na ay nagsisiwalat.

"Isang araw ng Lingo, dalawa sa aking pinakamatalik na kaibigan, matapos kaming makasimba, ay niyaya ako sa bahay ng isang mayaman, na ng araw na iyon ay ipinagpipista ang kaarawan ng kapang̃anakan sa kaniyang anak. Marami ng panauhin ang inabot namin doon, at sa tanan, ay ipinakikilala ako ng aking dalawang kaibigan, tang̃i nga lamang sa pinipista na di namin inabot doon at sinundo ang kanyang mga kalapit-loob.

"Datapwa't hindi ko natanto at kung bakit simulâ sa mga unang sandali pa lamang ng aking pagdatal sa bahay na iyon, ang aking pag-iisip ay umulik-ulik na, at ang puso ko ay nanibago sa pagtibok. Sa gayong anyo, ay napaupo ako sa isang luklukan, at halos di pa man nagluluwat, ay siya namang pagdating ng pinipista, na matapos mabiguiang upuan ang kanyang mga kakilala ay tinungo ang dalawa kong kaibigan at pinagsabihang:

—"Asa ko'y hindi kayo magsisidaló, ah ...—at sinabayan ng isang ng̃iti.

—"Mali ang sapantaha mo,—ang tugon ni Carlos.

—"Siya nga,—kaya't pinasasalamatan ko ang gayon.

—"Angela,—ang sabi ng kaibigan kong Andrés—ipinakikilala ko sa iyo ang aming kaibigang Dario Reyes, binatang compositor at balitang violinista,—at sinabayan ng pagtuturo sa akin.

Naragdagang lalo ang aking dinamdam, at sa gayon ay wala akong nasabi ng abutín ang kanyang kamay kung hindi:

—"Aling Angela, pag-utusan mo po....

—"Ikinagagalak ko po ang pagkakilala sa bantog na violinista,—ang tugon niya sa akin na sinabayan nang isang titig na kinapapalooban ng boong kabuhayan at pag-giliw.

"Matapos ang pananghalian, at sa mga sandaling nang̃agpapahing̃a ang mga masambahin kay Terspcicore, ang tanang panauhin ay nang̃agkaisa ng paghing̃i nila na tugtugin ko ang isa sa aking maririkit na tugtuguin. Noon naman ay kasalukuyang ang tanang mawilihin sa "musica" ay walang tinutugtog kung hindi ang kayayari ko pa lamang na ang pamagat ay Agonias, at sa pagnanasa ko ng̃ang makasunod sa pinipita sa akin ng tanan, ay hiniram ko ang violin ng isang orquesta at kaagad ng̃ang tinugtog ang Agonias na sinaliwan naman sa piano ni Angela. Di pa man halos natatapos ang aking pagtugtog, ng pumulas sa bibig ng lahat ang salitang: ¡Magaling! Isa't isa ay yumakap sa akin at ako naman sa kanila, kahit na sa mga labi ay namumutawi ang ng̃iti, sa aking puso naman ay isang kalumbayan ang kaagad na pumaloob.

Sumandaling tumiguil si Dario na waring nahahapo, at pagkatapos na ininom ang isang vasong tubig na kaniyang hining̃i, ay itinuloy ang pagsaysay:

"Ganap na isang lingo ang nakaraan, buhat ng pistahin si Angela. Isang hapon na magtatakip silim na, ay napadaan ako sa tagiliran ng hardin ni Angela. Akay palibhasa ng pagnanasang mailuhog sa kaniya ang aking pag ibig na buhat pa ng mga unang sandaling magkatamang mata ay namahay na sa puso, ay sinamantala ko ang kaniyang pamumupol ng sampaguita, at karakarakang binati siya: sumagot naman sa akin ng malumanay at inanyayahan akong pumasok; anyayang kaagad kong tinupad, at mga ilang sandali kong ilinuhog sa kanya ang aking pakay. Palibhasa'y talaga na nga yata ng Diyos na ako'y palarin, si Angela ay tinangap ang aking pagluhog at binitawan sa akin ang mahiwaga, matamis at mahalaga niyang "Oo".

"¡Kaylan man ay di ko malilimot ang mga sandaling iyon na ikinaginhawa ko!

"Sa di kawasa, ng akoy'y nagpaalam na kay Angela, at sagutin na niya ng: "Hangang sa Jueves irog ko"; siyang paglapit sa amin ng ina ng guiliw ko at nanglilisik ang matang nagturing na:

—"Angela, hindi ka na narimarim na tawaging irog mo ang dayupay na iyan?

"Sa gayong pag alipusta sa aking kahirapan, sa dibdib kong mapag bata, ay waring naring̃ig ang piping hiyaw ng aking puso na anya'y: ¡Ipagsangalang mo ang iyong karalitaan!" at dahil sa bagay na ito'y itinaas ko ang aking ulong nakayuko at nagsabi nang:

—"Da. Amalia, magpakarahan po naman ng pag-alipusta sa aking karalitaan.

—"Sasagot ka pa;—ang tugon niya sa akin,—Naito ang marapat sa iyo, at noon din nga ay ipinalo sa akin ng walang patumanga ang isang palasan na kaniyang tinutungkod.

Sa gayong nangyari, niyakap ni Angela ang kaniyang Ináng kasabay ng pagsasabi sa akin ng: "Dario, yumaon ka na".

"Sinunod kong dagli ang sabing iyon ni Angela. Kinamakalawahan, nang pangyayaring iyon, ay tinangap ko ang isang liham ni Angela na gayari ang nasasabi:

"Irog kong Dario:

"Buhat ng mangyari ang pananampalasan sa iyo ni Ina, ako'y náhiga na at di tinitigilan ng lagnat."

"Hindi lamang ikaw ang nagdurusa, irog ko; ako man ay sakbibi din ng kapang̃lawan, ako man ay ginigiyagis ng lungkot."

"Kung ako'y kapu-in ng palad at maputi ang aking hining̃a, ay makaaasa kang sa mga huling tibok ng aking puso, ang mga hulíng salitang pupulas sa aking bibig, ay ang ng̃alan mo, pagka't ang pag-ibig ko sa iyo ay walang makakatulad at malawak pa kay sa dagat at himpapawid."

"Huwag mo ngang lilimutin ang iyong iyo lamang na sí,"

"Angeling."

"Di masayod na lungkot ang sumaakin ng ang gayon ay matanto at palibhasa't simula ng gawin sa akin ni Da. Amalia ang pag-hiya, binuo ko na sa loob ang pang̃ing̃ibang bayan.

Kinabukasan, at bago pa lamang ipinakikita ni Febo ang mga unang anag-ag niya, ay iniwan ko na ang bayang ito at tinung̃o ko ang Pangasinan.

"Isang hapon na kasalukuyang ang mga ibong naglalagalag ay tinung̃ong muli ang kanilang pinag-iwang mga pugad; hapong hustong ikapitong araw ng pagsapit ko doon, walang ano ano'y lumapit sa akin ang alila ko at sinabing may mga tawong humahanap sa akin; iniutos ko sa kaniyang patuluyin ang mga iyon, ng̃uni't nang mang̃agsipasok na ang mga bagong dating ay isang malaking kamanghaan ang umabot sa akin. Nalalaman ninyo kung bakit? Pagka't ang isa sa mga iyon ay ang iná ni Angela na nang makita ako, ay nagturing na kasabay ang iyak at yakap sa akin;

—"Dario, patawarin mo ako sa pagkakalait sa iyo: iligtas mo ang aking mahal na Angela.

"Nang maring̃ig ko ang kanyang sinabi ay itinanong ko ang sanhi ng kaniyang, mga sinabi at noon din nga ay isinalaysay ni Da. Amalia at ng pinsan niyang Luisa na mula ng hapong ako'y kaniyang linait, si Angela ay nagkasakit na at ng ikatlong araw ay sinabi na ng medico na ang tanging kagamutan ng sakít ni Angela ay na sa kaniyang minamahal.

"Sa gayon nga ay isinamo sa akin ni Da. Amalia na huwag na di ako sumama sa kanila, at dahil sa mapili nilang pag-anyaya ay sumang ayon na ako.

Samandaling huminto si Dario na waring ina-ala-ala ang tanang pangyayari na isinasaysay niya.

Lumipas ang ilang saglit at, pagkatapos na silang nang̃agkakaharap ay uminom sa dulot na matamis at tubig nang may tinda, ay ipinatuloy ni Dario ang kaniyang pagsasalaysay.

"Kinabukasan, at dahil na wala na nga akong iba pang nasa kundi ang mamalas ang aking iniibig na Angela, matapos na makakain ng agahan, ay lumulan na nga kamí sa tren.

"Dalawang oras at kalahati ang itinagal namin sa paglalakbay, at pagkatapos ay dumating na kami sa bahay ng guiliw kong Angela.

"Nang ako'y anyong tutung̃o na nga sa silid ng aking sinta na kasama si Da. Amalia, ay sinalubong kami ng manggagamot, na nang matantong ako ang Dario, ay kaagad akong pinagsabihan, ng:

—"¡Kayo palá!... ¡Si Angela'y walang patid ng tawag sa inyo.

"Hindi ako nakatugon ng kaputok man lamang, kaya't ang mangagamot nang mamasdan ang gayon ay nagturing na:

—"Kayo, tang̃ing kayo ang marahil ay makabubuti kay Angela.

"Nguni't nang kaming tatlo ay anyo nang̃ang papasok, ay siya naman naming pagkading̃ig ng hiyaw na;

—"Dario! Dario!... Halika....

"Dagli na nga kaming tumuloy sa kinalalagian ni Angela ng nading̃ig ang gayon at kaagad kong tinabanan sa kamay kasabay ng pagsasabi nang:

—"¡Angela, Angela!

—"¡Dario!—ang biglang sigaw niya ng makita ako.—Asa ko'y hindi na kita makakausap; asa ko'y mamamatay ako ng hindi ka man lamang makakaabot sabi, ng̃uni't napagkikilalang dining̃ig ng Dios ang aking hiling, ... mamamatay ako ng̃ayon ng tahimik.

—"Angela, bakit mga kaisipang sakdal papanglaw ang pinapamumulas sa iyong mga labi?—ang sabi ko sa kaniya.

—"Ah, pagka't tanto ko na lumalapit na ang aking kamatayan.

—"¿Kamatayan? ¿Ang bata mong iyan? Ah, hindi, hindi ka pa mamatay.

"Tinitigan akong sumandali ng boong guiliw ni Angela, at pagkatapos ay nagturing na:

—"Dinaramdam ko ngang lisanin ka at lalo ko pang daramdamin kung magunitang ako'y dagli mong malilimot, sakaling tumugpa na sa bayang payapa, nguni't ¿ano ang aking magagawa? Wala na kundi sumang-ayon sa pasya ng may Likha sa ating lahat.

Tumiguil sumandali, at pagkatapos na wari bagang ang kaunti niyang lakas ay nakuhang natipong lahat, umubong maka tatlo, at pagkatapos na matabanan ang kamay ko ng sakdal higpit, ay nagturing na:

—"Dario, ipang̃ako mo sa akin na, sakaling ako'y mamatay na, ay hindi ka mag-aasawa kundi sa babayeng higuit pa sa akin.

—"Hindi lamang iyan, Angela, hindi lamang iyan, kundi, sakaling ako'y lisanin mo, ay hindi na ako mag-aasawa,—ang tugon ko sa kaniya.

—"¿Tupdin mo kaya ang gayon? ¿Hindi mo kaya pagsisihan?

—"Hindi. Asahan mo.

—"¿Isinusumpa mo?

—"Oo.

"Nang maitugon ko ang gayon, ay ikinawit sa aking liig ang kaniyang mga bisig na sakdal papayat na, at pagkatapos ay hinagkan ako ng minsan, isang halik na hanga ng̃ayo'y nararamdaman ko pa....

"Ang ina ni Angela, na nakikita ang gayon, ay hindi umimik kaputok man.

"Isang sandali lamang ang yumaon at pagkatapos, ay binawian na ang guiliw kong Angela ng buhay ni Bathala............................ ..................................................................

—¿At, iyan pala ang sanhi ng di mo pag aasawa?—ang turing ng isa sa mga kausap.

—Oo, iyan ang sanhi ng kung bakit hanga ng̃ayo'y bagong tao pa ako.

At noon din ay nag paalam na si Dario sa tanang mg̃a kausap, samantalang sa bating̃aw naman ng sambahan ng X. ay naring̃ig ang sampung tunog.

Decorative motif
Decorative motif
Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings