V.
Reading edition
Pangarap
Mga ilang sandali ang nakaraan ng ang Pangarap ay nakuhang magambala ang katahimikang dulot ni Morfeo.
Nangarap nga si Ernesto ng mga sumusunod:
"Umano, si Dn. Armando ay nabalitaan ang paglililo sa kaniya ni Magdalena at Ernesto, na siyang nagiging sanhi ng panunubok ng tinurang D. Armando, panunubok na pinagkasanhian ng pagkakatutop sa kanilang dalawa, na ang naguing wakas ay ang pagpatay ni Armando kay Magdalena".
—Patawad!—ang pabulalas niyang turing, na siya tuloy ikina-untol ng pagtulog.
Datapwa't bahagya pa lamang nakapagpapahinga, ay siya namang pagdapo uli ng isang panaguinip na gayari:
"Nang matapos mapatay ni D. Armando ang kaniyang taksil na asawa, ay siya naman ang hinarap at pinagsabihan nang:
—"Ernesto, ang ginawa mong iyan sa akin ay walang ibang ngalan kundi kataksilan.
—"Linabag mo ang aking mga paglingap sa iyo,—ang isinunod ni D. Armando,—at dahil sa bagay na ito, ikaw ay tumatag.
—"Patawarin mo ako!—ang paluhod na samo ni Ernesto.
—Hindi kita mapatatawad. Sa guinawa mong iyan ay labis na sana kitang mapatay, datapwa't di ko magagawa ang gayon. Isa sa atin ay labis sa lupa at....
—Hindi ako makalalaban sa iyo.
—Kung gayon,—ito ang marapat sa iyo, at noon din ay iniakma sa kanya ang isang Revolvers, datapwa, ng dumating na dito ang panaguinip ay siya niyang pagkagising na pupung̃as-pung̃as, at ang mga naunang salitang pumulás sa kanyang bibig ay ang:
—Huag, huag mong kitlin ang aking hininga.
Datapwa't ng masiyahan na siyang di pala kaharap si D. Armando at ang nangyaring yaon ay panaginip lamang, dinapuan siya ng isang kalungkutang na ikinalugmok tuloy sa isang panig ng tahanan.
Sumandaling napalagak sa gayong anyo si Ernesto, at pagkatapos ay nagturing na:
—Hindi, hindi nga nararapat na ako'y mangibig at sangayunan ang sa aki'y idinudulot ni Magdalena. Di ko dapat gantihin ng pagsusukab ang mabuting palagay na akin ni Armando. Si Magdalena'y nagkasala, at kinakailangang ang gayon ay pagsisihan niya.
At noon din ay kumuha siya ng papel at sinimulan ang pagsulat ng isang Dula.

