← Table of contents
Hindi Biro!... ó Ang Anting-Anting

VIII

Reading edition

Ang lahat na nakaalam ng̃ pagkamatay ni matandang Tacio ay malungkot na nagbibilang ng̃ araw, at ng̃ayo'y ikaapat na araw na magmula ng̃ ilibing ang nalunod. Ang balo ng̃ namatay sanpon ng̃ mg̃a kasuyó ay naghahandaan upang ipagparasal ng̃ gabing yoon, kaya, ng̃a't nagkatipon sa bahay ng̃ namatay. Na roon na ang Kapitan, ang Directorcillo, ang Paré, at ang mg̃a Cantores ay nagdasal ng̃ responso, sampon ng̃ mg̃a manang at ang lahat na doroon. Nang matapos ay pawang inanyayahan sa paghahapunan at dina ng̃a naluatan at nalilikmo nang lahat sa paligid ng̃ isang mahabang dulang na kina hahainan ng̃ mabubuti at masarap na pagkain na ang litson at tinolang manok ay kapiling ng̃ patis na may dayap at ng̃ salaang maasim asim. Nang malapit na ang pagkatapos ng̃ paghapon ay napansin ng̃ lahat ang isang tinig na nagbubuhat sa gawing itaas ng̃ palupo na tapat ng̃ dulang. Ang lahat ay na pating̃alá at doon ng̃a'y nakita ang duyang may nakalawit na isang paa. Marami ang nagulat at tumakbó, lubhà ang mg̃a babaie. Pinagtulung-tulung̃ang ibaba ang duyan at ng̃ narito na'y mahinusay na nagsalita ang matanda, na nagpalutô ng̃ tsá na pinatakan ng̃ gatas amargas, sa gitna ng̃ di masayod na katuaan at tawanan. Ang kaumpok na mg̃a daló sa piguing na yaon ay walang pagkasiahan sa lugod, kaya ng̃a yata ang Directorcillo ay di nakatiis na di bumigkas ng̃ isang tulà na kaniang biglang ipinamutawi, na anya'y,

Mg̃a, maguinoo,

Ang tawo'y di ng̃a sukat na magsasabi, ng̃ tapos sa sinomang kapua lalaki, sapagka't kung ganito ng̃a ang mangyari kahiyahiyang lubha sa kania ding sarili. (Nang̃a tilihán) Ipinalalagay nating patay ng̃ang tunay si Pareng Tacio kaya ng̃a nagdasalan, dili pala gaion at siang tumatanaw kung sino sa atin ang malaking samual. (tawanan) Ang gawang maglimos ay gawang magaling na di ng̃a lubhang kaluluguihan natin; paris ng̃a ng̃aio'y mg̃a tian natin di mababayaran ng̃ tigagatlong aliw. (tawanan) Kaya ng̃a lubos ang pasasalamat ko sa pang̃alan lamang ni Cumpareng Tacio, biniguian lugal na magkasalo-salo tanang cantores at sampon maguinoo. (walang makahing̃a) Sapagka ng̃á't naguing ugali na natin mg̃a kantores sa huli ang kaín tang̃i lamang ng̃aion na napapiling din, kaakbay ng̃ kurang kaagapay natin. (may na hikáb pa) Ang ipinagbadya'y di ko tinitikis kaya ang hiling ko'y inio ng̃ íalis sa puso niniong maalam magkipkíp at sa kakulang̃a'y marunong magtakíp. (may na banlág) Inuulit ko'y ang pagpapasalamat dito sa may boda at tanang kaharap; huag din nawang isaman ay magkalamat mg̃a pinga't basong dito ng̃a't sinangkap. (Na patawa ang asawa ni tandang Tacio) At natapos na.

Nagpagakpakan at muling nagkatawanan at dito nama'y hinang̃aan ang pagkakapamigkas ng̃ Directorcillo ng̃ gaiong tugma, at sapol na ng̃a noo'y pinagmatahan sia ng̃ kanilang kura at ipinalagay sa kaniang sarili na isa sa mg̃a may magagawa sakalí pagdating ng̃ araw, na ito'y hindi nagluat, sapagkat may ilang panahon lamang at ang Directorcillo ng̃a ay napatapon na sa ibang lupain, at noo'y nagsisimula na ang himagsikan.

Ang lahat ay nagpaalam na, at ipinalagay na ang mg̃a kantores ang siyang napahirapan sa gaiong kasistihang guinawa ng̃ matanda; kaya ng̃a ang mg̃a ito'y nagsabi na di na sila mauuli ninoman, bagama't kadidinig pa lamang ng̃ ipinamutawi ng̃ Directorcillo.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings