I
Reading edition
Noon ay panahong lumipas, ng̃uni't hangan ng̃aio'y naaalaala pa ng̃ marami sa atin, na, si Juan Hanipol ay isang binatang may hilig na totoo sa pag anting anting.
Si matandang Taciong Kabál ó Bakal ay isang magaling na lalaki, at balitang tulisan noong mg̃a dakódakong panahon, ng̃uni't matagaltagal nang na nanahimik at bagama't matanda na'y nagsasaka pa sa kaniang bukid. Ng̃aion ay kilalá sia sa pook na yaon, na isang matandang masipag at sistidor, kaya kung tawagin ay si Matandang Taciong Sistidor.
Minsang araw ay nag sadya sa bahay nia si Juang Hanipol, ang binatang nag hahanap ng̃ galing ó anting-anting.
—Ako po Lelong ay naparito, na ang tanka ko'y mag puló ng̃ kaunting kasangkapang mabuti sa katawan.
—Anong ibig mong kasangkapan?
—Ang ibig ko po'y ...yaon po bang kung ako halimbawa'y may masasalubong sa daan ay huwag akong makita.
Pinag masdán ang kausap buhat, sa ulo hanggan paa samantalang isinubô ang binayong itsó sa kaniang kalikot, at tinapik sa balikat at sinagot:
—Ako bata'y hindi na nag iing̃ing̃at nian at kita mo, na ako'y matanda na: ng̃uni't kung ikaw ay matitirá dito sa aking bahay hangang ako'y mamatay ay pamamanahin kita, sakali't maglinkod ka ng̃ tapat sa aming mag asawa. Kita mong kami ay walang anak na isa man lamang.
—Kung iyon po lamang Lelong, ay pabayaan ninio't pag sisilbihan ko kayong parang magulang, lalo't ako'y hindi po naman nakakilala ng̃ ama't ina at ng̃ maewan po ako'y musmos pang lubha!
—Wala ka bang mg̃a kapatid?
—Wala din po.
—Sus, di magaling: anó, titirá ka na?
—Opo, titirá na ako.
—Ng̃uni't ...tíla hindî ka dapat mag-ing̃at ng̃ mg̃a kabulaanang yaon at baka ikaw ay mapahamak, bata ka pa; gaion man ay aatuhan kita.
Sa madaling sabi, natirá na ng̃a doon si Juan, at mula noo'y ang panunuyó ang siyang guinamit, anopa't ginawa niyang lahat ang anoman sa loob at labas ng̃ bahay.