V
Reading edition
At ganoon ng̃a ang nangyari.
Tapus nang kumain ang lahat, ay tinawag ng̃ matanda sa gawing labas ng̃ kamalig si Ambo at sarilinang nag usap. Tinawanan ng̃ ilán.
Pinulsuhan muna si Ambo, binasá ng̃ tubig ang batok at saka pínagsabihan:
—Ang hatol ko sa iyo ay magliguíd ka ng̃ magliguíd dian sa walong pilapil na yaan, sabay na itinuro ang mg̃a pilapil, na pag dating mo dito'y patuloy ka pa ng̃ patuloy hangang patiguilin kita. Ako nama'y kukuha ng̃ iinomín mong gamot na ewan ko lamang sa baat ng̃ aking salokot na nasa kamalig.
Ang hinatulan ay walang liwag na sumunod. Líguid-ke líguid sa mg̃a pilapil at sa sikat ng̃ mainit na araw samantala'y sa loob ng̃ kamalig ay naghihinugang ang tawanan ng̃ lahat.
Hindi naluatan at dumating si Angue, na kayâ natagalan ng̃ pag sunod ay nag bayo muna ng̃ palay na kakanin nila nag saing at nag pakain muna sa kaniang mg̃a anak. Nakita nia ang kaniang asawa sa guitnà ng̃ bukid at sa pagkaawà, palibhasà baga'y asawa ay nagmakaamong lumuluhod at tumatang̃is sa matanda, na ania'y patawarin ang kaniang asawa. Kayâ naman na ululan pa mandin ang tawanan ng̃ lahat, na nanonood.
—Ibig mo bang gumaling sia?—ang tanong ng̃ matanda sa nananang̃is.
—Opò, ay huag mo po namang pahirapan at ...
—Angue;—ang tugon ng̃ matandà;
Pag ang sakit ay masamá ang gamot malaking lubhâ, Pag ang sakit ay maliit ang gamot ay gaga hanip.
—At tunay bang ibig mong gumaling ang asawa mo? ang patuloy na tanong ng̃ matandà.
—Talaga pong ganoon, mahirap po lamang ang ...
—Mahirap ng̃a ang mabawo....
—Ah! hindi po ... hindi po yaan ang ibig kong sabihin.
—Hindi pala eh ... anó?
—Mahirap po anakin ang iniong gamot na hatol sa kania.
—Yaan ang mabuting papawis ...! sa katawan; hindi delikado sa hang̃in, bukod sa ... walang gasta kahi't ga kusing man. Makita mo't kapag araw-araw ay pinapag-liguid mo ang iyong asawa na mag araro baga, ang ibig kong sabihin ay bukod sa kayo'y mag kakabukid ay gagaling pa ang kaniang katawan palibhasa'y papawisan. Naku Angue!... Baka akala mo'y kakaunting sakit ang nakukuha ng̃ pawis ...! Hindi kakaunti, at siang lalong tumpak na gamot sa sakit na yaang "Asno—Tamardillo".
—Ay ano po ba sa wika tagalog ang "asno tamardillo"?... Wari ko po'y ibang wika iyan? ang sabad ng̃ isang kaharap.
—"Asno", iisaisahin ko sa iyong kahulugan ay tawong linalang ng̃ P. Dios. at pinaalis sa bayang Paraiso ng̃ magkasala sa pagkain ng̃ bung̃ang bawal at sinumpa ng̃ang sinabi sa kania.
Yaman ng̃ang sa Akin íkaw nag suail kaya buhat ng̃ayon at sa haharapin sa pawis ng̃ noo mo'y iyong kukunin ang iyong kakanin at ipakakain,
at simula ng̃a noo'y naparam ang ginhawa nakaramdam na sila ng̃ gutom at nag isip ng̃a ng̃ paraang ikabubuhay, na ito'y ang pagtatanim ng̃ mg̃a halaman.
—At ano pong guinawa, kaya ng̃ nunong Adan? ang tanong naman ng̃ tininting Isiro.
—Nag isip pong bungkalin ang lupa upang mag tanim; at sa ganito ng̃a'y natamo nia ang bung̃a ng̃ lahat niang halaman at sia niyang ipinakain sa asawang Eva sanpon sa lahat niang inianak. Kaya Tingting Isiro; ang iniong pagbubukid ay talagang kapuri-puring gawa sapagka't siang kaunaunahang natuklasang pangbuhay sa mg̃a tawo, at hangang ng̃ayo'y sia pa ring ikabubuhay at ikabubuhay ng̃ lahat ng̃ bayan sa Sangsinukuban, munti at malaki man, dang̃ang dito sa atin ay waring napapabayaan.
Samantala'y patuloy pa si Ambo ng̃ pag liliguid sa bukid.
—Ay ano po naman ang tamardillo?—ang ulit ng̃ kausap.
Ang "tamar" ay tamad, hindi masipag, ayaw gumawa, at "dillo" ay tinadtad, anhin mo'y pikadillo; sapagka't ang tawong tamad ay talagang tinatadtad ng̃ pintas at pula ng̃ kapua tawo; at ipaghalimbawa nating tayo ng̃a'y makakitá ng̃ isang tawong malakas at walang karamdaman ng̃uni't nagaansikot, ayaw gumawa o mag paupa ay pinupuri kaya ninoman? Kung makakita kayo, ng̃ walang gawa kundi maglagalag, maglang̃o, o magsugal na lamang ay anong maitatawag ninyo? Kung may makita tayong isang salantang wari pilihot ang mg̃a paa na lumapit sa ating pintuan at huming̃i ng̃ limos, atin naman lilimusan alang-alang sa salanta, ng̃uni't pagkapalayo ay matuid pa't magara kay sa atin kung lumakad, at kung mg̃a araw ng̃ linggo'y makita nating nagpapatalo ng̃ salapi sa sabung̃an o sugalan, anong inyong maitatawag?
—Tamad!... tamad! magdaraya!.. ang ulitan ng̃ lahat.
—Ganian ng̃a; at walang ibang maitatawag ang sinoman,—ang ulit ng̃ matanda.
—Sia ng̃a!... ang ulitan ng̃ mg̃a kaharap. Dapat ng̃ang paniwalaan at siang totoo ...
—Ako'y nagtataka kay Tandang Tacio, sa gayong katulisan ng̃ unang dako ay ng̃aio'y mabait na't masípag at ang naguiguing aliwan na lamang niya ay magsistí—ang saló naman ng̃ isa.
—Sia'y uliran na, na dapat gawin ni Ambo at ng̃ mg̃a iba dian na talagang tamad, kaya naman pinarusahan siya doon sa initan—at pagsasabi nito ay gawari hinanap si Ambo, ng̃uni't ng̃ tanawin ay wala na at sa hiya ay nagpatuloy na umuwi sa kanilang bahay. Namalayan ng̃a't pinaghanapanan ng̃ lahat si Ambo ay wala ng̃a sa bukid. Kaya sa maalaman ni Angue ay napaalam na sa lahat at tinunton ang pook na pinaroonan ng̃ kaniang asawa.
Noo'y hapon na; at ang lahat ay nag uwian sa kanikanila, na di magkangdadala ng̃ hunos, kaya ng̃a ang mg̃a bakol, o palanan nila'y puno ng̃ palay at ang mg̃a tian ay puno din naman ng̃ ... hang̃in sa katatawa kay matandang Tacio, at busog ang mg̃a kaloobán sa mg̃a na dinig na aral ng̃ sistidor na matanda.
Nagbago kaya si Ambo ng̃ gaiong ugali?—ang maitatanong ng̃ bumabasa.
Tayong lahat ay makasasagot. Makaaasa tayo sapagka't sawikain nating "sa tawo'y ang mukha ang hindi lamang nagbabago", ng̃unit na dudung̃isang minsan minsan kaya minsan minsa'y kailangang humarap sa salamin ng̃ mabubuting aral at mg̃a basahing makapagaagno sa magaling, upang sa mg̃a yoon ay maisaayos ang mg̃a kapakanan ng̃ ating sarili at ng̃ kalahatan sa kapakinabang̃an ng̃ boong katauhan.