Tagpo VII.
Reading edition
Sila din at si BRUNO.
Bru:—
(Waring hinahabol ang aso. Humihing̃al. Takot.) ¡Che ...! ¡Che ...! ¡Cheeeee ...! (Lalong takot) ¡Nakú, malaking basagulo ang nangyare; ang aso ... ay nakakawala, at ... nakamatay ng tao ...!!!!!
Ang:—
(Gulat) ¿Ano ang nangyare, ha, Bruno? ¿Ano ang nangyare?
Bal:—
(Lalo pang gulat.) ¿Ano, ano daw ang nangyare?
Bru.—
(Takot) Ang atin pong aso na Mariano Gil ay nakakawala at....
Ang at Bal:—
¿At, ano?
Bru:—
¡¡Nakamatay po ng̃ tao....!! ¡¡¡Nakuuu.!!
Bal:—
¡¡Susmariosep!!....(Manginginig sa takot)
Ang:—
¿Tunay ng̃a ba?
Bru:—
Opo, at sa katunayan, ay naririto po ang buhok at sampu ng̃ ng̃ipin ng̃ taong: napatay ...¡Susmariosep.....! ¡Talagang hayop si Mariano Gil! ¡Naku ang ng̃ipin ng̃ taong napatay! (Ipakikita ang ng̃ipin at buhok na postizo)
Bal:—
(Tatang̃anan, at mapapasigaw sa takot.) ¡¡¡Naku po, Dios ko ...!!! (Pagkatang̃an sa ng̃iping pustiso ay makikilala. Galit) ¡Aba, eh ito ... ang ng̃ipin kong postiso na hinahanap ah ... (Galit) Ang hayop na ito. (Kay Bruno) ¡Animal, sa lahat ng ginawa mo sa akin, ito ang....
Ang:—
¿Bakit po, Nanay?
Bal:—
Eh, iyan bang hayop na iyan, linoko na naman akó.
Bru:—
(Sa sarile) Sa lahat daw ng̃ ginawa ko sa kanya ...(Harap) ¿Kaylan ko po ba kayo linoko? (Papakumbabá)
Bal—
(Ipakikita ang pustiso.) At, itó, masama pa bang pagloko?
Bru:—
Eh, hindi po ba buhok iyan?
Bal—
Oo ng̃a, buhok, ng̃uni't ito'y pustiso ko animal at hindi sa patay na taong gaya ng̃ sinabi mo. (Sisiyasating ang buhok.) Tignan mo ang ginawa mong ito, ginusot mo. Babayaran mo ng̃ayon ito.
Bru:—
Aba, hindi po ako ang sumira niyan. Di po, pabayaran natin sa aso.
Ang:—
(Kay Balt.) Siyang̃a naman, nanay.
Bal:—
(Kay Ang.) Aayunan mo pa ang hayop na iyan. (Kay Bruno) Babayaran mo ng̃ayon itong aking buhok.
Bru:—
(Sa sarile) Katuwirang diablo na itong nalalaman ng̃ aking ama. Iba ang sumira, at, ako ang papagbabayarin. Maniwala kang̃a naman sa ayos ng̃ babae. (Titigil) Kay don Tibursio, ay walang sandaling di pagpuri sa buhok ng̃ kaniyang asawa ang nariring̃ig dahil sa kalakihan umano, ito pala'y ...pustiso lamang ...Baka pa kaya, pati ang......este, pati ang mata nito'y pustiso na din ah.....!
Bal:—
(Galit) ¿Ano ba ang ipinagbububulong mo, ha?
Bru:—
Wala po, señorita, wala po akong ibinubulong ng̃ laban sa inyo....Na aala-ala ko po lamang ang nangyare sa pustiso....
Bal:—
(Galit na lalo) Pues, hindi mangyayare. Ginusot mo ang aking buhok, at babayaran mo ng̃ayon.
(Lalabas si D. TIBURCIO na kasabay nina TIO BESTRE, TIA MARTINA, BETENG at MATEA. Ang mg̃a ito, tang̃i lamang si D. TIBURCIO, ay paraparang may mg̃a bitbit na tampipe. Si BETENG ay hilahila ang isang asong payat. Ang gayak ng̃ mg̃a itó, ay mg̃a lipas na sa "moda". Si TIO BESTRE, ay nakasuot ng̃ isang "chaqueta" ng̃ mg̃a tininté sa barrio ng̃ panahong yumao ng̃ kastila. Ang magsisiganap ng̃ mg̃a tungkuling ito, ay nararapat na, ang kanilang isuot na damit ay iyong nakatatawa. Ang mg̃a bagong dating ay mg̃a tagalog na napatirang matagal sa isang nayon ng̃ Kapampang̃an.)