← Table of contents
Cinematografo

Tagpo I.

Reading edition

Si D. TIBURCIO lamang.

D. Tib:—

¡Sussssssss....! Sa lahat ng̃ araw na isinasal ng̃ init, ay lumabis naman ang araw na ito. At, sa kalabisan, ay kaunti, na tuloy akong masagasaan ng̃ trambya, dahil sa hilong umabot sa akin. (Saglit na hihinto.) Salamat na lamang, at ang nangyare sa akin ay nakita pala ng̃ isang mahabagin, at kung hindi ... marahil ay kinidlatan na ako! (Hihinto) Talaga na yatang ang Maynilang ito, ay magiging sa mg̃a mang̃ang̃alakal na lamang! Diwa'y ang Maynilang ito'y magiging tahanan na lamang ng̃ mg̃a taong mapuputi, dahil na ... munting kibot, ang mg̃a makapangyarihan ay nagtatakda ng̃ mg̃a kautusang.... halos ay makalunod na sa mg̃a mahihirap. At, kung sakali namang, ang isa ay nakaririwasa; may bahay na sarile, walang patid namang utos ang ibibigay. Nariyan ang kailang̃ang papintahan umano ang bahay o kaya'y palagyan ng̃ gayon o ganitong mg̃a ... ¡Sussssssss ...na buhay ng̃ buhay na ito!! (Hihinto ng̃ matagal) Ang araw na magamit ng̃ patuluyan ang "aeroplano", ay bibile ako agad, ng̃ upang maligtas na lamang sa mg̃a ganyang kautusan. Kung sa himpapawid na ba ako nagtitira, ay ano pang amillaramiento ang babayaran, ni bahay na papipintahan pa o kaya'y uupahang "ventilador"? Ng̃uni't, ipagpatuloy ko ng̃a ang pagbasa sa pahayagang ito, at ng̃ matalos ang mg̃a balitang dala niya. (Muling babasahin ang pahayagang tang̃an: Babasa) "Sakaling sa loob ng̃ pitong taon, ay maipakita ng̃ Bayang Pilipino ang kaniyang kakayahan sa pagsasarile, ay ipagkakaloob sa kaniya ng̃ bayang Amerikano ang ganap na paglaya." (Hihinto.) ¡Salamat sa Dios, at kung papalarin ang bill na ito ni Mr. Jones, ay makikita ko pa ang paglaya ng̃ Pilipinas! ¡Maanong totohanin na ang pang̃akong ito ng̃ Bayang Amerika! (Titigil sumandali, at pagkatapos ay mapapalundag: Babasahin) "Pangkat ng̃ mg̃a nakawan". ¿Pangkat ng̃ mg̃a nakawan? ¿Di yata? (Babasahin) "Kagabing magiika 12 at 1 ng̃ madaling-araw, ay pinanhik ng̃ mg̃a magnanakaw, ang bahay ng̃ tagapang̃asiwa ng̃ aming pahayagan, at matapos na mabuksan ang lahat ng̃ mg̃a taguan ng damit, ay nang̃a-kadala ang mg̃a naturang magnanakaw ng̃ mg̃a hiyas at pagaari ng̃ taga pamahala namin, na umaabot sa halagang tatlong libong piso. Ang nakawang nabanggit, kahi't ginawa ng̃ mg̃a kampon ni Kako sa isang daang hayag, ay hindi man lamang nabalitaan ng̃ mg̃a nagtatanod sa ating mg̃a lansang̃an. (Lalo pang gulilat) ¡Dios ko! ¡¡Dios ko!! Anong salot ito na gumagala at naghahari dito? ¿Ito baga ang katunayan ng̃ sinabi ng̃ ilang ginoo na kabutihan ng̃ pamamalakad? ¿Nasaan ang katiwasayang binibili ng̃ mg̃a mamamayang nagbabayad ng̃ di kakaunting kuwalta sa pamamagitan ng̃ mg̃a "contribuciones" at "amillaramientos"? ¡Mabuti na ang nangyayari! ¡Nagkakaroon ng̃ mg̃a nakawan, harang̃an at patayan ng̃.... hindi man lamang natatalos ng̃ mg̃a pulis at "secreta". (Hihinto ng̃ matagal) Sinasabi ko na ng̃a ba, at ang paglipana ng̃ayon ng̃ mg̃a kabalbalang ito, ay, galing sa mg̃a nagkalat na babasahing natutungkol kay Nick Carter. Ang mg̃a cineng iyan na walang ibang idinudulot sa mg̃a nagsisipanood kundi ang mg̃a nakawang sistema Zigomar at ang halikan. Wala, ito ang siyang totoo. At dahil sa bagay na ito, buhat ng̃ayon ang mg̃a cineng iyan, ay hindi na makikinabang sa akin, kahi't na isang kusing man lamang!..... (Tatawag) ¡Bruno!... Brunooooo ...! (Lalabas si BRUNO.)

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings