← Table of contents
Cahangahangang Buhay ni Santa Margarita de Cortona

SANTA AGUEDA MARTIR

Reading edition

Ang Virgen at Martir na Santa Agueda doon sa Palermo ipinang̃anac siya. Ciudad ng̃ cahariang Cecilia yaong pagcatauo,i, doon nakilala. Namamahala ng̃a ng̃ panahong ito,i, casalucuyang Emperador Decio, ng̃uni,t, si Agueda,i, magandang totoo ay di nabubuyo sa layaw sa Mundo. Ang Amá at Ina,i, capua binyagan at mahal na lahi ang pinangalingan caya ang Anác ay pinaturuan ng̃ Amá at Inang marunong magmahal. Niyong sarisaring carunung̃ang angkin bakit may talagang cabaitang kimkim loob ay banayad at sadyang mahinhin sa tanang dalaga ay isa nang ningning. Pagsapit sa ica dalauang pung taón ng̃ caniyang búhay bagáng linalayon, yaong cagandaha,t, loob na hinahon mabang̃ong bulaclac ang siyang caucol. Caya ng̃a,t, naacay sa gauang pagsinta ang Gobernador doon sa Cecilia, na si Quinciano ang pang̃alan niya at moli,t, moli ng̃ang sumasamo siya. Na tangapin yaong caniyang pag-ibig ng̃uni,t, si Agueda,i, tumanguing malabis, pagca,t, inialay ang pusò at dibdib sa Dios na Hari nang lupa at lang̃it. Ang pagca Vírgen niyang iniing̃atan ay di dinung̃isan magpacaila man, bakit si Quinciano,i, hindi binyagan at di sumasamba sa Dios na tunay. Sa hindi pag-ayon sa iuing pag-ibig niyong si Aguedang may pusong malinis, si Quinciano ng̃a,i, nagtaglay nang galit maálab na lubhang apóy ang caparis. Inacala niyong Gobernador naman butihing dalaga ay pag-higantihan, nang dusang malabis at cadahilanan ay yaong nasapit niyang cahihiyan. At agád-agád ng̃ang ipinatauag na doon sa hucuman yaong si Agueda, at pinagsabihang huag na sumamba sa cay Jesucristo at sumpain niya. Dagling kilalanin at sambahin nito ang mang̃a Dioses na pauang idolo, na sinasamba nang hindi cristiano,t, iguinagalang doon sa Imperio. Nang sa cay Aguedang mading̃ig ang utos ay sa Gobernador pagdaca,i, sumagot, ang loob mong iya,i, di co masusunod pagca,t, aco,i, ualang ibang Dinidios. Cundi yaong tunay na si Jesucristo sa akin ay siyang may aring totoo, iyaring boong puso at calulua co alay sa caniya caratnan ma,i, ano. Tunay acong hindi macahihiualay sa caniya, anomang aking caratnan, ay tumutol naman yaong tampalasang Gobernador bagáng sadyang calupitan. At pinagbalaan yaong si Agueda na palalapatan nang labis na dusa, caya ng̃a mapilit na sumunod siya sa iniuutos na mang̃a pag-samba. Sumagot na di man nagulumihanan at ipinahayag nang Virgeng matapang, na cahima,t, siya,i, alisan nang buhay ang utos na yao,i, di magagampanan. Lubos ang caniyang pagsampalataya sa cay Jesucristo, at pag-ibig niya, matuluyang kitlin ang tang̃ang hining̃a yaon ang Dios niyang kinikilala. Ipinatauag na niyong asal hayop na si Quinciano, ang mang̃a verdugos, ni Santa Agueda ay ipinag-utos na pagtatampaling lacas ay iubos. Cung matapos nama,i, canilang cayurin niyong mang̃a cucong hayap na patalim ang boong catauan nama,i, sayaran din nang lapád na tansó at bacal na tambing. Na pinapagbaga,t, saca pinaputlan nang dalauang suso niyong tampalan, ang tanang caharap ay kinilabutan sapagca,t, lumabis yaong calupitan. Doon sa Vírgen ni Quinciano bagá caya,t, ang lahat nang doo,i, nacakita, sa gayong pahirap cay Santa Agueda muc-ha,i, di nagbago,t, lalo pang sumaya. Ipinaculong na yaong bunying Martir sa bilanguan ng̃a na lalong madilim at di malalao,t, pilit makikitil ang buhay sa gayong hirap na inatim. Anopa at cusang lumiuanag naman ang sadyang madilim bagang bilanguan, at dumating doo,t, napakitang tunay ang malualhating Apostol na hirang. Na si San Pedro,t, namasdan ng̃ lahat na biglang gumaling ang lahat ng̃ sugat, ng̃ cay Santa Aguedang catauang hayag na tila uala ring dinamdam na hirap. Si Quinciano ng̃a,i, bagcus pang nagalit sa bagay na yaong caniyang nabatid, at ipinag-utos ng̃ lalong mahigpit caladcaring hubad na bigyang pasakit. Doon sa lupa ng̃ang sadyang sinabugan ng̃ maraming bága,t, mang̃a bubog naman, ang utos na yao,i, agád ginampanan ng̃ mang̃a verdugos na pauang sucaban. Ng̃uni at natacot yaong palamara at lihim na ipinadala ang Santa, doon sa bilangua,t, dahilan bagáng malacas na lindol ang nacabalisa. Sa boong Ciudad at nang̃aglagpacan yaong mang̃a bató na ikinamatay, ni Silvino saca ni Palcomio man caibigan niya,t, casama sa bahay. Martir ay bahagya lamang humihing̃a sa catacot-tacot na pagcaparusa, ng̃ sa bilanguan ay naroroon na nanalang̃in na ng̃a ang mahal na Sánta. Pang̃inoong co aniyang Jesucristo yayamang aco po ay iniibig mo, at di itinulot na yaring loob co,i, mauili sa mang̃a paraya ng̃ Mundo. Ay marapatin po na tangapin mo na ng̃ayon yaring aking abang calulua, at mamatay naua aco sa pagsinta sa iyo Dios co,t, macandiling Amá. Dining̃ig ng̃ Dios ang gayong dalang̃in caya ng̃a,t, ang tang̃ang hining̃a,i, nakitil ni Santa Agueda,t, kinamtan noon din yaong lualhating ualang hangang aliw. Anopa,t, natapos ang lahat ng̃ hirap nahaliling tua nama,i, ualang capas, yaong Virgeng Martir na lubhang mapalad ng̃ayo,i, na sa lang̃it na puspos ang galac.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings