V.
Carlos B. Raimundo translation
Isáng araw na akó'y nakikipagsalitâan kay Pusò na tila untî-untî náng gumágaling, karaka'y naghiyawan ang m~ga táo na kamí'y linúlusob n~g m~ga kábayuháng americano, at sunód dito ang isáng kasindák-sindák na pútukan.
Agád-agád na inabót ni Pusò ang kanyáng revolver at ang wikà sa akin:
—¡Madali! Ilapit ninyó ang aking hinihigán sa tapát n~g bútas na iyón n~g dinding at ikanlóng mo pô akó sa haligi. At, n~gayó'y dumating ná, kapatíd ko, ang oras na aking maitátakal n~g mahál ang búhay na itóng walâng kabuluhán. Aytó, itagò ninyó n~g boong in~gat ang tan~gi kong hiyás, ang minúmutyâ kong sinsing, upang huwág maágaw sa akin n~g m~ga kaaway. Isauli lamang kay Liwaywáy, sakalìng siyá'y matagpûán.
—Huwág na kayóng makilaban—ang amuki ko—mahál na katoto, pagkâ't kayó'y malubhâ at matitiyák kong dî ka pô aanhin n~g m~ga kaaway sa kalagayang iyán.
—Hindî maáari—ang mapusok na sagót sa akin—lahát n~g kawal na may dan~gal, ay dapat mamatáy muna, bago sumukò sa kanyáng kalaban. Tumakbó ka pô't aytó na silá.
Dî n~gâ naman nagkabulà at sa isáng kisáp-matá'y pinaputukán kamí n~g m~ga americano at agád parang pinutakti ang aming bahay sa tamà n~g punlô na lusót-lusutan sa lahat n~g dako. Itinulak akó ni Pusò at siyá'y naláglagán n~g isáng paták na luhà sa pagiinit, n~g mákitang ayaw ko siyáng iwan at anyá:
—Lumákad ka pô, kapatíd ko at iligtá ang singsing na lábis kong minámahál.
Sa gayó'y tumakbó akóng dalá ang singsíng at kamuntî na akóng abútin n~g isáng americanong kábayúhán, kundî n~g mákita ni Pusò na akó,y hináhabol ay agád siyáng pinaputukán at noón di'y patáy na nahulog sa kabayo ang americano.
Kinubkób n~g m~ga kaaway ang bahay na kinároroonán ni Pusò at n~g akó'y makalayô na sa katamtamang agwát sa loób n~g isáng masukal na tálahibán, ay nákita kong marami pang nápatáy si Pusò, palibhasà't may mabuti siyáng panudlâ at sa bawa't punlô n~g kanyáng revolver ay isáng americanong patáy ó sugatáng malúbhâ ang kapalít.
N~gunì't sa wakás ay tinamàan naman siyá at nátanawán kong nahulog na parang patáy.
Nang walâ náng sumásagót sa putók n~g m~ga americano ay dumaluhong na silá't tinalón ang bahay at doón nákita si Pusò na walâng malay-táo, n~gunì't huminhingá pa n~g kauntî.
Malakí ang pagkámanghâ at pagpuri n~g m~ga americano sa kanyáng katapan~gan, palibhasà, gayóng butó't balát na lamang ay lumaban pa sa lalòng kabayanihan.
Hinubarán si Pusò upang siyasatin ang kanyáng m~ga súgat at n~g mákitang siya'y Coronel ay sinikap na linanggás n~g main~gat ang bago at m~ga dáti niyáng súgat at sakà ginamót.
Sa liblíb na aking kinátatagùan ay nagdaán ang dalawáng makabebe na kasama n~g m~ga americano, at aking nápakinggán sa kanilá ang sumúsunód na salitân.
UNANG MAKABEBE:—Itó ang "nunò" n~g tápang. ¿Sino ang mag-áakalàng, makamatáy pa n~g walóng americano, ang Coronel na itóng halos ay naghíhin~galô na lamang?
IKALAWÁNG MAKABEBE:--Sinasabi n~g americanong manggagámot na kun sa m~ga súgat daw lamang uy maáari pa siyáng mabúhay, pagkâ't ang punlô'y hindî naman nakasirà n~g m~ga sangkáp na mahahalagá sa loób n~g katawán; n~guni, may kahirapan daw siyáng iligtás dahil sa lubhâng kakulan~gan n~g dugô, kayâ nawáwalâ tulóy ang pag-asa dahil sa kahinàan n~g katawán.
Inakalà kong nákaramdám mandín ang m~ga makabebe na may táo sa aking kinalalagyáng liblíb, kayâ agád akóng tumalilís at nagtatakbó n~g walâng tígil, hanggan sa isáng náyong malapit sa Baluarte; at matápus ang walâng lagót na takbó ay dumatíng akó sa Gapáng kinabukasan, n~guni't patay na halos sa pagkagútom, sa pagkasindák at sa pagkapágod.
Tumawag akó sa unang bahay na aking natagpûán at magiliw namán akóng tinanggáp n~g málaman nilá ang nangyari sa akin, na nakatákas lamang akó sa m~ga americano. Bahagyâ na akóng makapagsalitâ dalá n~g malaking panghihinà at ni ang pan~galan n~g bayani't matapang na Pusò ay di ko ná nábanggit man lamang.
Isáng matandâng babai na nag-n~gan~galang Edeng na lagìng may púgong na pañô sa úlo, paris n~g ugaling kataglayan n~g matatandâng babai sa lupàing itó, ang siyáng nan~gan~ga siwà sa aking pagkain at sa ilán pang m~ga kailan~gan; n~guni't kun minsán, akó'y nayáyamót sa matandâng itó dahil sa tuwî náng káu-usisà sa akin n~g tungkól sa m~ga balità n~g labanán; at lahát halos n~g m~ga pinunò ay itinátanóng sa akin kun saán dapat mákita. Akó namán na talagáng mayayamutin ay agad sumásagót na walâ akóng nalalaman at lalò ko pang sinásadyâ, pagkâ't kun minsan ay hinihinalà kong bakâ isáng tiktík n~g m~ga americano. Pagkatapus n~g m~ga iláng tanóng niyá sa akin, tuwî na'y nahuhulog sa pagsisiyasat n~g kun saán pumuntá ang m~ga kawal n~g balitàng si Pusò. At sinásagót ko naman n~g: "Aywán."
Sa gayó'y tumútugón ang matandâng Edeng na anyá'y:
—Parang linamon n~g lupà si Pusò; marahîl ay namatáy ná, kayà walâ náng mábalità sa kanyá, pagkâ't noóng siyá'y buháy, araw-araw ay napag-úusapan ang mahigpît niyáng panglulusob sa m~ga pulutóng n~g kaaway.
—Aywán kó pô, aywan ko—ang lagi kong sagót. At sa sarili ko'y nasasabing:
—Datihan ang tiktík na itó. Marahil ay makaligtás sa pagkálibing n~g buháy.
Isáng araw ay isinoót ko ang singsing n~g aking katoto at bahagyâ pa lamang namasdán ni matatandang Edeng ay hinawakang nan~gán~gatál ang aking kamáy, tiningnáng mabuti ang singsing at nápaiyák. Akó'y nagtaká at aking tinanóng:
—¿Bakit pô?
—¡Taksíl na táo!—ang sagot na humahagulgól—Ikáw pô palá ang pumatáy sa kulang palad kong si Pusò at n~gayó'y nagkukunwarî pa kayóng waláng namamalayan sa kanyá. Sábi ko na n~ga ba't sa mulâ pa'y kumúkutób na sa aking loób na ang táong itó'y may kinalaman kay Pusò ko.
—Ikáw pô ba'y anó ni Coronel Pusò? ¿Kayó pô ba'y ina sakali?
—Opò. Kayâ n~gâ ipinamámanhík ko sa inyóng sabihin lamang agád sa akin ang nangyari sa hirang kong bunsô.
—Totoó't kinusà ko pô ang pa-ewan sa inyo pagkâ't hinihinalà kong kayó'y isáng tiktík n~g m~ga americano; alám na ninyóng kun minsán ay m~ga babai ang ginágamit nilá sa tungkuling itó, at si Pusò'y para kong kapatid, katunayan, n~g kamí'y maghiwaláy at n~g siyá'y humándâ sa pakikilaban n~g walâ anománg pag-asàng mabúhay pa, ibinigáy sa akin ang kanyáng pinakamúmutyâng singsíng upang isaulì ko sa may ari.
—¿Siyá pô ba'y buháy pa ó patáy ná?
—Dî ko pô masabi, pagkâ't dinampót na parang patáy n~g m~ga americano; n~guni't n~g matapus ay sinasabi niláng alinsunod sa manggagámot, kun dahil daw lamang sa kanyáng m~ga súgat ay maáari pang mabúhay, palibhasà't hindî sumirà n~g m~ga bahaging maselan sa loób n~g katawán; n~guni't na sa kahangganan daw ang kanyáng panghihiná.
—¿At saán naroón n~gayón?
—Iniwan ko pô sa dákong Sibul na ináalagàan n~g m~ga americanong nakábihag sa kanyá.
—Kun gayó'y ibigáy na ninyó sa akin ang singsíng.
—Patawarin mo pô akô. Mahigpit na lubhâ ang bilin sa akin at kahit kayó ang kanyáng iná'y dî ko pô maipagkakaloób sa inyó, kundî sa túnay na may ari; at siyá ma'y kinakailan~gang sabihin muna sa akin ang pagkákakilanlán.
—¿At anó ang palátandâan?
—Sa pan~galan niyá. Hanggá n~gayón, akó'y inyóng patatawarin, hindî pa lubós ang paniwalà ko sa inyó; akó'y iyó pong náhuli sa biglâan at dahil lamang sa pagkatutóp kayâ nagsabi sa inyó n~g totoó.
—Huwag kayóng mag-isip sa akin n~g masamâ—ang sagót n~g nahahapis na matandâ. Ang pan~galang inyóng hinahanap ay ... ¡Liwaywáy!
—¡Iyán n~ga pô!
—¡LIWAYWAY! Iyán ang naging kapahamakán n~g aking kulang palad na anák.
—¡Totoó n~gà pô! At kundî dahil sa kanyá ay dî hinanap ni Pusò sa lubós na kawalâng pag-asa ang kamatayan sa parang n~g labanán. Tila pô parating siyá'y nagpápatiwakál ... Súkat na pô. Kung túnay na kayó ang iná n~g Coronel ay dî dapat siyasatin pang lahát ang lihim n~g aking kaibigan, upang huwág ka pông malunod sa kadalamhatian ... ¡Liwayway! ¡Oh, walâng awàng Liwayway!
At, nagkahalò ang aming luhà n~g kapús-palad na iná.