II.
Carlos B. Raimundo translation
Sumigaw akóng nagpagibík at aming pinagtulúngtulun~gang hinimasmasán sa pagpapaamóy n~g eter ang kaawà-awàng si Pusó, at n~g makalipas ang may kalahatîng oras ay nagsaulì sa malay-táo, n~guni't dî ko na siyá pinayagang bumanggit man lamang sa pan~galan n~g kanyáng tinatawag Dalagang Mármol.
Makalipas ang dalawáng araw at n~g tila siyá bumubuti n~g bahagyâ ay tinawag akó't anyá:
—Ang aking kunwâng paggalíng na inyóng námamasdán ay hindî tátagál at di sásalang akó'y mamámatáy rin agád.
—¿Sa kátaón pa naman—aní ko—na n~gayó'y madalî náng sumusúlong ang inyóng paggaling?
—Iyá'y akalà lamang ninyóng mag-isa, at yamang may natitirá pa akóng kaunting búhay, n~gayo'y ipatutuloy kong ipahayag sa inyó ang m~ga kapaitang linalasáp niaríng kalulwá, upang akó'y pautan~gin ninyó n~g loób na ganapín ang iláng ipagbibilin ko, sakaling mátagpûán ninyó ang Dalagang Mármol.
—¡Mármol na namán! Útang na loób, kapatíd ko, huwág na sana munang banggitín n~gayón ang pan~galang iyán pagkâ't lúlubhâ ang iyó pông karamdaman.
—Námamalî ka pô, katoto; lalò akóng bibigát at dî makakátulog sa pag-áalalang akó'y mamámatay n~g di nalalaman nì Liwayway, na ang katapusáng pagmumuni ko't buntóng hinin~gá'y sa kanyáng lahát nátutungkól.
—Ang m~ga babaing parang mármol na may pusòng matigás at malamíg na parang hielo, ay dî karapatdapat makabalino sa ating pag-iisip, lalònglalò pa sa kalagayang paris n~g înyó.
—Walâ kayóng pagtin~gín sa akin, katoto, kundî pakikinggán ang ipagbibilin ko—aní Pusò na parang walâ nang pananalig.
At n~g masabi itó'y naták ang luhà. Upang huwág n~g lalòng magdalamhati pa'y náyag na akóng siyá'y dinggín, bakit talagá rin namáng malabis ang han~gád kong maunawà ang m~ga lihim n~g dakilàng pusòng iyón n~g bayani.
—Si Liwayway—aní Pusò—ay naninirahan sa Baliwag sa bayan n~g m~ga nakawiwiling dalaga. Sa lalawigang itó'y walâ náng ibá pa na tan~gi sa pagkamagandá n~g kanyáng m~ga binibini kundî ang bayang iyón.
—Alám ko ná.
—At kun nakabibighanì ang halos lahát n~g babai sa násabing bayan, si Liwayway ko ang parang hari nilá dahil sa walâng kaparis na kagandahan. Ang kanyáng mukhà'y nagníningníng na parang araw, at upang paputîín at pamurukin ang kanyáng m~ga pisn~gí ay pinili n~g Lumikha ang mababangóng kampupot at alejandría, pinaghalò at doón kinuha ang kanyáng kúlay, kaya maputîng parang azucena na nasasapyawán n~g pamumúrok ang balát na parang búlak sa lambót. Ang buhók ay kúlay gintô at tila sadyâng kinulót n~g maselan na kamay n~g m~ga diwatà. Mainam at kahilìihilì ang húbog ng ilóng at pati m~ga tain~ga, sampu n~g dalawáng matáng nan~gun~gusap sa kapun~gayan; m~ga n~giping parang pinili, malinis at maputîng parang gáring; babang nakalulugód ang pagkahatì, at ang kanyáng makipot at mainam na bibig ay tulad sa isáng bulaklák na bagong bumubuká ó sa isáng bátis n~g matamis na biyayà pagkâ't makitid at namúmulá ang kanyáng kabighábighaning labi't n~guso at ¡ay! kung mangyayari sanang aking máhagkáng minsán, marahil ay máraragdagán pa ang búhay ko!
At sinabi itó n~g may kasamang malalim na buntóng hinin~gá.
—¿Totoó kayâ—ang tanóng ko sa kanyáng tumatawa akó upang pasiglahín—na kayó'y gágalíng sa isáng matamís na halík ni Liwayway?
—Walâng pagsala, maniwalà kayó sa akin; ngunì, ¡kaawà-awàng pusò ko! ¡walâ ná ang iyóng Liwayway at dî ko alám kun saán naroón n~gayón!
—Ihimatón man lamang ninyó sa akin at pagsisikapan ko ang siyá'y hanapin.
—Huwág na kayong mapágod, pagkâ't dî sásalang siyá'y lubhâng malayò ná, at isá pa, tiyák na magíging láson sa akin kun malaman ko pa ang kanyáng kinásapitan.
—¿At bakit?
—Iyán n~gâ ang lihim na kanino ma'y dî ko masasabi at dadalhin ko na sa húkay. Si Liwayway ay parang isáng makisig at masayáng kulasisi na nakawiwiling pakinggán pagmasayáng nagsasalitâ at dî nagbubulàan. Siyá'y balita sa lugód at inam makipag-usap; n~guni't mulà n~g akó'y kanyáng mákilala'y naparam na biglâ ang kanyáng pagkamasayá; parang ibong nalaglág sa isáng sumpít at naging larawang mármol n~g pumaták sa lupà.
—¿At ano ang naging sanhi?
—Ang lan~git lamang ang nakatatalós. Isáng araw ay dumatíng kami sa nábangít náng bayan ni Liwayway. Doó'y tinipon ko sa liwasán ang pulutóng n~g aking kawal bago kami pasalabanán sa Marilaw, at aking pinan~gusapan upang silá'y pasiglahín at ipabatid tulóy ang lahát n~g dapat gawin. Maraming táo ang nanoód at nakinig n~g aking talumpatí na walâ sa áyos at sahól sa linálamán; n~guni, marahil sa awà n~g m~ga táo sa akin dahil sa akalàng akó'y mamámatay na walâng sala sa dadayuhing labanán, ay kinalugdán din akó't ipinagdíwang kahit dî karapatdapat.
Nang akó'y manaog sa pinagtalumpatian ay námasdán ko si Liwayway sa isáng súlok.
Sinasabi sa m~ga Banal na Kasulatan, na ang angelna nákita ni Magdalena at m~ga kasama sa libin~gan ni Jesus, ay nagníningníng na parang araw. Gayón din si Liwayway, kumikináng sa kanyáng kagandahan, katimpîan at kahinhinán na parang bukáng liwaywáy n~g isáng araw na maligaya.
Sa m~ga sandalîng yaón ay gumiít sa aking puso ang isáng tan~ging damdamin na dî ko málamang sabihin at kaylán man hanggá noón ay dî ko pa napagkákabatirán. Ang kanyáng pananamit ay karaniwan, n~guni't malinis gaya n~g laging isinosoót n~g m~ga babaing bayan; at nabatíd kong siyá'y isáng ulila na kinúkupkóp lamang n~g isáng matandâng dalaga. Akó'y nagkaroón n~g magiliw na pagtin~gín sa kanyá at aking linapita't siya'y binati.
Magiliw namán siyáng sumagót, at dî nalalamang sa aking dibdib ay nagninin~gas ná ang isáng damdaming marahil ay yaón ang tinatawag ninyóng pag-ibig.
Matapus ang sandalî sa m~ga salitâan naming walâng kabuluhán ay sinabi ko sa kanyá:
—Liwayway, ¡oh, himalâng Liwayway sa kagandahan! Akó'y paroroón ná sa labanán at malapit ang dî ná ninyó akó mákita. Akó'y paris din ninyó, ulila sa lahát. Kun ang aking hinin~gá'y malagót sa párang n~g pakikihamok, ay parang isáng muntîng ilaw lamang na pinatáy n~g han~gin. Sa bagay na itó, ¿maipagkákaloób kayâ ninyó, diwatà n~g habág, ang mahalagá mo pông pañô upang akó'y may máidampî ó máitalì sa aking magiging súgat?
—Opò, ginoó—ang magiliw na sagót ni Liwayway at ibinigáy sa akin yaóng naipakamahalagáng pañô na nakapulupot sa kanyáng leeg na parang linalik.
Hinagkán ko ang maban~góng pañô at agád kong itinagò sa bulsá sa aking dibdib.
Napipi ang aking lugód at nasàng paggantíng loób sa kagandahang pusò ni Liwayway; n~gunì't kulang pa rin ang katuwàa't ikasisiyá kong loób, pagkâ't bagamán ibinigay ná sa akin ang kanyáng pañô, ay ipinalalagáy kong parang limós lamang sa kaninomang tagatanggól n~g tinubùan; datapwà't sa kabilâng dako, nahihiyâ namán akóng magparamdám agád sa kanyá sa lubós na kadalîán n~g umúunlád kong pag-ibig, at súkat ang sinabí ko sa kanyáng:
—Maraming salamat, mahabaging Liwayway; at gantihin nawa n~g Lumikhâ ang pusò mo pông gintô. Lahát n~g aking m~ga kawal ay may tagláy na kalmen ó antíng-antíng upang máligtás silá sa punlô, n~guni, ulóg lamáng ang iyó pông lingkód na walà anománg agimat, at dahil dito, kun parang limós na ibigay ninyó sa akin ang isáng buhók mo pô na labis kong pinaháhalagahán, ay ikalulugód ko at siyáng makapagbibigay sa akin n~g tápang at kahihiyán sa dî pagdúrong, pagkamí'y binabakang mahigpít n~g mayayaman at malalakás nating kaaway.
Nang máriníg itó ni Liwayway, minasdán akó, namulá n~g bahagya at dî akó sinagót agád; n~gunì n~g makalipas ang sandalî ay lumagót n~g isá sa kanyáng mainam na buhók at ibinigáy sa akin n~g malwág sa kalooban.
—Aytó pô—anyá—Láhat n~g maitutulong ko sa ating m~ga bayani, agád maáasahan sa akin.
Hinagkán ko ang buhók na aking kaaliwan at sakâ ko binalot sa pañông itinatagò sa bulsáng na sa tapát n~g dibdib.
Ibig ko pa ring magsalità at buksán ná sanang minsán ang aking pusò sa linalan~git kong dalaga; n~guni, akó, na kaylán ma'y dî nakakilala n~g tákot ay nagíng umíd, dalá n~g pan~gingilag na bakâ sabihin niyáng akó'y isáng mapan~gahás.
Sumakáy ná akó sa aking kabayo at ipinag-utos kong lumakad ná agád ang aking m~ga kawal at n~g lilisanin ka ná si Liwayway ay inyabót ko ang aking kamáy at isinalubóng anamán niyá sa akin ang kanyáng maririkít na dalirì. Di na kó nakapigil at pagdaka'y pinan~gahasan kong hinagkán ang magandá niyáng kamáy at sakâ ko sinabi n~g ako'y humihikbî:
—Paalám ná, ¡búhay ko! Kinaí-inggitán kong túnay ang mapalad na lalaking magkákamit sa nápakamahalagá at dakilà ninyóng pusó.
¿Akalá ba ninyó'y umiyák namán ang Dalagang Mármol n~g akó'y mákitang híhikbî-hikbî'y lumalakad na tún~go sa pakikilaban at sa kamatayan? ... ¡Hindî pô! Súkat ang akó'y minasdáng parang siyá'y námanghâ.
At ang gayó'y nagíng parang isáng tinik na mahayap sa aking pusòng nahahapis, pagkâ't inasahan kong siyá'y umiibig ná sa ibá. Gayón pa man, ang pagyao nami'y lubhâng kalagím-lagím at halos lahát n~g m~ga babai'y nagsi-iyák, tan~gi lamang yaóng diwatàng Dalagang Mármol.