← Table of contents
Ang Singsing nang Dalagang Marmol

III.

Carlos B. Raimundo translation

Talagáng túnay n~gâng kapuripuri si General Antonio Luna sa m~ga labanáng lantaran, palibhasà'y tagláy ang katapan~gang dî pangkaraniwan, at dahil dito'y madalás niyáng maampát ang kabilisán sa pagsalakay n~g m~ga kawal americano, na may magagalíng na kañón, baríl, maramíng kabayong malalakí at ibá pang kasangkapang pawàng kalwagan sa pakikilaban; m~ga bagay na siyáng totoóng kulang sa amin, sa lubós na kasamâáng palad.

N~guni't sa isáng dako nama'y masasabing si Emilio Aguinaldo'y talagáng dalubhasà sa m~ga kaisipán at paraán n~g pagtambáng at panunúbok sa kaaway na dî nakahandâ; at dahil sa m~ga kagagawáng itó, malakí ang kanyáng nápulô noóng labanán sa kastilà, hanggán sa naratíng niyá ang magíng Pang-ulo n~g m~ga general na naghíhimagsík.

Ang katotohana'y dî n~gâ dapat makilaban n~g mukhâán sa isáng kaaway na may sapát na lakás at nakahíhigít sa lahát n~g bagay, at walâ n~gâng dapat gawín kundî daanin sa paraáng ikabibiglâ at sa m~ga pagtambáng.

Ang m~ga americano'y nan~gakaratíng ná sa Malolos, at kinalatan nilá n~g m~ga pulutóng na tánod ang lahát n~g himpilan n~g tren sa Bulakán at pinagsisikapang máitaboy si General Luna sa kabilâng dáko n~g ilog Kalumpít.

Sa gayó'y náisip naman ni Aguinaldong dukutin ang m~ga pulutóng na nagtatanod sa m~ga himpilan n~g tren sa Bigaá, Bukawe at Mariláw; at isáng gabí ay pinalakad ang m~ga kawal na lúlusob at pati siyà'y dumaló búhat sa San Rafael, upang pamahalàan ang pagsalakay.

Ang paraán ni Aguinaldo'y pinalad. Sa lubós na pagkabiglà n~g m~ga americano dahil sa dî nilá ináasahang kapan~gahasan n~g m~ga tagalog, agád siláng nagsitakbó't nagtipon sa Guiguintô at ang iba'y sa dákong Maynilà, datapwâ't sa pag-urong ay marami ang nápatáy n~g m~ga tagalog; at sana'y mádadakíp na lahát kun nátanggáp lamang ni General Luna ang pautos ni Aguinaldo at nakadaló siyá n~g kasalsalan n~g labanán. Gayón man nakúha rin namin ang lahát-lahát na lamán n~g tatlóng Himpilang násabi.

Alám na ninyóng m~ga tagarito na akó ang lalòng ipinagdíwang sa gayóng pagtatagumpáy namin, pagkâ't kundî lamang dahil sa akó ang siyáng namayaning agád dumaluhong at nakalupig sa m~ga kaaway, kundî pagkâ't dahil din naman sa aking mabisàng pagdaló ay nagtagumpáy rin ang m~ga pulutóng na pinalúsob sa ibá't ibáng poók. N~guni't sa labanáng itó'y mulî akóng nasugatan n~g malubhâ, kayâ ginawâ akóng Coronel ni Aguinaldo at ipinadalá akó sa bayang Baliwag upang ipagamót, palibhasà'y para akóng patáy n~g damputín sa párang n~g labanán.

Nang magsimulâ akó sa paggalíng at idilat ang aking m~ga matá, akalà ko ba'y nahíhibáng akó, nan~gan~garap ó nápaakyát sa lan~git, pagkâ't námasdáng hindî ibá ang nag-áalagà sa akin kundî ang kawiliwiling dalaga na nagpaalab sa payapà kong pusò n~g isáng parang Volcáng pag-ibig.

Kusà akóng nápasigáw agád at buntóng hinin~gá kong sinabi ang:

—¡Liwayway! ¡Liwayway! ¿Ikáw n~gâ pô ba ang matamís kong Liwayway?

—Opò—sagót n~g Dalagang Marmol—n~guni't huwág kayóng magsalitâ, pagkâ't ibinabawal n~g manggagamot.

—Bayàan ná ninyó, at kahìt mamatáy man akó n~gayó'y mámatamisín ko rín, pagkâ't sa pilin~g mo pô pápanaw ang búhay kong walâng kabuluhán.

—Huwág pô—aní Liwayway—Ikáw pô'y lubhâng batà pa at gayón ma'y Coronel ná at marami n~g kapuriháng tinamó sa pagtatagumpáy. Aalagàan naming mabuti ang mahalagá ninyóng búhay na lubháng kailan~gan pa n~g ating kaawà-awàng Bayan.

—Nakawáwalâ n~g pag-asa ko, Liwaywáy, ang máriníg sa inyó na akó'y iyó pô lamang ináalagàan at ginagamót upang maipagtanggól ko ang ating tinubùan. Nais ko ang maglingkód sa kagalang-gálang nating Ináng bayan, n~guni, han~gád kong mabúhay namán upang ikaw pô, aking kayamanan ay siyáng magpalasáp sa akin n~g m~ga katamisan n~g pag-ibig.

—Maghunos dilì ka pô, ginoóng Coronel—ang sagót niyá sa aking may kalamigán n~g isáng mármol—tila yatà pan~git na ikáw pông hindî napasukò n~g malalakás na americano, n~gayó'y magiging bihag lamang n~g isáng dukhàng babai, n~gayón pa namán sa m~ga dakilàng sandalî na lubhâng kinakailan~gan n~g ating Bayan ang iyó pòng talino at lakás.

—Dî ko kailan~gan turúan mo pô akó n~g tungkól sa pag-ibig sa lupàng tinubùan; n~guni't ikáw pô at ang inyóng kataká-takáng kagandahan ay bahagi rin namán n~g Bayang iyán. Ang kátamis-tamisang pag-ibig ninyóng m~ga dalagang kababayan, ay siyáng tan~ging nápakamahalagáng gantíng palà na ináantáy naming kamtán sa likód n~g lubhàng pagsisikap sa pagtatanggól n~g ating bayan, kahit puhunanin ang aming búhay.

Hindi tumugón ang Dalagang Mármol; kumuha n~g isáng mangkók na sabáw at ipinainóm sa akin na para bagang dî niyá nápansín ang m~ga sinabi ko.

Sa gayó'y aking binalikán ang paglúhog at ani ko:

—Aking nakikita Liwayway, na walâng pakiramdám, na kúlang akóng lubós sa m~ga karapatán upang ihandóg sa inyó ang marálitâ kong pusò. Gayón man, marapatin ninyóng sagutín lamang ang aking itinátanóng upang maawasán ang aking dibdíb sa isáng pag-áalinlan~gang totoóng nápakabigát.

—¿At anó pô iyón—aní Liwayway.

—Ipagtapát mo pô lamang sa akin kun mayroón nang lalaking lalòng mapalad na siyáng nag-íin~gat sa susi n~g dakila ninyóng pusò.

—Walâ pô. Kaylán ma'y dî ko pa ginágawâ ang umibig dahil sa aking lubhâng kabatàan. At ináakalà ko na kaylán ma'y dî ko ná marárating ang umibig, palibhasà'y walàng tumataláb sa aking damdamin sa m~ga pagsintáng isinusuyò n~g m~ga binatà.

Ganyán dî pô ang akalà ko bago kayó nakilala; masanghayang bulaklák n~g luwalhating Bulakán, n~guni't n~gayóng násumpun~gán ko ang lábis na hináhanap ó kayâ'y ang isáng pusòng malinis na walâ pang iníibig, ¡ay Liwayway! tugunín mo pô akó, alang-álang sa Lumikhâ, at kun hindî ay huwág na ninyó akóng alagaan pa ni gamutín, palibhasà nais ko pa ang mamatáy kay sa mabúhay n~g walâng ináasahan.

Hindî rin sumagót ang Dalagang Mármol ni nabago ang kanyáng mukhâ: túlad na mistula sa mármol ó hielo; n~guni't marubdób ang pag-áalagà niyá sa akin, at umaga't hápon ay hináhandugán akó n~g magaganda't sariwàng bulaklák na pitás sa kanyáng marilág na halamanan.

Ganyáng talagá ang lahát n~g dalagang tagalog na nátatan~gi sa kaniláng likás na kahinhinan at samantalang mahihirap mapasogót ay lalò namáng nagliliyáb ang ating pag-ibig sa kanilá.

N~guni, ¡ay! Ang hielo'y untî-untîng natutunaw ná at ang larawang mármol, parang hiwagà'y nagkákaroón n~g búhay at kasiglahán at nagiging mairugíng kasintahan n~g dî niyá námamatyagán man lamang.

Kaylán ma'y hindî ipinagtapát sa akin na iníibig niyá akó; n~guni't isáng araw na akó'y dinalaw n~g m~ga pinunò n~g aming hukbó, silásilá'y nagpápainamán n~g pag-garà kay Liwayway, at siyá, malayòng lisanin ang gayón ay masayáng nakikipag-usap sa kanilá.

Ang ganitó'y sumúgat sa lalóng kalaliman n~g aking pusò, palibhasà kaylán ma'y dî siyá nagpamalas sa akin n~g gayóng pagkatuwà. N~guni, dî akó nagpahalatâ at gayón pa man, sa masíd ay parang ikinalilibáng ko rin ang katuwàan nila.

Nang makaalis ang m~ga panauhin, lumapit sa akin si Liwaywáy upang akó'y gamutín, n~guni sinabi ko sa kanyá n~g mabuti ang aking mukhâ at sa lubós na paggalang, na magágamót ko náng magisá ang aking m~ga súgat, pagkâ't akó'y malakás ná.

Siyá'y nagpumilit; n~guni't dî ko pinayagan.

—¿Sumukal ba ang inyóng loób sa akin?—ang tanóng niyá na aking sinagot namán n~g:

Walâ akóng kapangyarihang magalit sa inyó, Liwayway; n~guni't nakasúgat n~g malubhâ sa akin ang kasayahang isinalubong ninyó sa m~ga binatàng pinunò, pagkâ't sa akin, kaylán ma'y dî mo pô náipakita ang mahál ninyóng pagtawa.

—¡Nakú! ¿at dahil lámang diyán?

—¿Lámang ang sábi ninyó? Dapat mo póng mabatíd, Liwayway, na túnay akóng nasaktan; at saksí ko ang Diós: ibig ko pang mamatáy n~gayón din—ang náisigáw ko n~g dî na naaring ipagkunwarî pang itagò ang aking dinaramdám.

—¿At kun akó na lamang ba ang inyóng patayín, yamang akó ang tan~ging nagkasala?—ang mairog niyang tugón sa akin.

—¿At sino akong papatáy kun ganitóng walâng-walâ akóng kapangyarihan sa inyó?

—¡Ah totoó n~gâ palá! Upang magkaroón n~g kapanyarihang iyán ay tanggapin ninyó n~gayón ang marálitâng singsíng na itó: Siyá ang inyóng kagatin at sa kanyá ibuntó ang inyóng malabis na gálit—ang sinabi niyá at saká nagtawá.

Agád akóng nákaramdam n~g isáng katuwaáng hindî masáyod. Natulad akó sa isáng bin~gíng nagkaroón n~g pakiníg ó sa bulág na biglâng pinagsaulan n~g pani~gin. Hinabol ko upang hagkán ang Dalagang Mármol na karaka'y nagíng palabirô at kawiliwiling diwatà. N~guni't dî ko ná siyá inábot at walâng naiwan sa akin kundî ang kanyáng sinsíng.

Nang makalipas ang may isáng oras ay dinalhan akó ni Liwayway n~g pagkain. N~guni, walâ na sa kanyáng maalindóg na mukhâ, ni bakás man lamang n~g pagtawa kanina, at sinabi sa akin na parang galít:

—Kaylán man, huwág ninyó akóng pan~gán~gahasáng hagkán, at kun hindî, tayó'y totohanang magkákagalit. Akíng ipinan~gan~gakò sa inyó at kayó'y pináhihintulutang akó'y patayin kun márapatang umibig sa ibá. At mulà n~gayó'y manahimik ka pô.

¡Ang katuwàan ko'y dî maipagsaysáy! Madaling sumulong ang aking paggalíng, palibhasà, laging naaalalang akó'y Coronel ná at maidaragdág pang akó'y mag-aasawa sa lalóng magandáng diwatà na nanggaling sa makapangyarihang kamáy n~g kábanalbanalang Lumikhà n~g Sangkatauhan.

Datapuwa't matigás n~g kaunti ang úlo ni Liwayway. Aywan ko kun sapagká't hindî pa nararatihan sa m~ga láyaw n~g pagibig, kayâ ang nangyayari'y madalás kaming magkaroón n~g m~ga alitan; n~guni't paglalòng mahigpit ang aming pagkakáalít ay lalò rin namáng humihigpít ang m~ga buhól na nakatatali sa aming pagsisintahan; at bukód sa rito, totoóng nápakatamis at dî masayod na kaluguran ang umáapaw sa aming m~ga kalulwáng nagkakasintahan, pagkami'y kusàng nagkakahin~gian n~g tawad.

Mangyari'y sa París akó lumakí at doón ko kinámihasnáng mákita ang malayáng pagsisintahan na dî ikinúkubli at lalò pa ang ikahiya, at siyáng totoó, na ang m~ga pagsisintahan ay isáng bagay na katutubo sa babai't lalaki, kayâ dî ko mákita ang matwíd kun bakit ang gayó'y ating ikahihiyâ.

Doó'y dî n~ga ikinahihiyâ ó itinatagò ang pagmamahalan n~g dalawáng pusòng nagsisíntahan, at ang kadalasán, sa m~ga lansan~ga'y makikita ninyóng naghahalikan ang isáng laláki't isáng babai, n~g sino ma'y hindî nagtataká; pagkâ't doón, ang halik ay halos parang isáng pagkakamáy lamang n~g dalawáng magkatotong nagmamahalan. N~guni, dito sa boóng Kapilipinasan ay lubhâng nakamúmuhî ang iláng palakad sa m~ga bagay na itó, pagkâ't ibinabawal n~g m~ga magulang sa m~ga anak nilang dalaga ang pakikipag-usap n~g tungkól sa pag-ibig sa isáng laláking may nasàng lumigaw.

At mayroón pang lubhâng pan~git na ináasal ang matatandâng babai, paris n~g kun pinapagbabantáy sa gitnâ n~g isáng dalaga't bagong táong nag-uusap ang isáng batà, upang huwag siláng makapagsalitâan n~g tungkól sa pagsintá; gayóng isáng sulyáp lamang ay madalás pang nagiging makabuluhán kaysá mahabàng pagsasaysáy n~g pag-ibig. ¿At anó ang malimit mápalâ sa ganitô? Na, tinatamó n~g matatandâng babai sa kaniláng kahigpítan ang huwág n~gâng makipag-usap n~g sa pag-ibig ang anák na dalaga kun na sa haráp nilá; n~gunì, palibhasà ang m~ga bagay na itó'y hindî maáarìng sansalàin kahit anóng gawín, kayâ pumapayag tulóy ang dalaga na makipag-usap na mag-isá sa kanyáng mangliligaw n~g sa m~ga hating gabí, at sa dilím, bagay na siyang madalás ikápahamak n~g kapús-palad na babai, at sino ma'y walâng may kasalanan sa gayóng katiwalîan kundî ang m~ga malî nating ugalì sa bagay na itó.

Isáng araw na akó'y nakikipag-usap sa isáng dalaga n~g m~ga bagay na waláng kabuluhán, anó ba't napagitnâ sa amin ang isáng batàng laláki upang mápakinggán ang aming salitâan; sa gayó'y agád akóng umalîs at sinabi ko sa matandâng babaing may bahay na akó'y bábalik kun kaylán mawalâ ang m~ga ugalìng nábabagay lamang sa m~ga igurót at hindî sa m~ga táong mulát sa kabihasnán.

Ang Dalagang Mármol, kailan ma'y hindî nánalís sa m~ga halamanan n~g kanyáng kawiliwiling bayan, kayâ namán parang ibong gúbat na mailáp.

—Dapwâ't alalahanin ninyó, bayani—ang giit ko—na ang m~ga ibong gúbat ang siyáng lalòng masaráp kanin marin~gal masdán at siyáng kahanapán n~g m~ga táo dahil sa kailapán nilá; paris din namán n~g m~ga bun~gang kahoy na pag-masaráp ay mahirap kitàin, at sino man ay ayaw kumain n~g pagkaing lamás.

—Siyáng totoó—ang sagót ni Pusò—n~gunì, ang ugalì ni Liwayway at ugalì ko ay magkaibá: kami'y nagkásumáng at kun minsa'y nagkákabanggâng kusà. Gayón man, untî-untî kong nahinayod sa kalakìhan n~g aking pag-ibig. Siyá'y hindî na n~gayón yaóng Dalagang Mármol ó isáng halamang bundók na may lasang masakláp, kundî isáng bulaklák na mainam at masamyó, ó isáng kalapating púnay na maamò na ulóg sa tamís umibig.

N~guni, ¡oh sa abâ n~g aking sawîng kapalaran! Ang matandâng babaing nag-áalagà sa kanyá ay nag-isip sa akin n~g masamâ; pará bagáng mangyáyari na ang isáng lalaking nínibig n~g maálab at sa boóng pagtatapát ay makagágáwâ n~g isâng gawîng hindî marapat ó isáng kaliluhán sa kadakilàan n~g kanyá pa namáng sinásambá n~g taós sa kalooban. Inakalà marahil n~g tampalasang matandà na akó'y kabílang n~g m~ga ibáng táong kanyáng nákilala na may ugalìng magaspáng at walâng dan~gál.

At, ang ginawâ'y itinákas si Liwáyway sa isáng bayang dî ko alám upang ipakasál sa ibá. Pinagpilitan kong siyá'y hanapin, n~guni't dî ko natagpûán, at alinsunod sa nábalitàán kó'y malayò ná ang kinaróroonán at dî sasalang n~gayó'y kasál ná sa ibá, pagkâ't dî maáaring madalá n~g matandâ si Liwayway n~g dî itó kasabwát sa pagtataksíl sa kahabághabág kong pusò.

Dî rin namán akó makasunód sa kanyá sa totoóng malayò, palibhasà'y dî ko maiwan ang aking m~ga kawal dahil sa kapansanang pakikilaban araw-araw sa kaaway na dî kamí iníiwan magíng araw at gabí; at sa wakás, aytó n~gâ akó't namámatáy.

Pinulasán n~g luhàng mapaít ang bayani, at sa gayó'y kinusà kong liban~gín.

At sa ibáng sandalî, aní Pusò sa akin:

—Kun sa isáng pagkakataón at mátagpûán ninyó si Liwaywáy, ay sabihin lamang sa kanyá na kahit siya'y naglilo sa akin ay pinatátawad ko rin n~g dî nagbabago ang aking pag-ibig sa kanyá at akó'y pápanaw na binábanggit ang kanyáng matamís na pan~galan. At kun inyóng máhalatàng nakagigising ó mulîng nabubûhay sa larawang mármol ang anománg magiliw na pagtin~gin sa akin, anyayahan mo pô at siya'y tulun~gang hukayin ang aking bangkáy at hanapin ang singsing ko, upang maisaoli. Marahil kahit naging lupà ná ang aking kaabâabâng m~ga butó't lamán ay sisigáw pa rin akó at sasabíhing:

—¡Liwaywáy, matamís kong Liwaywáy! ¡Alalahanin mo ang iyóng isinumpâ sa akin, n~g ipagkaloób mo ang iyóng dî malilimot na singsíng, na, anímo'y patayin kitá kun umibig sa ibá!

Mulîng naták na namán ang masakláp na luhà n~g kahabághabág na bayani na waring ibig náng panawan n~g mahalagáng búhay, n~gunì't sa bisà n~g eter ay amin díng nahimasmasán pá.

Ang singsing na sinasabi ay gintòng linubid na wan~gis sa karaniwang gamitin n~g m~ga dalagang Bulakán. Tiyák na sinasabing natataliàn n~g m~ga diwatàng Bulakán ang pusò n~g kaniláng m~ga kasintahan, n~g sa kailán ma'y dî na maáaring siràin, sa pamamagitan n~g singsíng na iyáng linubid na sadyâ n~g tibay.

Tungkól kay Liwayway, naunawà ko sa hulí na ikinasál sa isáng americano, alinsunod sa pahayag n~g isáng táong nakakita; at n~g matapus ay nagsiyao raw silá sa isáng lalawigang malayò. N~guni, ipinaglihim ko ang bagay na itó sa kapús-palad kong kaibigan.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings