I.
Carlos B. Raimundo translation
Matapus ang kasindáksindák na labanáng nangyari sa m~ga tagalog at americano sa Kin~gwá, lalawigan n~g Bulakán, n~g iká 23 n~g Abril n~g 1899, na siyáng ikinápatáy kay Coronel Stotsenburg, sa Capitán at ibá pang m~ga kawal americano, kamíng m~ga tagalog naman ay nagsiurong sa Sibul, at sa isáng bahay-gamutan n~g aming m~ga kawal ay nátagpuán ko ang isáng matapang na pinunòng tagalog na bahagyâ náng makagaláw at makapagsalitâ dahil sa marami niyáng súgat. Malakí ang awà sa kanyá n~g lahát n~g táong nan~garoroón at siyá na lamang ang napagúusapan at lubós nápupuri dahil sa kanyáng kabihasnán sa pakikilaban at sa kapusukan sa m~ga pakikipagsagupà; at sa katotohanan kahit mamámatáy na lamang ay pilit pa niyáng napaúrong ang malalakas naming m~ga kaaway.
Nang aking matantô ang labis na paglilingkód n~g bayaning itó sa ating Bayan, ay pinagsikapan kong siyá'y alagàan, bagamán walâ akóng pananalig na siyá'y maáari pang mabúhay.
N~guni't aywan kun sa kabagsikan n~g bisà n~g tubig sa Sibul, ang pinunong itó na Pusò ang pan~galan, isang araw ay idinilat ang m~ga matá at nagsalitâ n~g ganitó:
—Sino ka man pô, maawàíng kapatid na nag-áalagà sa akin, kayó'y pinasásalamatan ko, at ipinamamanhik sa inyó na huwág mo na pông lubhâng pagsikapang akó'y agawin sa m~ga kukó n~g kamatayan, pagkâ't batíd kong dî akó mabubúhay dahil sa aking m~ga súgat, at lalòng-lalò pa dahil sa kainitan n~g lupàing itó. N~guni't nápakatamis sa akin ang mamatáy sa paglilingkód sa kapús-palad nating Bayan.
Akó na kaylán ma'y di nakababatid kun paano ang pag-iyák ay kusang tumulò ang luhà ko't niyakap ang bayaning halos ay naghihingalô at aní ko:
—Huwág ka pông man~gambá matapang na pinunò pagka't nagsísimulâ na kayó sa isáng panggaling.
—¿Man~gambá ang sinabi ninyó—ang sagót ni Pusò—Di ko nakikilala ang pan~gambá ni ang tákot n~guni, kun inyóng mababatíd giliw na kaibigan ang lihim n~g luntáy-luntáy kong pusò, marahil kayó rin ang tutúlong dalá n~g inyóng pagkahabág, upang madalîín ang pagkamatáy ko.
At n~g masábi ang ganitó'y itinuro ang kanyáng singsing sa daliri at bago nagpatuloy:
—Kaibiga't kapatid; ipinamámanhik ko sa inyóng mangyaring pag-in~gatan ang singsing na itó pagkamatáy ko, n~g di maalís sa aking bangkáy at málibing na kasama ko. ¡Ay katoto! Kun inyóng málalaman ang pinanggalin~gan n~g singsíng na itó....
Hindi itinulóy n~g pinunò ang pagsasalitâ pagkâ't di napigilan ang kanyáng luhà sa pagkáalala n~g m~ga kapaitang kanyáng linálasáp. Inalagatâ kong siyá'y kusàng liban~gin at pasiglahin ang loób bago nagkunwa akóng tumatawa:
—¡Ha, ha, ha! Tila ba dî kayó—aní ko—sanáy sa m~ga pakikitunggali, palibhasà lubhâ na kayóng nalulunos dahil lamang sa isáng babai. Aking ipinaáalala sa inyó, mahál na pinunô, na sa gitnà n~g malakíng sakunâ n~g ating bayan ay di dapat isagunitâ ang bagay na kasalawahang loób n~g m~ga babai kahit silá'y sakdál n~g gándá.
—Mapalad ka pò, katoto, na sa masíd ay di pa naka lalasáp n~g libong kapaitan at m~ga lasong natatagò sa pusò n~g isáng babai.
—¡Oh, ginoó! Sa kanilá'y mayroóng masamá at may mabuti rin namán. At ang tuntunin ko'y náuuwî sa: Madaling pag-ilag sa m~ga may tagláy na kapintasan at manatili akó sa m~ga mairugin at dî salawahan.
—¿Anó ang sabi ninyó? Sa lagay, mayroón kayâng isáng babai man lamang na dî balibát ang ulo at dî salawahan?
—Mayroón pô at dî ang lahát ay pawàng kirí ó manglilipad....
—¿Túnay kayà? Kun sa ganáng akin, lagì na akóng nagíng kapús-palad sa dî pagkakatagpô n~g isáng babaing may ganáp na pagkukurò at íibig n~g tapát sa akin.
¿Alam mo pô ba kun bakit ang singsíng na itó'y lubhâ kong mimámahál?
—Huwág na ninyóng ipabatíd pagkâ't iyá'y isusukal lamang n~g iyó pông kalooban.
—Mabuti n~gâ, katoto, na umagos ang aking luhà at sa gayó'y maawasán n~g bigá't yaríng dibdib. Makiníg ka pô at isisiwalat ko sa inyó ang lihim n~g aking pusò.
Sa kaunti kong kabatirán tungkól sa pagkasalawahan n~g m~ga babai, lalò ang magagandáng maraming nan~gin~gibig, ay dî ko pinaháhalagaháng gasino mulâ pa sa aking pagkabatà ang ganyáng ásal; at ang palakad kong itó'y nagíng makabuluhán sa akin, palibhasà, kun lumalayô ang isáng lalaki ay silá an~g nagsisilapit, at kun ang lalaki'y nagpapakita n~g katamlayang loób at napagiin~gatang katabayin ang pag-iisip sa m~ga dahilanin n~g pagibig, ay madalîng makatagpô; n~gunì, kung ang lalaki'y maging mairugín ay agád kang hihiluhin n~g m~ga babai at pahihirapang lábis n~g walà muntî mang awà.
—Gayón, palá't batíd mo pô ang lahát n~g iyán, ¿bakit kayó napasilò?
—Akin nan~gâng sinabi, katoto, na kaylán ma'y di akó umibig sa kanilá; n~guní dalá yatà n~g aking malungkót na kapalaran, isáng araw ay nápaparito akó sa lalawigang itó n~g KABULAKLAKÁN ó Bulakán—sa m~ga kastilàng dî mátumpák bumigkás n~g máayos—at sa isáng maligayang halamanan ay nakita ko si Liwayway na sa kagandahan ay higít n~g malakí sa balitàng Helena, na dahil sa pagkatakas sa kanyá sa Paris ay siyáng pinanggalin~gan n~g kasíndák-sindák na patayan n~g m~ga panahón n~g kabayanihan.
Ang binibining itó'y túnay na tila isáng Dalagang Mármol, dî lamang sa pagkakahawig sa larawan ni Venus na aking nákita sa Museo n~g Louvre sa París, kundî pagkâ't tila dî nakaráramdam kun minsan.
—Sinabi ko ná sa inyó, na ang kagandahan nilá ay siyáng nakapagbibigáy n~g kayaban~gan at kakirihán. Masisirà, sa wakás, ang inyóng isip pag-isasaloób ang libolibo niláng pang-aaglahi.
—N~guni, ¿dî ba dayà ikararagdág pa sa halagá n~g kaniláng m~ga kagandahang lantád, kun silá'y umibig n~g matibay at huwág parang isáng babaing nápalungî, na sa kanyáng malabis na karálitâán ay napipilit itakal ang m~ga pinaghunusan n~g kanyáng kahihiyán sa bala nang mákaibig?
—Sana n~gâ pô; n~guni't ang babai'y talagáng siyáng demonio na ating kaaway, at úpang huwág nating mákilala ang kaniláng kasukabán ay ipinamámasid sa atin ang dati niláng mukhâ noóng silá'y isáng angél pa, at sakà nagsosoót n~g barò't sáya.
Si Pusò'y nán~gitî n~g márinig ang masayá kong birò at bago nagsalitâ:
—Hindî, katoto; si Liwayway ko'y dî mangyayaring magíng isáng demoniong may baró't sáya, kundî isáng diwatàng nagliliwanag sa kanyang dikit at kahinhinan, Gayón man, ¡oh, pusò! gaánon~g hapdî n~g súgat na sa iyó'y ipinagkaloób n~g malupít na diwatàng iyan!...
Hindî náituloy ang pagsasalitâ, umiyák at halos nagsimulâ sa paghihin~galô.