← Table of contents
Isa Pang Bayani

Ilang salita muna...

Reading edition

Mga Manggagawa:

Sa paglalathala ko ng̃ aklat na itó ay wala akong nasang iba, liban na sa mailantad sa harap ng̃ madla ang isang karaniwang sakit na siyang pumapatay na madalas sa masisiglang kilusan ng̃ mg̃a anak-pawis sa Pilipinas; sakit na hangga't nagtatagal at lumalaon ay lumilikha ng̃ libolibong kasawian sa buhay at sa kapalaran ng̃ mg̃a manggawang pilipino; at sakit na kung di aagapan ng̃ lunas ng̃ mg̃a may tungkulin ay siyang pagbubuhatan ng̃ lubos at ganap na pagkapariwara ng̃ lalong magaganda at dakilang kilusán ng̃ mg̃a kawal ng̃ bisig.

Hindi ko nasa ang maglahad ng̃ anomang tuntunin ukol sa bagay na ito sapagka't hindi pa ako karapatdapat sa gayon; subali't, nais kong kahi't bahagya ay makatulong sa paghanap ng̃ sakit na pinagbubuhatan ng̃ untiunting pagkamatáy ng̃ masisigla at mahahalagang kilusan ng̃ ating mg̃a manggagawa, upang pagkatapos ay mailantad sa haráp ng madla, na walang anomang takip at hubad na hubad.

¡Nariyan ng̃a ang sakit! At ang mg̃a nagtataguyod sa buhay at kapalaran ng̃ mg̃a anak-pawis sa Pilipinas ay siyang unaunang nararapat na humanap ng̃ lunas upang sa lalong madaling panahon ay magamot ang sakit na nasabi.

Ipinagtatapat ko rin naman, na, sa pagsulat ko ng̃ kasaysayang ito ay hindi ko nasang sugatan ang damdamin ng̃ sino at alin mang tao ó Kapisanang Manggagawa; at ang nagudyók sa akin sa ganitó ay ang sa mula't mula pa'y magandang nais na makita sa lalong madali ang pagliwayway ng̃ ganap na Katubusan ng̃ mg̃a mangagawang pilipino, maging anoman ang kahalaga ng̃ Katubusang ito.

Sa wakás ay malugod at buong puso kong inihahandog ang Munting Kasaysayang ito, sa lahat at bawa't isa ng̃ mg̃a manggagawang pilipino at gayon din sa mg̃a matatalinong makamanggagawa na nagtataguyod sa buhay at kapalaran ng̃ mg̃a anák-pawis dito sa atin.

Kun sa palagay ninyo, mg̃a manggagawang pilipino na makababasa sa Kasaysayang kalakip nito, ang kanyang mg̃a nilalama'y walang kahaláhalagá sa harap ng̃ mg̃a suliraning manggagawa sa Pilipinas ay ipalalagay ko rin, na ako'y walang sinulat na anoman, at ang Kasaysayang ito ay ituring ninyo na isang panaginip ng̃ sumulat ó isang pang̃arap lamang ng̃ diwa kong umaasa sa Tagumpay ng̃ Paggawa sa ibabaw ng̃ Puhunan....

Juan L. Arsciwals.

Tundo, Maynila, S. P.

Sept. 8, 1915.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings