II
Reading edition
At, ang malaki at maaliwalas na dulaang Rizal, sa kapahintulutan ng̃ mg̃a may-ari, ay kaunti nang mapuno sa dami ng̃ tao.
Halos dalawa sa ikatlong bahagi ng̃ mg̃a butaka ay may mg̃a tao; bukod pa ang mg̃a nagtayo sa paligidligid ng̃ palko at "entrada general."
Sa harap ng̃ lahat, at sa ibabaw ng̃ "escenario," ay nang̃akaupo sa palibid ng̃ isang lamesa ang Lupong sinugo, at ang ilán pa rin sa mg̃a bumubuo ng̃ lupong pamunuan ng̃ Kapisanang Manggagawa sa loob ng̃ pagawaan.
Samantalang ang mg̃a na sa itaas ng̃ "escenario," ay nang̃aguúsap pa muna bago pasimulan ang pulong, ang mg̃a nang̃asasaibaba nama'y walang tigil sa mg̃a pagsasalitaan, pagsasalitaang nauukol na lahat sa mangyayaring labanan ng̃ mg̃a manggagawa at mamumuhunan.
Ang aling̃awng̃aw ng̃ salitaan ay gayon na lamang, at halos ang iba'y hindi na magkarinigan.
—¡Ituloy ang aklasan!—ang walang ano-ano ay narinig na isinigaw ng̃ isá.
—¡¡Ituloy!!...—ang tugóng pasigaw din ng̃ karamihan.
—At lalo nang hindi magkamayaw sa ing̃ay ang lahat.
Isang tinig, ang mula sa ibabaw ng̃ "escenario," ay narinig.
At ang tinig na ito'y siyang pumutol sa masiglang paguúsap ng̃ lahat.
At ang lahat ay napatahimik, at ang mg̃a paning̃in ay tung̃ong lahat sa magsasalita.
Si Gervasio ay siyang nakatayo sa harap ng̃ madla. Sa lahat ay ipinabatid, na ang pulong ay bukás na.
At pagkuwan ay sunod na isinalaysay ang mg̃a pinangyarihan at kinahangganan ng̃ paguúsap ng̃ Lupon at ng̃ mg̃a mamumuhunan.
Ipinakilala at isinakabatiran ng̃ lahat, na ang pagbababa ng̃ úpa ay ipagpapatuloy din, at ang anomang matwid na iniúlat ng̃ Lupon ay ayaw dinggin ng̃ mg̃a namamahala sa pagawaan at bagkus na nagpakatigástigás sa kanilang nasa.
—Ang mg̃a mamumuhunan—ang patuloy pa ng̃ nagsasalita—ay nagsabi pa, na kung sino raw ang ayaw tumanggap ng̃ mababang úpa ay maaaring huwag pumasok. Kayó—anyá—ang masusunod ng̃ayon: ang ibig tumanggap ay makapapasok at ang ayaw nama'y huwag. Sa harap ng̃ ganitong pagmamatwid, kayo, mg̃a kasamang anák-pawis, ang siyang magpasya; sabihin ninyo ng̃ayon dito kung ano ang minamarapat ninyong gawin.
At pagkatapos na mapahiran ang mukhang pawisán ng̃ nagsasalita ay ipinatuloy:
—Mg̃a kapatid: ¿ibig bagá ninyong tanggapin ang pagbababa ng̃ úpa?
—¡¡Ayaw kami!!—ang sigawang napakalakás ng̃ lahat.
—Kung gayon—anang pang̃ulo pa rin—¿ano ang ibig ninyong gawin?
—¡Magsiaklás!...
Itó ang sagutan ng̃ lahat.
At ang aling̃awng̃aw ay lumaganap na naman.
Untiunting nagkakaing̃ay; at hanggang sa pagkailang sandali ay hindi na halos magkamayaw.
Sa haráp ng̃ gayong mainit na kilusán, si Mauro, ang bagama't bata sa tanang mg̃a kasama sa paggawa ay kina-aalang-alang̃anan ng̃ marami sanhi sa taglay na marang̃al na ugali at iniiwing kaunting talino, sa harap ng̃a ng̃ gayong pagkakagulo, ay boong siglang tumayo at sa madla'y sinabi:
—Mga kapatid; kayo'y pumayapa.
At ang lahat ay natahimik. Narinig nila, na ang nagsasalita ay si Mauro; si Maurong tuwituwina'y kanilang iginagalang.
Ang pagkakagulo ay nahusay at ang lahat ay humandang makinig.
At si Mauro, sa harap ng̃ gayong katahimikan ay nagsalita:
—Mg̃a kamanggagawa:—anya sa buháy na tinig.—Sa haráp ng̃ napakalaking suliranin na sa ng̃ayon ay ating kinasusuung̃an ay kinakailang̃an natin ang isang lalong malinaw na pagiisip upang ang bigát ng̃ suliraning ito ay mapagpasyahan natin ng̃ boong liwanag at huwag tayong malihis sa landas ng̃ matwid. Kinakailang̃an natin ng̃ayon, at higit kailan man, ang isang malamig na kalooban, upang ang kalamigang ito ay siyang maghatid sa atin sa wasto at makatwirang pagkilos at pagpapasyá. Kailan man, ang kapusukan at init ng̃ loob, sa anomang bagay na gagawin, ay malimit humantong sa pagsisisi; pagsisising sa lahat nang sandali ay dapat nating ilagang sumapit, lubha na sa mg̃a bagay na dakila't mahalaga, na gaya na ng̃a ng̃ hinaharap natin ng̃ayon, na pagtatanggol sa matwid at karapatan nating mg̃a manggagawa. Matwid at karapatan nating mg̃a manggagawa, ang wika ko, sapagka't ang matwid at karapatang ito, ang sa pagbababang iyan ng̃ úpa sa paggawa ay siyang niwawalang kabuluhan at ibig yurakan. Karapatan natin sa haráp ng̃ sino man, na ang pagpapagod at pawis na pinupuhunan natin ay tumbasán ng̃ sapát na kaupahán; at ang karapatang itó, kailan ma't ibig na bawasan, ay matwid naman natin ang tumutol hanggang maaari at ipagtanggol hangga't maaabót ng̃ kaya ... sukdang ikamatay.
Naputol sumandali ang pagsasalita ni Mauro, sanhi sa maugong na palakpakang isinunód ng̃ madlang nakikinig sa huli niyang mg̃a pang̃ung̃usap.
Pagkatapos ng̃ palakpakan, si Mauro ay nagpatuloy:
—Sa mg̃a nangyayari sa atin ng̃ayon ay maliwanag na nakikita natin, na ang karapatan at matwid nating ito ay ayaw kilalanin. Sa pamamagitan ng̃ ipinang̃ang̃ahás nilang lakás, ang alin mang daing natin ay ayaw na dinggin. Nagbibing̃ibing̃ihan sila at sa kahinaan natin ay malalakas at maugong na halakhakan ang itinutumbas. Sa haráp ng̃a ng̃ ganitong mg̃a pangyayari ¿ay ano ang kailang̃an nating gawin? ¡Ah, mg̃a kapatid! Kinakailang̃an natin ang lakas ... at upang ang lakas na ito'y tamuhin natin ay kailang̃ang lubha ang pagiisá, pagka't tang̃ing naririto ang ganáp na tagumpay. Sa ganito ng̃a ¿ay ano ang ibig ninyong gawin?
—¡¡Masiaklás...!! ¡¡Magsiaklas!!—ang sigawan ng̃ lahat.
—Kayó ang masusunod—ang patuloy pa ni Mauro—Ibig ninyong sa pagpapakilala ng̃ ating matwid ay gamitin ang aklasán, ¡gamitin ng̃a natin! datapwa't ipahintulot muna ninyong, ako, na kapatid ninyo at kaisang-palad ay magpaalaala ng̃ isang bagay. Ang aklasan, para sa mg̃a anák-pawis na gaya natin, para sa mg̃a nabubuhay sa lanrang̃an ng̃ paggawa sa Pilipinas, ay gaya rin naman ng̃ sa mg̃a manggagawa sa Pransia, sa Amérika sa Espanya at sa iba pa mang lupain, na ginagamit na sandata laban sa paghahari ng̃ lupit ng̃ Puhunan sa ibabaw ng̃ matwid at karapatan ng̃ mg̃a manggagawa. Ang aklasan, ay ginagamit kung ang makatwirang daing at kahiling̃an ng̃ mg̃a anák-pawis ay ayaw na dinggin ng̃ Puhunan; at sa mg̃a nangyayaring ito sa atin ay maliwanag na namamalas na tayo'y ayaw pakinggan sa makatwirang pagtutol. Upang kilalanin ng̃ Puhunan ang ating matwid, kayo rin ang nagsusumigaw ng̃ayon, na gamitin natin ang aklasan; kung gayon, ¡tayo'y magsiaklás...! Subali't sa paglalabanang kasusuung̃an natin ay kinakailang̃an, na ng̃ayon pa man ay humanda na tayo sa pagtitiis ng̃ hirap. Ilaan natin ang katawan sa mg̃a sakit na karaniwang dinaranas sa alin mang pagbabaka bago sumapit ang tagumpay, at hindi lamang ang mg̃a sarili natin ang ilaan sa pagbabaka at pagtitiis, kundi pati rin naman ng̃ sa ating mg̃a asawa't anák, magulang at kapatid, na pawang magsisipagtiis ng̃ gutom, kung sakali't kakailang̃anin ang mahahabang araw sa pagbubungguan ng̃ dalawang lakás. ¡Pagtitiis at pagtitiis...! Ito ang kailang̃an natin upang maitaguyod ng̃ boong dang̃al ang aklasang gagawin ... At, kung kayo, mg̃a magigiting na anák-pawis ay hindi nahahanda sa gayon, makalilibo pang mabuti na tayong lahat ng̃ayon ay mamayapa na at sumailalim ng̃ bawa't maibigan ng̃ mg̃a mamumuhunan.
—¡¡Magtiis tayong lahat!!—ang sigaw ng̃ lalong marami.
—Salamat, mg̃a kapatid:—ang patuloy pa ni Mauro—Kung gayon mula sa araw na ito, buhat sa mg̃a sandaling ito, ang sandata nating mg̃a manggagawa na dili iba't ang aklasan, ay gagamitin, upang huwag na muling isalong kundi kung tamuhin na ang ganap na tagumpay. ¡Magpakatatag tayong lahat! At huwag nawang samakanino man sa atin ang pagtataksil. Ang sariling kapakanan at kagaling̃an ng̃ bawa't isa sa atin ay kailang̃ang isailalim sa kapakanan at kagaling̃an ng̃ marami upang ang kabusabusan ay mawala at lumiwayway sa Silang̃anan ng̃ bayang manggagawa ang mabiyayang araw ng̃ Katubusan. Mg̃a kamanggagawa: Isigaw nating: ¡Mabuhay ang aklasan!
—¡¡Mabuhay!! ¡¡¡Mabuhay!!!—ang sigawan ng̃ lahat.
—Sino man ay walang magtataksil.
—¡Wala ni sino man!
At ang aklasan mula noon ay napagtibay.
Ang Lupong sinugo sa pakikipagusap sa mg̃a mamumuhunan ay siya na ring pinagkaisahang maging palaging Lupon sa aklasan.
Masisiglang gayon na lamang ang lahat na noon ay naghiwahiwalay, na taglay sa puso ng̃ bawa't isá, ang malaking pananalig sa kadakilaan ng̃ kanilang ipakikipaglaban.
Sa kapahintulutan ng̃ may-ari ng̃ dulaang Rizal, ito ay siyang pinagkayarian ding maging "Cuartel General" ng̃ mg̃a nagsiaklas.
Ang Lupon sa aklasan, noon din ay napatung̃o sa Kawanihan ng̃ Paggawa, upang ipagbigay alam ang mg̃a nangyari.
Pagkatapos ng̃ ilang pagtatanóng na ginawa ng̃ matalinong Tagapamahala, ukol sa pinagbuhatan ng̃ aklasang ipinasya ng̃ lahat, ang Kawanihan ay nang̃akong gagawin niya ang lahat nang magagawa upang sa lalong madali ay malutas ang salitaan sa ikasisiyang loob ng̃ bawa't panig.