← Table of contents
Isa Pang Bayani

IV

Reading edition

Tatlong araw ang lumipas buhat sa huling mg̃a pangyayari.

Ang aklasan ay patuloy, at ang pagawaan ay hindi pa rin pinapasukan ng̃ sino mang manggagawang tabakero.

Ang matalinong pagsisikap ng̃ Kawanihan ng̃ Paggawa sa ipagkakasundo ng̃ dalawang pangkat na naglalaban ay walang napala; nabigo ang lahat ng̃ pag-asa ng̃ Tagapamahala ng̃ "Bureau del Trabajo" sa ikahuhusay ng̃ sigalot sanhi sa pagmamatigas ng̃ mg̃a mamumuhunan sa Pagawaang pinagaklasan.

Makaitlong nagpabalikbalik sa Pagawaan ang Tagapamahala sa Kawanihang nasabi, subali't yaon at yaon din ang sagót ng̃ mg̃a mamumuhunan. Hindi na nila mababago ang ipinasyá ... Ganito ang laging panagót.

Noon, ay umaga rin, at ang Lupon ng̃ mg̃a manggagawa ay nakipagkitang muli sa Tagapamahala ng̃ Kawanihan ng̃ Paggawa, upang alamin dito ang tayo ng̃ salitaan; datapwa't walang natamong tugon dito kundi ang salitaang nabibitin ay patuloy sa dating lagay. Hindi nagbabago at lalong nagpapakatigás ang mg̃a kalaban.

Tiyaga at pagtitiis, ang tang̃ing inihahatol ng̃ Kawanihan sa mg̃a nagsiaklas, yayamang liban dito ay wala nang magagawang iba.

—Inaasahan ko—ang patuloy pa ng̃a ng̃ nasabing Tagapamahala—na sa huli ay mahuhusay din ang lahat nang sigalot sa ikasisiyang loob ng̃ dalawang panig. Sapagka't alamin ninyong kung malaki man ang nawawala sa inyo ay lalo namang malaki ang napipinsala at nawawala sa mg̃a mamumuhunan; kaya't ito ay hindi rin naman makikipagtagalan sa paglalaban. At huwag lamang na sawíng palad na pasukan ng̃ mg̃a kamanggagawa ninyo ang pagawaang iyan ay inaasahan ko at maaasahan din naman ninyo na kayo'y magtatagumpáy, kung di man sa lahat ng̃ inyong mg̃a kahiling̃an ay sa marami niyang mg̃a bahagi.

At ang Lupong manggagawa ay bumalik noón din sa pinagtitipunan ng̃ mg̃a nagsiaklás.

Sinabi sa mg̃a kasama nila ang pinangyarihan ng̃ kanilang huling lakad na yaon, at gayon din, isinakabatiran ng̃ madla ang tayo ng̃ kanilang salitaan at gayon ang hatol naman ng̃ Tagapamahala ng Kawanihan.

Malalalim na buntonghining̃ang makadurog puso ang sa dibdib ng̃ mg̃a kaawaawang manggagawang yaon ay pumulas; mg̃a buntonghining̃ang nagpapakilala ng̃ tinitiis nilang hirap sa iilang araw pa lamang na itinatagal ng̃ aklasan.

¡Gaano pa kaya, kung ang aklasan ay magtagal ng̃ isang buwan man lamang!

At si Mauro, sa haráp ng̃ gayong namamalas ay lihim na nagtitiis.

—¡Umasa tayo at maghintay!—ang ipinanglulunas na lamang niyang hatol sa lahat.

—Oó; umasa tayo at maghintay ...—ang ikinasisiyang tugón naman ng̃ marami.

Subali't ... ¡bigong pagasa! at ¡sayang na paghihintay!

Sapagka't sa kinahapunan noón, si Pablo ay boong tápang na pumasok sa maluwang na pinto ng̃ Pagawaan, na kasama ng̃ may labing isá pa, buhat sa ibang ginagawan.

¡Labing-isang manggagawa sila na nahikayat ng̃ makamandag na dila ni Pablo!

¡Labing-isang bibig na may kinakain na ang umagaw pa sa dapat kanin ng̃ ibá!

¡Oh! Ang mg̃a gahamang ito ay siyang dapat managót sa napakaraming aklasang natalo sa Pilipinas, at sa libolibong bibig na walang makain ng̃ mg̃a asawa't anák ng̃ nagsisiaklás.

¡Lubha ng̃ang kanaisnais na ang mg̃a ito'y mawala at malipol agad!

Simula ng̃a sa hapong yaon, ang Pagawaan ay untiunti nang nagkakaroon ng̃ buhay, at wala pang isang linggo, ang datihang linggal at manakánakang pukpukan at tawanan ay naririnig.

At samantala'y ...

¡Ang mg̃a kahabaghabag na nagsiaklás ay lalong nagsisipagtiis!

Sa mg̃a mukha nila ay nababakás ang isang malaking poót, nabábadha sa pawisang noó ng̃ bawa't isá, ang pagkasuklam sa mg̃a gahaman at taksil na yaon na siyang sumira sa magiting na kilusan nilang mg̃a nagsiaklás.

Di miminsan, at sa init ng̃ nagpupuyos nilang loob, ay balakin ng̃ ilan ang maghiganti; parusahan ang isa ó ilan man sa mg̃a taksil na yaón.

Datapwa't ang lahat nang itó, ang lahat nang balak at naiisip gawin, ay napipigilan, sanhi sa mg̃a pang̃ung̃usap at hatol na ibinibigay ni Mauro.

Sa pamamagitan ng̃ maaayos at maliliwanag na pagmamatwid ay nakukuhang payapain ni Mauro ang mapupusok na kalooban ng̃ kanyang mg̃a kasama sa haráp ng̃ namamalas na nalalapit na pagkabigo ng̃ aklasan.

—Huwag—anya—huwag. Huwag nating isipin ng̃ayon ang pagpapadának ng̃ kahi't iisang patak na dugo ng̃ ating mg̃a kapatid din; hindi natin kailang̃an, at kailang̃an man natin ang gayon, ay hindi natin magagawa nang may kapakinabang̃an tayong tatamuhin. ¡Para sa mg̃a manggagawang pilipino, ang araw na iyan ay hindi pa dumarating; hindi pa ng̃a, at lubhang napakalayo pa! Kung magkaminsan ng̃a ay kinakailang̃an din ang pagpapadanak ng̃ dugo upang maipakilala sa mg̃a taksil, ang kasamaang ibinubung̃a ng̃ kanilang mg̃a gawain at ang kahiduwaang pumapatay sa magagandang simulain, sa pamamagitan ng̃ kanilang mg̃a inaasal; datapwa't ang gayon ay ginagawa at nagagawa lamang sang-ayon sa mg̃a pagkakataon, at sang-ayon sa uri at hugis ng̃ sosyalismong umiiral at nalalaman ó kinikilala at pinamamantung̃anan ng̃ mg̃a manggagawang gagamit ng̃ gayong sandata ... Kayo na ang magsabi. ¿Ano ang kapakinabang̃ang mahihintay natin pagkatapos ng̃ pagpapadanak ng̃ dugo? Wala, kundi maghari ang lakás ng̃ mg̃a batás sa ibabaw ng̃ sawing-palad na tumupad sa atas ng̃ isang dakilang mithi ... at pagkatapos, ay maging dahil pa ng̃ mg̃a pagpula sa gumawa; maging sadlakan ng̃ paguyám at tagurian pa ng̃ mamamatay, unang-una na noong mg̃a makikinabang sa huli sa mabuting bung̃a ng̃ gayong pagpatáy. Makikita rin natin, na ang magiting na ito, ay bukod sa di na kahahabagan man lamang sa kinasapitang palad ay aalimurahin pa; itatakwil at pawawalang kabuluhan sa haráp man ng̃ marami. Kaya ng̃a mg̃a kapatid; ¡saka ná! ¡Saka ná, kung makilala ng̃ mg̃a manggagawang pilipino ang tunay niyang karapatan!

Ang ganitong pang̃ang̃atwiran ni Mauro ay siya lamang ikinapayapa at ikinalamig ng puso ng̃ mg̃a kasama.

At ... ang lahat ay naghiwahiwalay ...

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings