← Table of contents
Esperanza

VIII TAGPO

Reading edition

Sila rin at si Mateo

D. Mat.

(Mula sa pintuan) ¿Se puede?

D. Luis.

¡Patuloy po kayó!... Ginoong Notario.

Art.

(Ap) ¿Ano ang ibig sabihin nito?

D. Mat.

Naparito po akó upang ipagbigay alam sa inyó ang huling habilin at pasya ng̃ isang amain ng̃ inyong asawa. (Kay Artemio)

Art.

(Pataka) Ng̃ aking pong asawa? (Ang lahat ng̃ mg̃a panauhin ay mapataka. Lalo na si Esperanza.)

D. Mat.

Oo, po. Isang amain nila (Ituturo si Esperanza) na siyang lalong mayaman sa Misamis na nagng̃ang̃alang Pedro Abelario, na kamamatay pa lamang sa Bayang ito ay inihalal niyang tunay na magmamana sa lahat ng̃ kaniyang pag-aari.

Art.

(Kulang pa din ng̃ paniwala) ¿Tunay ng̃a po ba?

D. Mat.

Tunay po. At sa katotohanan, ay, naririto po ang testamento, at sampu ng̃ lahat ng̃ kayamanan.

(Bubuksan ang kanyang tang̃ang Kartera, at ibibigay ang testamento, mg̃a dokumento at mg̃a salapi.)

Art.

(Boong galak) ¡Esperanza, Mama, Papa.. Mg̃a kaibigan ko.

Lahat.

(Pataka) ¿Ano ang nangyayari?

Art.

(Matuwa). Si Esperanza ay heredera ng̃ lahat ng̃ mg̃a kayamanan ng̃ isang amain niya na kamamatay lamang.

Lahat.

¿Tunay?

Art.

Tunay. At talos ninyo kung magkano? Limang pung libo....

Lahat.

¿Tunay ng̃a ba?

Art.

Oo, at naito, inyong malasin!.... (Ipakikita ang testamento.)

Lahat.

Mayaman pala si Esperanza!....

Esp.

Ganiyan ng̃a ang patunay, mg̃a ginoo ng̃ Notario, ng̃uni't huwag ninyong ipalagay na ang gayon ay magpapabago sa aking paguugali. Ang yaman sa biglaang sabi, ay hindi ko kailang̃an, kundi, ang kapatawaran lamang ng̃ mg̃a nagagalit sa akin. Nasa ko po ang mahirap!

Lahat.

¡Mabuting puso!...

Esp.

(Kay Artemio) Artemio, ang kayamanan kong nagbuhat sa aking mamang kamamatay pa lamang, ay ipinagpapaubaya ko as iyo ... Nais ko lamang sanang ang dalawang hati, ay ipagpagawa ng̃ isang paaralan para sa mg̃a anak ng̃ mahíhirap; at, isang bahay ampunan para sa mg̃a laging sinasahol ng̃ palad; para sa mg̃a anak ng̃ kahirapan..... ¿Tinutulutan mo ba ang gayon?

Art.

(Magalak) ¡Nang boong puso!... (Sa lahat ng̃ kanyang panauhin) ¡Mg̃a kaibigan!... ¡Papá, Mamá!... Tumubo rin ang aking inihasik na mg̃a pang̃aral!... (Tatabanan sa isang bisig si Esperanza). ¡Naito!... ¡Naito ang ninasa kong tubusin: (Boong puso). ¡Kahapon, siya'y makasalanan, at ng̃ayon ay tunay ng̃ malinis. ¿Siya ang aking Esperanza; ang pag-asa kong naging katunayan!... ¡Dapat matanto ng̃ lahat na hindi ang bawa't nalublob sa burak ng̃ kasamaan, ay hindi na bubuti! ¡Naito si Esperanza na siyang tunay na saksi!... Larawang tunay ng̃ mg̃a nagbabagong buhay!...

(Lahat ng̃ mg̃a panauhin, ay mapapamaang: Ang manggagawa ni D. Luis, ay yayakapin ang dalawa ni Artemio at Esperanza samantalang, ang mg̃a kaibigan naman nito ay magagalak na tatabanan si Artemio sa kamay. Ang TABING sa gayon ay unti-unting malalaglag.)

(KATAPUSAN).

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings