VI TAGPO
Reading edition
Sila din at si Artemio
Esp.
(Sasalubung̃in). ¡Salamat, dumating ka! Kang̃ina ka pa hinihintay ng̃ mg̃a kaibigan mo ...
Raf.
(Yayakapin) ¡Mahal na kaibigan!...
Art.
(Yayakapin din). ¡Kaibigang Rafael!...
Sal.
Kaibigang Artemio ... (Anyong yayakapin).
Art.
(Pataka). ¡Aba, naririto pala kayo!... (Ap). ¿Ano kaya ang sanhi?
Del.
Ipagtataka mo ng̃a marahil, ng̃uni't kapag natanto mo ang sanhi ng̃ gayon, ay hindi malayong iyong ikatutuwa.
Sal.
Tunay, ang sinabi ni Delfin. Naparito kami upang ibalita sa iyo, na kumalat ang balitang ikaw ay may sakit na malubha.
Art.
(Pang̃iti). Malubha ang aking sakit? ¿Nabalita ang gayon? Saan?
Del.
Sa lahat ng̃ mg̃a pahayagan dito.
Art.
Sa mg̃a pahayagan? (Kulang ng̃ paniwala.) Huwag sana ninyo akong biruin ng̃ ganyan....
Sal.
Hindi biro, kaibigan....
Art.
Sa makatwid pala ay tu ...
Del.
Oo, tunay, maniwala ka sa aming ibinalita sa iyo.
Art.
¿Hindi kaya iyan, ay katulad ng̃ inyong ginawa sa akin na pagkatapos na udyukan upang tumung̃o sa bahay ng̃ aking mg̃a magulang ng̃ doo'y ipinagdiriwang ang kanyang kapistahan, na pagkatapos ay kayó pa ang siyang umalipusta sa akin? ¿Hindi kaya itó ay isa na namang kabuluhang ibig ninyong idulot sa akin?
Del.
(Papakumbaba). Maniwala ka sa aming hindi.
Sal.
At ang balitang ibibigay namin sa iyo, ay kagabí lamang namin tinangap. ¿At, nalalaman mo ba kung saang bahay namin tinanggap?
Art.
(Boong pagnanasa). Kang̃ino?
Esp. at Raf.
Siya ng̃a, kang̃ino?
Del.
Sa bahay ng̃ iyong papá.
Art.
Sa bahay ng̃ pa ...? (Alinlang̃an) ¡Ah!... Hindi ko mapaniniwalaan!
Del.
Ayaw kang maniwala? Siya, mg̃a ilang saglit na lamang, at makikita mo din kung ang balita namin ay biro lamang ...
Sal.
At, lalong hindi ninyo mapaniniwalaan marahil kung aking sabihin na, tanggapin ng̃ mag-asawa ni D. Luis ang balitang tinuran na, ay kapuwa nang̃apaiyak, at si D. Luis ay nagturing na «Amalia, tung̃uhin natin siya» ...
Art.
(Kulang paniniwala. Waring galit). Salustiano, Delfin, hangga ng̃ayon ay ipinalalagay ko pa kayong kaibigan, ng̃uni't utang na loob kong kikilanlin sa inyo na huwag na akong biruin. Huwag na ninyong ulitin kapuwa ang pagbabalita ng̃ hindi tunay. Ang aking ama ay hindi makapagpapatawad sa akin, talos ko ang kanyang ugali. At talos ko din naman na kanya nang ipahihiwatig sa mg̃a lalong kapalagayang loob na ako'y kaniyang isinusumpa ... At wala akong mahihintay na mana sa kaniya ...
Del.
Maniwala ka at siya ay paparito.
Sal.
Tunay, gayon ang kanilang sinabi sa akin.
Art.
¿Paparito? (Galit) ¡Sukat na ng̃ inyong pagkutya! ¡Sukat na!...
Sal.
Huwag kang magalit. Sa katunayan, ang mama mo ay itinanong pa tuloy sa inyong Papa kung ikaw ay pinatatawad na niya sa iyong pagkakamali.
Art.
(Kulang ng̃ paniniwala). At ano ang isinagot?
Sal.
Na ikaw ay pinatatawad niya, at muling kinikilalang anak, alalaong baga'y parang walang nangyari sa inyo.
(Makariring̃ig ng̃ mg̃a yabag ng̃ kabayong wari ay katitigil lamang sa tapat ng̃ bahay ni Artemio. Dudung̃aw si Rafael at pagkatapos ay sasabihing sakdal tuwa.)
Raf.
Artemio, naririto ang iyong mg̃a magulang! (Lalabas na nagdudumali sina D. Luis at D.a Amalia.)