Sa Kababayang Manghahalal
Reading edition
Sa ika 6, martes, ng̃ buan ng̃ Hunyo ng̃ taong ito ay manunuparan na naman tayo ng̃ isang karapatang hindi gawa ng̃ isa ó ilang katao, kundi nating lahat at lahat ng̃ ating yumaong bayani sa nagdaang himagsikan, at kaunaunahan ang ating si Gat Dr Rizal.
Kung minamahal natin ang ating sarili, ang ating bayan at ang ating mg̃a bayani ay huag natin gamitin ang karapatan iyan ng̃ paghahalal sa paraan ng̃ kalabit at bulong, ó sa kakarampot na "sentimos" na pakubling isinasakay sa inyo ng̃ mg̃a naggalang lider at mg̃a kandidato riyan sa isang tungkuling hindi nababagay sa kanya.
Marami at madla ang mg̃a kandidato na ang hang̃arin lamang ay kapurihan ó madang̃al, at wala yaong tunay na tibukin ng̃ paglilinkod sa bayan, lalo na sa mg̃a maralita. Kung ang mg̃a ito ang inyong maihalal ay walang iniwan kayo sa Hudas na nagkanulo sa inyong Mananakop, na, kayo rin ang humanap ng̃ taling ginamit ninyo sa inyong pagbibigti.
Gamiting mabuti ang pagiisip, ang kailang̃an sa paghirang. Huag ninyong ihalal, kahit sino siya kung inaalipin ang kanyang mg̃a isipin ng̃ mg̃a naging sanhi ng̃ ating pagkapahamak sa ating pinakahahang̃ad na kasarinlan.
Ilagan din ninyo yaong mapagpaimbabaw, na kaya lamang ng̃uming̃iti kung panahon ng̃ halalan at kung makaraan na ay di ka man mapansin kahit mo sila pugayan sa daan. Ang mabuti pakibalitaan sa mg̃a kamagnaakan, kababayan at mg̃a kaibigan.
Ang pagkamanggagawa'y huag ding paniwalaan pagkat marami sa mg̃a nagtataglay ng̃ ganyang pamagat ay mg̃a nagbabalatkayo lamang ng̃ maihalal lamang sila ó ang kanilang mg̃a binabata sa isang tungkulin. Kaya kayo'y maging maliksi sa pagurî at pagmasdan mabuti ang kanilang mg̃a kilusin sa nagdaang pamumuhay at sa kasalukuyan.
Paging̃atan din, na lalo sa lahat ang makipagsabuatan sa mg̃a pagdaraya sa halalan, ng̃ hindi ninyo sapitin ang bilangguan at kapahamakan ng̃ inyong mg̃a anak at ng̃ ating bayan.
Gamitin ng̃a, ang boto ninyo sa taong magiging karang̃alan ninyo, sa makaaawas sa hirap ng̃ madlâ nating maralitang kababayan at makapaghahatid sa Inang Bayan sa mithiin niyang kasarinlan.
HONORIO LOPEZ.