PANG̃UNANG SALITA
Reading edition
Ang munti kong kaya at maiklíng pagkukuro ay minarapat ng̃ mahál kong kaibigang Angel de los Reyes na magbigáy ng̃ Pang̃unang Salita dito, sa kanyáng bagong aklát na maliit, na noóng araw ay napalathala na sa páhayagang "Ang Democracia;" at kung bagamán tinawag ko ng̃ayon ng̃ bagong aklát ay sapagka't ng̃ayón lamang naipalimbág at di na paputól-putól.
Walang alinlang̃an akóng nayag sa hilíng ng̃ aking kaibigan, nang̃iti ako ng̃ lihim ng̃ ito'y sabihin niyá, at naibulong ko sa sarili na siya'y sadyang matalino sapagka't totoóng maalám na magbagay-bagay: nababatid niyáng sa isáng maiklíng aklát, ay isá namáng maiklíng isip na lamang ang dapat mag-ukol ng̃ mg̃a palagay at paghahaka. At dahil diyán, ay sisimulán ko ayon sa makákaya, ang paglalahad ng̃ aywán kung tumpák na aking mg̃a pagkukuro tungkól sa kanyang katháng itó.
Sa ganáng akin, ang mátutunghayán ng̃ayón ng̃ mg̃a mambabasa ay isáng aklát na mainam, isang aklát na dapat bigyán ng̃ papuri, hindi dahil sa itó'y nakáwiwili lamang basahin kundi alang-alang pá sa wagás at maníngníng na damdamin ng̃ kumatha: ang maalab niyáng nasang ang dukha ay igalang at masugpu ang ugaling hanggáng ng̃ayon ay umiiral pa sa ibá, at kung minsán ay sa dukha rín, na inuuna ang salapi bago ang lahát; minámahál na higít sa puri, sa dang̃al, sa katungkulan at wastong ugali.
Ganyáng-ganyán ang asal na makikita natin sa mag-amá ni Tuníng sa Kasaysayang itó, na bagamán mahirap ang búhay, nang mahulí ay ayaw na silá sa kapwa nilá mahirap at ang ibig ay ang mayaman, dahil sa may nakápang̃ibig lamang na isang masalapi kay Tuníng at ito'y si Ruperto. At ang kasuklám-suklám na nagíng bung̃a ng̃ kasabikáng itó sa pilak ay ang pagkatapon ng̃ anák ni Osong, ang binatang unang inibig ni Tuníng, pinaglagakan ng̃ boo niyáng pagkábabai at hanggáng sa nagbung̃a pa ng̃a. Datapwa't kay Tuníng, ay nagíng bula ang salitang puri at katapatan sa haráp ng̃ yaman ni Ruperto, kayá't dito siyá napakasál sa wakás, gayóng si Osong ay di namán tumatanggi sa pagtupád ng̃ kanyáng tapát na pang̃akó at wagás ná pagibig.
Si Osong na parang sinasakal ng̃ mg̃a daliring bakal ay hindi nakatiis at nang araw ng̃ pagkakasál ay nagdamít-pulubing naparoón sa bahay ng̃ kasayahan nilá Tuníng at ni Ruperto na dalá ang larawan ng̃ kanyáng bunsóng na sagíp sá ilog, at nang makita ni Tuníng na yaón ang kanyáng anák ay hinimatáy na bigla, bago humingí ng̃ tawad kay Osong at hanggáng sa nalagót ang hining̃á. Samakatwíd ay oo't nagsisi ng̃á si Tuníng kayá't huming̃í pa ng̃ tawad sa pinagtaksilán niyáng binata, subali't dí dahil dito'y hindí siyá matatawag na babaing salawahan at tampalasan lalo pa't isasagunita ang pagkákatapon sa tunay na dugó ng̃ kanyáng pusó.
Kung ang gayóng ginawá ng̃ babaing ito'y oo't napatatawád ng̃ Diyós, sa mg̃a tagá-lupa'y waláng makapagpapatawad marahil.
Sa haráp ng̃ ganyáng paglálarawan ng̃ kaibigan ko, ay labis niyáng ipinakilala ang lubós na kabagsikán ng̃ salapí na waláng dí naituturó sa tao, pati ng̃ lalóng kasamasamaan.
Subali't ¿ang hang̃ád kayá ng̃ mahál kong kaibigan sa paglalarawang itó ng̃ nakáririmarim na ugalí ay upang pulutin namán itó ng̃ mg̃a mambabasa?
Kayóng tumútungháy ng̃ayón ang makásasagót, at kayó rin namán ang dapat makábatid sa túnay na layon ng̃ ¡Nasawing Pagasa!
Gayon man ay sasagot din ako ng̃ para sa akin.
Ang mithí ng̃ aklát na itó ay walá ng̃áng ibá sa warí ko, kundí ang turuan ang mg̃a dukhá sa pagpapakárang̃al sa kaniláng sarili, sapagkát kung ang mg̃a dukhá'y marang̃ál, kung ang lahát ng̃ dukha'y hindi nagbibili ng̃ puri ni napaaalipin sa salapí, ang mg̃a mayáyaman ay hindí maaaring magpákatayog-tayog na para ng̃ madalás nating mapánoód ng̃ayón.
Ang isinasamá ng̃ mg̃a mayayaman ay na sa mahihirap, at ang isinasamá ng̃ isáng pamahaláan ay na sa pinamamahaláan dín. Iyán ang mg̃a katótohanang kailán má'y dí magkakabula at dapat dasalín ng̃ bawá't tao; katótohanang aywán kung kanino ko unang nadiníg o nabasa at ng̃ayo'y inankín ko na tulóy pagka't nakilala kong tapát.
Kayá ng̃a, mg̃a mambabasa, upang makinabang ang kumathá nitóng ¡Nasawing Pagasa! sa kanyang mg̃a ginugol na pagod sa pagsulat ng̃ kasaysayang itó ay pagaralan sana ang huwág magbilí ng̃ puri at isagunitang na sa kupurihán ang tunay na halagá ng̃ tao at wala sa kayamanan.
Kung magkakagayón, siyá at akó'y maghahandóg sa inyó ng̃ masaganang pasalamat, palibhasá'y siyáng túnay na adhiká ng̃ tapát kong katoto.
Amado Jacinto.
Malabón, Rizal, 1912.

Dahil sa kagahulán sa panahón at dahil sa kakulag̃an pa sa ng̃ayón ng̃ mg̃a gagamitin, ay hindi nasunód ang mg̃a tuldík na nasa orihinál.

¡Nasawing Pagasa!
I
Mapangláw ang lahát, ang gabí'y tahimik at ang buwán noóng dapat nang sumilip, nagtatago pa rí't sa sangkatauhan ay nagmámasung̃it bitui'y gayón dín at nakíkiwang̃is. Ni isáng himutók walang mapakinggáng sukat gumambala sa katahimikan; ¡oh, ang aking lahi!... payapangpayapa sa kanyáng hihigán habang nawíwili ang mg̃a kalaban. Huni ng̃ kuliglíg, tinig mán ng̃ ibon ay kapanglawan dín, dinadalit noón; mg̃a makata mán, siyáng tinutula ng̃ sandalíng yaón ang sung̃it ng̃ pangláw, lagáy ng̃ panahón. Anó pa't ang lahát ay yapús ng̃ lumbáy hihip mán ng̃ hang̃in, mandi'y palaypalay; habagat má'y salát at pawáng dalita, ang balitang tagláy na kung pakikinggán ay taghóy na ¡ay!... ¡ay!... Subali't sa isáng maralitang dampa sa bayang Malabóng saksí ng̃ pagtula: nagáalimpuyó, ang lugód, ang sayá, ang galák, ang tuwa sa piling ng̃a noóng dalawáng nunumpa. Itó ay si Tuníng na piling alindóg kapiling ng̃ kanyáng tang̃íng iníirog, pang̃ala'y si Osong na lipi ng̃ dukha't di lahing matayog at binatang Udyóng na ulilang lubós. Payapa ng̃á silá, sa pagkákaupo siyáng ináani; galák ng̃ pagsuyo, pinagúusapan, ang ikárarangál ng̃ kaniláng puso na ganitóng saád nang minsáng mahinto: «Kay damot mo namán,» kay Osong na sabi, «isáng halík lamang, itulot mo kasi, nang ako'y maalíw at nang magkaroón ng̃ isá pang saksí!...» «¡Ayáw ko! ¡ayáw ko!...» kay Tuníng na tanggí. «¡Halina irog ko!» «¡Ayaw ko! ¡ayaw ko!...» «¿Diyata't ayaw ka?» «¡Talagáng totoó!» «¡Halina! ¡halina! ¡isáng halík lamang!...» «¡Kay ulitulit mo!» «¡Isáng halík lamang!...» «¡Tawad ko sa iyó!» «¡Ah! at iyán bagá, ang lagi mong turing na lubháng dalisay pagibig sa akin ... ¡Ikáw ang bahala!... kung natuto akóng sa iyó'y gumiliw magisá sa dusa'y matútutuhan din ...» «¡Nagtampó na namán!...» «¿Sino bagáng puso ang makababatá ng̃ asal mong liko?» «¡Huwag kang magalit! ang ginagawa ko, ay mg̃a pagsuyo ...» «Pagsuyo sa iyó; sa aki'y panghapo ... Ikáw ang bahala, ako'y mapagtiís at ipatay mo mán ang lahát ng̃ sákit ay tatanggapín ko; ng̃uni't ang hiyain, ang isáng ninibig libong kamataya'y labis pa ng̃ tamís ...» «¿Hiniya ba kitá? ¡Di ko ginagawa!...» «¿Ginaganáp ng̃ayó'y di bagá paghiya?» «Hindi, aking giliw, at ang aking puri ang nagugunita na baka kung ...» «¿Kulang bang tiwala?» «Di lamang sa gayón,» «¿Sa anó pang bagay?» «Katungkulan naming maging̃at na túnay, at ang unang halík, ang katimbang noó'y sampu nitóng buhay sa pagka't daig pa, ang gawáng pakasál. ¿Hindi bagá Osong?» «Tapát ang turing mo, at ang pagkakasál ay pakitang tao; subali't ang halík, saksíng akin ikáw, at akó ay iyó, kaya itulot na; halina irog ko ...» Iláng pang «¡Ayaw ko!» at iláng «¡Halina!» bago pinagusap ang labing dalawá; tumunóg ang halík; nilimot na yatang silá'y may hining̃á na dapat malagót sa daratning dusa. Hayán ng̃a ang tuwang nag̃hari sa puso ng̃ dalawáng yaóng isá sa pagsuyo, kaya ang paalam ng̃ ating binatang anaki ay biro: «¡Sarili na kitá, búhay má'y mapugto!...»


II
Nang isáng umaga'y sa pangpang ng̃ ilog ay may nakaupóng binatang malungkót: itó ay si Osong; kanyáng inaalíw ang dusa ng̃ loób sa pagkákawalay kay Tuníng na irog. At ang naglalaro sa kanyáng isipa'y ang dilág ni Tuníng na gayón na lamang, minsáng mapadagok; minsáng mapang̃iti at ipinagsaysay: «¡Oh, anóng gandá mó, aking paraluman!...» Subali't nabigláng nabakás ang lungkót sa masayáng mukháng nagulap ng̃ lubós: «¡Ay, palad na sawi!... ¡Oh, buhay ng̃ dukha!...» sunód na himutók, «sa dusa ni Tuníng, ikáw ang managot ... Kung akó'y mayama't sagana sa pilak tatanuran siyá sa baníg ng̃ hirap, hanggáng sa sumilang ng̃ lubháng hinahon ang unang bulaklák ng̃ aming pagsintáng dalisay at wagás.... ¡Ay, Tuníng kong irog, di ko kasalanan na sa iyóng dusa'y di ka madamayan; ang karukhaan ko, ang dapat sisihi't dapat managutan at oh, anóng sakláp, dustáng kapalaran ...» Sandalíng tumigil at kanyáng námalas ang dalawáng ibong naba sa bayabas, na sabáy umawit; yaóng kanyáng dibdib ay halos mawalat sa pananaghili sa ibong mapalad. Saká nang magsiping ng̃ lubháng payapa mg̃a titig niyá'y di tumagál yata't mulíng naghinagpís: «Mapalad pa siláng may ganáp na laya at hindi gaya kong may sumásansala ... At kahi't mán silá'y walang pagaari ginapas namá'y pawáng luwalhati; dí gaya ng̃ taong ang binabaníg má'y maraming salapi ay lumuluha rin ng̃ dusa't pighati. At ¿anó ang yamang sadyang hinahanap sa akin ng̃ amá ni Tuníng kong liyág? ¡isáng talinhaga! at di niya talos: sa Sangmaliwanag ang puri ng̃ tao, ang mahál sa lahát. Hangád niya'y pilak, kahi't mang̃ulimlim ang dang̃ál ni Tuníng na sinta ko't giliw; wala sa gunitang lalong mahalagá sa yaman mang alín ang dang̃ál ng̃ tao kung lubháng maningning. ¡Oh, taksíl na pita sa dang̃ál at yaman, ang nililikha mo'y laksang kamatayan; kung hindi sa iyó, disi'y kapiling ko si Tuníng ng̃ buhay at kasalosalo sa pinggán ng̃ lumbay!... ¡Oh, buhay ng̃ buhay, Tuníng ko at lugód... na sa karukhaan, ang sukal ng̃ loób na ating sinapit; libong kamataya'y masaráp pa irog huwág lang mariníg ang iyóng himutók!... Palasóng may lason ang nakákaanyo ng̃ dusang sa dibdib ng̃ayó'y pumapako, tuwing mabúbuklát sa aklát ng̃ isip ang pagkasiphayo ng̃ banál na layong núnukál sa puso. At magmulá rito'y aking nakikita sa baníg ng̃ hirap ay nagiisa ka; waláng dumadamay, at kung pumapasok ang mahál mong amá sa iyóng pagdaíng ang tumbás ay mura. Naririníg ko ring kanyáng inuulit ang pagalipusta sa palad kong amís: ¡sa aba ng̃ dukha!... at nananariwa sa puso ko't dibdíb ang pagtabóy niyáng kapaita'y labis. At námamalas ko, ang lubháng masakláp, luhang mapapaít sa matá mo liyág, di anóng gagawín sa itó ay utos ng̃ masamáng palad pawang pagtitiís ang gawíng kalasag. Ibalita lamang sa tapát mong giliw kung makaraan ká, sa gabíng madilím, upang matalós ko kung ano ang bung̃a ng̃ pagsinta natin at kahi't malayo'y kapalaran ko rin. At kung napapako ikaw sa dalita higit pa sa riyan, itong umaaba sa tapat kong puso, at ang bawa't patak ng̃ perlas mong luha ay timbang ng̃ buhay kung manaw sa lupa. Dito napahinto't kanyang napanood yaong isang kaban na tang̃ay ng̃ agos, at pinagsikapang iyahon sa pangpang ng̃ upang matalos na baka may lihim doong natutulos. At ¡oh, anong gitla nang kanyang mamasdan na bangkay ng̃ isáng bagong kasisilang!... tumang̃is ang puso; nagluksa ang dibdib at ipinagsaysay na: «¡Baka ng̃a itó, ang anak kong hirang!» Kanyang ikinubli doon sa pangpang̃in, pumasok ng̃ bayang may ing̃at na lihim at nakibalita; sa tinanongtanong ay kanyang nalining na ¡itinapon ng̃a ang anak ni Tuning!... Lalong nagibayo, lagablab ng̃ poot, ang daing at sumpa'y di malagotlagot «¡Inang walang puso, Tuning na nagtaksil sa anak ng̃ irog dapat kang mamatay, dapat kang matapos! Diyata't masarap sa puso'y matamis anak mo'y pataying sa ilog ihagis, maturan na lamang ikaw ay dalagang may puring malinis, nang upang giliwin ng̃ bagong ninibig..... ¡Oh, taksil na sinta! ¡pusong magdaraya! ¡oh, hang̃ad sa yaman! ¡inang walang awa! pananagutan mo, sa harap ng̃ Diyos ang masamang gawa't may araw din naman kaming mabababa!....» At kanyang hinagkan ang bangkay ng̃ bunso kasunod ang patak ng̃ luhang natulo, «¡Oh, sawi kong supling!.... ¡di ko kasalanan ang pagkasiphayo managot ang iyong inang walang puso!...» At kanyang kinalong ng̃ hanggang sa bayan upang ipakuha ng̃ isang larawan; subali't ang loob ay di mapanatag kahi't bahagya man; ang daing at sumpa'y walang katapusan....


III
Sa ilog ding yaon na kinasagipan ni Osong ng̃ kanyang bunsong minamahal, ang magamang Tuning minsan ay nagaliw sa masayang pangpang na siyang sumaksi sa lihim ng̃ buhay. «Talusin mo irog» ang turing ng̃ ama, «sa panukala ko, kung hindi nayag ka, disin hanggang ng̃ayo'y lumalagok ka pa ng̃ luha ng̃ dusa at di lumalasap ng̃ mg̃a ginhawa. ¿At di mo ba tantong sa buhay na ito: salapi, salapi, ang Diyos ng̃ tao? ¿Bakit ka iibig sa hang̃al na Osong na dukhang totoó gayong may mayamang iirog sa iyó?» «¡Ama ko! ¡ama ko!» ang saad ni Tuning, «¡kay inam ng̃a pala ng̃ inisip natin! salamat Diyos ko at ang mayayamang ninibig sa akin ay hindi natalos ang nangyaring lihim ...» «¡Talaga! ¡talaga» ang sa amang tugon, «daig ang nagtiyap ng̃ pagkakataon, ¿at aling pang̃ahas dilang sinung̃aling magsasabi ng̃ayong ikaw ay naglaho sa tangkay kahapon? Para din ng̃ dati ang tindig mo't bikas, katutubong ganda'y lalo pang tumingkad; pagmasdan mo iyang halamang nilikha ng̃ Hari ng̃ lahat, pawang yumuyuko sa taglay mong dilag. Sa mabining agos ikaw ay makinig may ibinubulong na masayang awit, saksi ng̃ paghang̃a sa iyong himalang inimbot na dikit na waring pinilas sa ganda ng̃ lang̃it. Ng̃uni't ¡anong saklap sa puso ko't buhay ang kataasan mo kung iyaagapay sa piling ni Osong! ¡masarap pang ako ay magpatiwakal! ¡oh, Tuning! ¡oh, Tuning!» at siya'y papanaw. Pinigil ng̃ bunso: «Amang pinopoon, ako'y kaayon mo sa dakilang layon, at isinusumpang lilimutin ko na ang hang̃al na Osong at ako'y dalaga na naman sa ng̃ayon ...» Sila ay nagyakap at siyang tumunong ang halik ng̃ ama, at halik ng̃ irog; sigabo ng̃ tuwa ay hindi magkasyang sa puso manulos kaya't napatabi, ang panglaw, ang lungkot ... ¡Saka magkaakbay silang nagsilakad sa dukhang tahana'y nagtuloy umakyat; mahiwagang ilog na nilisan nila'y bago humalakhak na waring inuyam ang nangyaring usap.

IV
Bagong namimitak sa kasilang̃anan liwayway ng̃ araw, batbat ng̃ katwaan, yaong mg̃a ama nagsisikilos na't nang̃agtutulinan sa pagtuklas noong pangtawid sa buhay. Sa gitna ng̃ parang namá'y namukadkad ang hinirang bang̃ong magandang bulaklak at isinusuob sa gintong liwayway ng̃ bagong ninikat nagsasayang araw sa bayan kong liyag. Ang napanaginip ng̃ mg̃a bayani na tadhanang araw sa lahi kong api, wari'y sumisilang ng̃ sandaling yaong lahát ay nagwagi at pawang naawit ng̃ mg̃a pagkasi. Sampung mg̃a ibong payapang magdamág ay iniyunat na ang kaniláng pakpák; sandalíng dumalit bilang isang bati sa nagharíng galák na sinasayawan ng̃ palundaglundag. Tinig ng̃ bating̃aw ay sa Konsepsiyón noó'y nagbalita na may kasal doón; sa bibig ng̃ madla narinig ng̃ lahat ang kasál na yaón di iba't kay Tuníng na lang̃it ni Osong. Ng̃uni't ¿sino kaya ang lubhang mapalad na makikisumpa sa dambanang harap? at ¿si Osong kaya? ¡oh, hinding hindi ng̃a't isang taong pantas na kinasilawan sa bunton ng̃ pilak!... Ito'y si Ruperto na tukod ng̃ yaman kung kaya nasilaw si Tuning na hirang; kanyang kinalakal pagibig at buhay; puri at katawan na sampu ng̃ ama'y nakiayon naman. Wala ng̃a sa isip ng̃ sandaling yaon ang pinang̃akuang binatang si Osong at kahi't bahagya wala sa gunita ang nasawing sanggol na tunay mang anak ay ipinatapon. ¡Inang walang awa, pusong salawahan sa tunay mong supling di ka na nahambal!..... ¡mg̃a kulang palad!... ¡oh ang nililikha niyang kayamanan! at ¡oh, ang babai, kung siyang masilaw!... Huwag nang ling̃uni't bayaang tumang̃is ang pusong dinaya ng̃ Oong matamis, mahalin mo lamang ang naging bulaklak ng̃ iyong pagibig at dakila ka rin sa matang nagmasid. Sa pagka't ang inang walang pagmamahal sa tunay na supling na sa puso'y nukal, daig pa ang hayop, na lubhang malupit, marung̃is ang asal ng̃uni't kung sa anák ay handog ang buhay. At makalilibong masarap sa malas ang isang dalagang sa tangkay nagulap di gaya ng̃ isáng babaing magtapon sa ilog ng̃ anak bukod sa may dung̃is, sumpaan ng̃ lahat ... Subali't ang lahat, di man sumagimsim sa diwa at puso ng̃ magandang Tuning, natang̃ing nagdiwang sa kanyang isipang naglayag sa aliw na «siya'y yayaman kay Rupertong piling.» Sampu ni Ruperto'y di kaya ang lugod sa pagka't kakamtan ang aliw ng̃ loob; boong pananalig: ang kanyang si Tuning ay piling alindog at wala pang dung̃is sa ng̃alang pagirog. Kapwa may ligaya ang magkasingpalad; dalaga'y sa kintab at tunog ng̃ pilak, at ang isa nama'y sa boong pagasang ang ligayang hang̃ad, sarilingsarili't ang pagsinta'y tapat ... Kasiyahang lubos ang siyang umawit sa puso ng̃a nilang hindi matahimik; sa boong lansang̃an, pinahang̃a nila, bawa't makamasid ng̃ pagtatagumpay noong si pagibig. Kapag salapi ng̃a ang siyang nagutos ay payayanigin itong sangsinukob, at sa pagka't kasal ng̃ isang Rupertong sa yaman ay bantog kung kaya ang handa'y di masayodsayod. Papanhikang bahay ay sakdal ng̃ dilag at sa palamuti'y natatang̃ing agad; palibhasa'y yaman, ang siyang naghari, ang siyang nagatas kaya nagigitla panauhing lahat. Lalo ng̃ dumating yaong bagong kasal hiyas na ginamit sa yaman ay sakdal; «¡Maligayang bati!» salubong ng̃ lahat ng̃ sa puso'y nukal bago nagsidulog sa isang agahan. Sa pagsalosalo ay nakikisaliw tinig ng̃ musikong gumagara mandin sa mg̃a bulaklak, ng̃ bayang Malabong noo'y nagliwaliw na wari'y nagtipang magsabog ng̃ aliw. At naging parayso ng̃ ligaya't lugod pagsasalong yaon ng̃ mg̃a alindog; na sinamantala noong makikisig pusong umiirog mg̃a paroparong mababa't matayog. Ang maamong titig, ang mariing sulyap, panibughong ng̃iti, kilos na banayad, ng̃ sandaling yaon wari'y umuulang palasong matalas na di sumasala sa puso ng̃ liyag. Anhin mang lasapin ang mayamang handa di gaya ng̃ dilag ng̃ mg̃a hiwaga; iyang mapamihag kaligaligayang maningning na tala sa lang̃it ng̃ bayang luoy sa pagluha. Lalo na ang dikit ng̃ magandang Tuning namamaibabaw sa madlang kapiling, at nakikibagay sa kislap ng̃ hiyas na lubhang maningning kaya si Ruperto'y nagmamalaki rin. At halos ang puso sa tuwa'y umidlip at busog na busog kanyang mg̃a titig, ni ang panauhin, sampung kinakain ay wala sa isip at walang nalabi kundi ang pagibig, Hanggang sa matapos, agahang masarap ay walang naghari kundi pawang galak at sila'y pumasok; ang isang matanda sa lupa'y tumawag: «¡Sa isang naaba'y magdamot ng̃ habag!...» Ang ama ni Tuning pagdaka'y nagng̃itng̃it «¡Palayasin ninyo, matandang marung̃is, nang di mangrimarim, mg̃a panauhin sadyang nakisanib sa kaligayahan na dulot ng̃ lang̃it!....» Tugon ng̃ matanda: «Kung ako'y mayaman ay hindi ganito yaring kalagayan, gulanit na damit di ko isusuot: ako'y masusuklam ng̃uni't pagka't wala'y inyong pagtiisan. At kung kaya lamang ako'y naparito iyang bagong kasal ay babatiin ko naging sumbat nama'y «¡Huwag kang umakyat at maraming tao na nakahihiya ang abang lagay mo!....» «Di ikahihiya aking kasalatan huwag lang sabihin na sakim sa yaman sa pagka't ang dukha ay di alang̃anin sa harap nino man at isa ring anak ng̃ poong Maykapal. At sa mundo'y walang nalalagdang batas sadyang nagbabawal sa pakikiharap, ng̃ isang timawa't kung ipang̃ing̃imi ang mukhang mahirap ang sabik sa yama'y lalong nararapat. Kaya itulot nang ako'y makapasok maligayang bati'y aking ihahandog sa mg̃a mapalad, ng̃ayo'y nagsisumpa sa harap ng̃ Diyos ...» «¡Tuloy na ng̃a kayo!....» maasim na alok. Baga man masaklap sa puso at dibdib doo'y patuluyin, matandang marung̃is, ang ama ni Tuning ay namayapa na't nakiayong tikis pagka't sumusugat ang bawa't isulit. Ipinang̃ang̃ambang baka pa lumala pagbabang̃on puri ng̃ abang matanda na di dumadaplis ang bawa't ituring sadyang tumatama sa ama ni Tuning, sa mayamang mukha. Kaya't ang matanda nang di tumitinag sa pagkakatayo'y nilapitan agad; «Tayo na po kayo; magtuloy po sila't kusang makigalak sa dakilang araw ng̃ pagisang palad....» At nagtuloy na ng̃a ng̃ puspos na galang yaong bagong kasal, minatamataan; mana'y may dinukot, sa loob ng̃ damit na isang larawan at anya'y «¡Oh, Tuning, tanggapin mo laman!..» Pagdaka kay Tuning, pumulas ang luha, mukha ay naglaho, nagapos ang dila; si Ruperto nama'y di rin nakakibo at napipi rin ng̃a at ang kaing̃aya'y biglang namayapa. Ng̃uni't ang matandang ama ng̃ babai ay naglakas loob at ipinagsabi: «¿Ano po ang dala at isang larawan ng̃ batang lalaki na siyang sa lahat ay nakapipipi?» Tugon ng̃ pulubi'y «Inyo pong kilanlin at ito ay isang kamaganak mo rin ...» yaong bagong kasal, di na nakabata't inagaw nang tambing; «¡Ito ang anak ko, at tunay na supling!...» Tuloy hinimatay; luhang mapapait ang sa kanyang pisng̃i, pagdaka'y dumilig; lahat ay nagulo't nang mahimasmasan, mata'y itinirik: «¡Patawad Osong ko, sa nagawang lihis!... Sa laot ng̃ dusa, ako'y ipinadpad ng̃ lubhang marung̃is at masamang palad; nagtaksil ng̃a ako't inang nagmalupit sa tunay na anak subalit sa ng̃ayo'y ¡¡patawad!! ¡¡patawad!!» At untiunti nang, nalagot ang hing̃a at noong maburol sumugod ang ama: «¡Ikaw na pang̃ahas, pulubing naghayag ng̃ lihim at dusa dapat kang mamatay! ¡uutasin kita!...» Ng̃uni't ang pulubi'y umurong sandali; hinubad ang damit at noon nawari, na siya'y si Osong ¡laking pagkamangha; lahat ay nang̃imi at yaon ang giliw ng̃ babaing sawi! «¡Ikaw na matanda na sakim sa yaman, uhaw sa tungkulin at sabik sa dang̃al, na nang̃ang̃alakal ng̃ puri ng̃ supling ang dapat mamatay at di akong dukhang inyong inagawan!...» At saka umakmang tarakan ang puso noong lilong amang masakim sa ginto; subali't ang lahat pagdaka'y umawat, pagdaka'y bumuno hanggang maibaba't naglapat ng̃ pinto. Ng̃uni't ¿si Ruperto'y saan naparoon? at ¿bakit nawala sa sakunang yaon? ¡walang makaalam! palibhasa'y lihim na tumakas doong umilag marahil sa ng̃itng̃it ni Osong. At doon natapos yaong kaguluhan na noong umaga'y isang kasayahan; sa bibig ng̃ madla, pagpuri't pagkutya, pagbunyi't paguyam ang namumulaklak na lipatlipatan. Hanggang sa lansang̃an, noo'y sumabog na balitang masaklap, mapait na bung̃a ng̃ hang̃ad sa yaman; ibang makamatyag lihim na tatawa bago tutuguning «¡Nasawing Pagasa!» ¡Oh, mg̃a magulang na silaw sa pilak na nang̃ang̃alakal ng̃ puri ng̃ anak, mang̃agnilay sana, bago magsisubo sa guhit ng̃ palad at baka madapa sa gitna ng̃ landas!... ¡Oh, mg̃a babaing masakim sa yaman pagibig at puri ay niyuyurakan, bumalikwas kayo't inyo nang baguhin ang kinahiligan upang makailag sa kasakunaan!... At tuloy tantoing masarap pang tikis ang pang̃alang dukha o anak ng̃ pawis kay sa sa mayaman, kung pinupulaan ng̃ bala na't bibig na nakatatalos ng̃ lihim ng̃ dibdib.


V
Nang kinabukasan at gabing madilim sa isang libing̃a'y naglalamay mandin, yaong si Ruperto; sa kinalagakan ng̃ bangkay ni Tuning doon nakaluhod ng̃ lubhang taimtim. Ang kapayaang naghahari doon ay ginagambala ng̃ kanyang pagtaghoy: «¡Ay, sawi kong palad!...» wikang naghinagpis saka idinugtong «¡buhay ng̃ buhay ko, patawad oh, poon!...» At bago tumayong yumakap sa kurus, luhang mapapait sa mata'y nanagos, matimyas na halik kanyang iginawad saka naghimutok «¡Tuning ng̃ buhay ko, tanggapin mo irog!... Iyan ay sagisag ng̃ aking pagibig at nariyan ka man sa bayang tahimik ay di nililimot at sa bawa't tibok ng̃ puso sa dibdib pang̃alan mo lamang, siyang nasasambit.....» Mana'y napailag naganyong bayani, lumayo sa kurus at ipinagsabi: «¡Pusong magdaraya!... ¡papatayin kita! ¡hayo na't magsisi!... ¡kulang palad ka ng̃a, nasawing babai!...» Sandaling tumigil at tumawatawa, «¡Aba si Tuning ko, kay ganda mo pala!...» sa harap ng̃ kurus ay muling lumuhog at humalik siya «¡Tanggapin mo irog at lambing ng̃ sinta!...» Anaki'y napasong biglang itinulak ng̃ kurus na yaon noong kulang palad «¡Abá si Tuning ko!... at nagtatampo na, sa aking pagliyag ... ¡ha!... ¡ha!... ¡ha!... ¡ay kahabaghabag!... Hayo na, hayo na, gapasin ang lugod naito ang yaman, kandung̃in mo irog; ¡aba't ng̃uming̃iti!... ¡pusong magdaraya, salawahang loob, papatayin kita, dapat kang matapos!... At kung ang gaya mo, ay pababayaang lumawig sa mundo ng̃ dalita't lumbay ay di malalagot, ang mg̃a panaghoy, ang mg̃a sumpaan ... ¡aba si Tuning ko, nahihiya naman!... Ng̃uni't huwag Tuning, huwag kang tumañgis, ang pagsisisi mo'y aking naririnig; datapwa't irog ko, umahon ka rito't ako ay hahalik sa mg̃a pisng̃i mong sakdalan ng̃ dikit ... ¿Di ka makalabás? sandaling magantay at babawasan ko ang tabon ng̃ hukay.» Lumapit sa kurus, tinutop ang noong wari'y nagninilay tuloy na binunot ang tanda ng̃ patay. «Kaunti na lamang, Tuning ng̃ buhay ko, huwag kang mainip at makakamtan mo; mithing kayamanan, aking hahawiin ang tabon sa iyo ...» at nagkukutkot ng̃ang anaki ay aso. Sa dulong silang̃an nama'y namanaag masayang liwayway ng̃ araw ng̃ bukas, doon sa libing̃an ay siyang pagpasok noong kulang palad binatang si Osong, sawi sa pagliyag. Kanyang aaliwin ang dusa ng̃ loob dahil sa pagasang sinawi ng̃ lungkot; sa boong magdamag, ay di mang nagalay ng̃ munting pagtulog kung di pawang sakit, dalita't himutok. Subali't nabiglang natigil sa landas abang si Ruperto'y nang kanyang mamalas na nagkukukutkot doon sa libing̃an noong kulang palad kasaliw sa hibik ang luhang nanatak. Ng̃uni't di napigil, sigabo ng̃ poot, patakbong lumapit sa nagkukukutkot; «¿Sino kang pang̃ahas, lilong gagambala, kay Tuning kong irog? na namamayapa sa kanyang pagtulog?...» Tugon ng̃ Rupertong wikang tumatang̃is «¡Ay Tuning!... ¡ay Tuning! ¡maawa ka lang̃it!...» at tuloy lumuhod, sa harap ni Osong at siya'y humalik kasabay ng̃ yakap na lubhang mahigpit. Ang poot ni Osong, lalong naglagablab kanyang iniwaksi, ang pagkakayakap; abang si Ruperto, sa maruming lupa'y nasubasob agad at napahandusay sa libing ng̃ liyag. Sinakyan ni Osong; pinigil sa batok at ang sundang niya'y madaling binunot, bago iniyakmang «¡Papatayin kita!... ¡dapat kang matapos nang makilala mo kung sino ang Diyos!... ¿At bakit nang̃ahas dito sa libing̃an? ¿bakit huhukayin ang sinta ng̃ buhay? ¡pusong walang bait! kahi't anong sama, ng̃ taong sino man kapagka namatay, dapat mong igalang..» «¡Tuning ko! ¡Tuning ko!» ang nagiging tugon «¡oh, anong lupit mo, kay lakas mo ng̃ayon!.» tinablan ng̃ sindak, ang ating binatang may ng̃itng̃it na Osong, at ang yapus niya'y ¡tunay palang ulol! Tumang̃is ang puso, nagluksa ang dibdib, sisi, habag, hapis, sa kanya'y naniig, kaya't ibinang̃on; «¡Diyos ko! ¡Diyos ko! ¡mahabaging lang̃it, pawa na bang gabi, itong tinatawid!... At bago niyakap, kaharap na baliw «Sa aking inasal ako'y patawarin ...» tumbas ni Ruperto ay isang mataos, halik na mariin, «¡Tuning ng̃ buhay ko, kay sarap mo giliw!...» «¡Diyos ko! ¡Diyos ko!» ang hibik ng̃ Osong, «¡pagkalupitlupit lakad ng̃ panahon!...» at kanyang inakay abang si Ruperto't wikang idinugtong «¡Tayo na! ¡tayo na!...» at sila'y yumaon. Habang lumalakad, dalawa'y nagsabay na isinusumpa ang abang namatay: «¡Oh, Tuning! ¡oh, Tuning!... ¡ikaw ng̃a ang sanhi ng̃ lahat ng̃ lumbay ng̃ayo'y tinatawid nitong aming buhay!... At pawa ng̃ gabing lubhang masusung̃it na kasindaksindak, tanghalan ng̃ sakit, ang siyang sa ng̃ayo'y laging nilalayag ng̃ palad na amis, ikaw, ikaw Tuning, ang dahil ng̃ hapis ... Ng̃uni't masaklap man ang nasapit naming laging naglalayag sa gabing madilim, pumayapa lamang ikaw sa tahimik, mapanglaw na libing at sa amin yao'y kapalaran na rin ...» At doon natapos, ang lahat ng̃ sumpa doon din tumulo mapait na luha; ¡oh, kahabaghabag na palad ni Tuning, babaing naaba natang̃i ang lang̃it, siyang nagluluksa!... ¡Oh, taksil na pita sa dang̃al at yaman, ang lahat ng̃ ito'y iyong kasalanan; ang busabusin mo, kahi't man umidlip doon sa libing̃an sumpang sunodsunod, walang katapusan!... Pagka't sa bayan mang sinilang̃an niya, bawa't makabatid ay napapatawa at tang̃i sa sumpa, paghabag, pagiring ay isusunod pa: ¡Nasawing Pagasa!... ¡Nasawing Pagasa!...