¡Ang Diwa Mo!
Reading edition
Kasamang Angel!
Dahil sa pagkabasa ko ng iyong kathang ¡NASAWING PAGASA! na pangapat na buñga ng iyong panulat, sa pitak ng pahayagang ANG DEMOCRACIA ay natula ko ang sumusunod:
Nang ikaw ay di ko nakikilala pa't Ang ilan mong katha ay aking mabasa, Akala ko mandi'y isa kang poetang May sapat ng̃ gulang at pagkabihasa. Oo, akala ko, ikaw'y isa na rin Sa mg̃a kilalang Santos, Matanglawin, Peña, Regalado, Mariano't Ben Ruben Na, inuuban na sa gayong gawain. Dahil sa ang iyong mg̃a gawang katha Ay nang̃asusulat na lahat sa tula, Mg̃a tulang hindi pangsira sa wika At bagkus pangayos, pangbuhay sa diwa. Ng̃uni't sa limbagan ng̃ Pamahalaan Nang aking mamalas iyong kabataan: Yaong paghang̃a ko'y lalong naragdagan At halos di kita mapaniwalaan. Isang katulad mo! isang batangbata Ang makayayari ng̃ maraming katha; Mg̃a kathang busog sa mg̃a hiwaga ... At bihibihira ang nakagagawa? Sinong di hahang̃a sa dunong mong angkin Lalo't sa lagay mo, ikaw, uuriin? Ah! di sa pang̃alan lamang ikaw Angel! Sa puso ma't diwa ikaw ay Angel din! Angel ka ng̃ang buhat doon sa Olimpo Na pinaparito ng̃ diyos Apolo, Upang makatulong sa pagbungkal dito Ng̃ mina ng̃ Wika nating Pilipino. Na, nang̃atatago sa parang at gubat At sa mg̃a bundok na lubhang mataas; Sa sapa at batis sa ilog at dagat Na puno ng̃ mg̃a magandang alamat. Ang kasangkapan mo na iisaisa Ang nang̃agagawa ay katakataka, Sa sama'y pangbuti, sa dung̃o'y pasigla Sa sira'y pangbuo't pangaliw sa dusa. Kasangkapang laging laan sa pagdamay Sa nang̃aaapi at nahihirapan, Mabait na guro sa hang̃al ó mangmang, Sulong maliwanag sa nadidiliman. ¡Oh, ang íyong diwa na nagpapagawa Sa iyong panitik na gintong mistula, Ng̃ mg̃a puntahing banal at dakila Sa ikabubunyi ng̃ sariling Lupa!... Bayaan mong ako'y magpilit tumugtog Sa aking kudyaping mahina at paos, Tanda ng̃ paghang̃a at pagpuring lubos Sa mg̃a gawa mong dakila at bantog.
Leonardo L. Gomba.
Maynila, S.P., Abril, 1910.

