¡Maaliwalas ang daan ko!
Reading edition
Suriin natin ang ugali ng̃ umanó'y mg̃a bantóg at pahám na manúnulát. Ayaw siláng makariníg na mayroóng makata; ayáw siláng makakita na mayroong bagong kasaysayan, at pauulanin na nilá ang pula, lubha pa't isáng maliít ang sumulat. Sasabihing iyán ay mali, walang kabuluhan; at sayang lamang ang ipinagpalimbág. Palalo at pang̃ahás ang gumawa niyán, huwág na di masabing siyá ay autor.
¡Kaawaawang mg̃a manúnulát!
¡At silá daw ay mg̃a kawal sa pagpápalaganap ng̃ wikang tagalog! Kung sa habang panahón ay ganyán ang aasalin nilá, ay sumpa ng̃ bayan ang kaniláng maáantay. Sa kaniláng pakikipagkapwa ay doon lamang uusbóng ang pagmámalasakitan ng̃ mg̃a makatang pilipino, na, tang̃ing daan ng̃ ikátatanyág ng̃ masaráp na wika ni Balagtás.
Kung sa akin silá hahadláng ay itutulak ko silá ng̃ dalawáng kamáy at bubulyawán kong: ¡Maaliwalas ang daan ko! ¡Nakikita ko ang aking nilálakaran! ¡Tanglawán ninyó ang inyóng landasin at di ko kailang̃an ang inyóng ilaw! ¡Manipís mán ang aming mg̃a katha ay piniga namáng tunay sa aming sariling isipan at di naming ninakaw sa isipan ng̃ mg̃a makatang kastila, ingglés, pransés, at ibá pá! ¡Mura mán ang aming mg̃a aklát ay madali namáng maubos at di ináamag sa mg̃a aklatan!
