VI
Reading edition
¡PATAWAD!
Si Anchang ay naiwan sa pag-iisa, ang kaniyang silid na dati'y masaya ng̃ayon ay mapanglaw, di niya mapagkuro ang mg̃a ibig sabihin ng̃ kaniyang kapatid kung minsay isipin niyang ang kaniyang sarile ang sasapit sa isang kalagayang kalunos lunos gaya ng sinabi, ng̃unit siya rin ang kusang nagmamatuid na aniya'y di ko sasapitin yaon sapagkat sino ang lalapastang̃an sa akin? Si Peping ay tapat ang pagibig at sa kaniya'y wala akong paniwalang mapapariwara lamang ang pag-asa ko, wala akong nalalamang itinatang̃i siyang iba at di ko naman iniisip na siya'y magtatang̃i pa sapagkat naniniwala ako sa kaniyang mg̃a pang̃ako at di naman niya sasayang̃in ang mg̃a pagmamahal ko. Ako ang tinatang̃isan ng aking kapatid?.... Hindi, sapagkat anó ang dapat niyang ikalungkot sa akin? Ang kaniyang sarile ang iniiyakan? Ewan ko, ng̃unit ano naman ang dapat niang ikalumbay? Wala akong maala-ala. Mg̃a sandali itong punong puno ng̃ mg̃a pagkukuro sa isip ni Anchang. At si Delang anó naman ang ginagawa? Ah ... siya nama'y nananang̃is sa kanilang silid di makalabas kahit tinatawag kaniyang mapag arugang ina at hangang sa siya'y mahalata sa pamamanglaw.
—Bakit? ang marahang tanong ng̃ ina pagkamasid sa mg̃a matang binabalung̃an ng̃ luha ng̃ kaniyang anak.
—Wala po—ang sagot naman na ipinakalilihim pa ring pilit ang kaniyang mg̃a dalita palibhasay nahihiya siyang mabuksan ang mg̃a aklat ng̃ pag-ibig na nakatago sa kaniyang puso, ng̃unit sa kapipilit ng̃ ina ay nagsabing: "Ako po'y sawing palad" hangang dito na lamang ang mg̃a naipagtapat ni Delang hangang sa sapitan sila ng̃ kinagabihan.
Si Peping ay walang malay sa mg̃a nangyayari, payapang payapang ginugunita ang napakasarap niyang buhay. "Magkapatid ang nasa kamay ko" ang ulit ulit na sinasabi ¡kay tamis ng̃ aking kapalaran na pinag-aagawan ng̃ dalawang magagandang binibini! Ang aking pag-ibig ay dalawang puso ang sumasariwa, siyang nagdidilig pagdating ng̃ oras, anó pang ligaya ng̃ buhay ang hahanapin?"
Ikalabing isang oras na ng̃ gabi. Mapamaya maya'y nanaog, lumakad at pagkatapat sa silid ng̃ isang bahay na malaki ay luming̃on sa magkabikabilang panig at ng̃ walang matamulawang tawo ay tuming̃ating̃ala at tumawag:
—¡Anchang!....¡Anchang!
—.......................
—¡Anchang!—ang mariin niang tawag na tumaos hangang sa puso ng̃ binibini, kaya't agad nagbalikuas ito't ipinuang ng̃ kaunti ang durung̃awan.
Nakaramdam ng̃ panibagong init ng̃ katawan ang binata, lumukso ang puso sa galak sa pagkasung̃aw ng̃ isang diosa ng̃ kagandahan.
—Ako'y naririto—ang ulit pa.
—Bakit ka napaparito ng̃ ganitong oras? Baka may makakita sa iyo ay pagbintang̃an kang masamang tawo: umalis ka dian sa tapat ng̃ bintana.
—¿Saan ako paparoon, Anchang?
—Umuwi ka na at akoy di maka papanaog, sapagkat malalim na ang gabi.
Mayroon lamang akong isang mahalagang babagay na sasabihin sa iyo; natatakot ka ba? sasalubung̃in kita sa hagdanan.
—Sabihin mo na.
—Ayaw ako. Ang ibig koy ibulong at ng̃ walang makarinig: ni ang mg̃a halaman, ni ang mg̃a panggabing ibon.
—Sa ibang araw na ó bukas kaya pagparito mo.
—Sa isang maliit ko kayang kahiling̃ang ito'y ipahahalata mo na ang kawalan mo ng̃ pagmamahal sa akin? Anchang, talastas mong ako'y nagpakapuyat; diyata't, pawawalan mo ng̃ halaga ang aking mg̃a pagtitiis.
Nagdalang habag ang binibini; nalunos sa mg̃a ipinagturing ng̃ binata kaya't malubay na tumugon.
—Paano ang gagawin kong pagpanaog?
—Kailan ma't iibigi'y madali ang alin mang bagay.
Dahan dahang lumabas, ibínukas, ang nakalapat na pintuan, at palibhasa'y kahoy ang sahig at hagdanan, kaya't, walang kalatis siyang nakapanaog. Pumasok ang ating binata sa looban at sinalubong ang kaniyang irog, ng̃uni't sa kaniyang pagpasog ay namalas pala naman agad siya ng̃ isang babaeng putos na putos ng̃ itim, nakatalukbong at agad na sumunod sa binata at ng̃ kasalukuyang sapupo ni Peping ang malantik na baywang ng̃ kaniyang Anchang ay siyang pagdating ng̃ binibini na sa dagok ng̃ pighati sa kaligayaligayang buhay ng̃ dalawa at sa kahapishapis niyang kapalaran ay hinawakang mahigpit ang kaniyang sundang patakbong lumapit at itinarak sa dibdib ng̃ binata kasabay ang mg̃a nang̃ang̃atal niyang salitang:
—¡¡¡Masakim!!!....¡¡¡Masakim!!!
—Bakit? Bakit?—ang sigaw ni Anchang at sinapupo ang kaniyang irog.
—¡Patawad!—ang kalunos lunos na taghoy ni Peping at nabual na di napigilan ni Anchang.
At ng̃ makita ni Delang ang kaawa-awang bangkay ni Peping ay napasigaw.
—¡Dios ko! ¡anó itong aking nagawa?...Nagsisi, nanang̃is, nanaghoy....
—Pepíng, patawarin mo ako; akoy nagkasala sa iyo: di ko nalalaman ang aking nagawa. ¡Ay Peping sino ng̃ayon ang kikilalaning ama ng̃ sangol na balang araw ay ilulual ko sa maliwanag? ¡Dios ko! ¿anó ang aking nagawa?
WAKAS
