← Table of contents
Masakím

IV

Reading edition

WALANG HIYA PALA.....!

Daang N..... isang makipot na landasing patung̃o kina Delang; dito naglalacad ng̃ totoong mabanayad ang ating Peping, nakatung̃o iyang mapalad na binata na waring inaalaala ang mg̃a nagdaan niang gabi sa pook na yaon. Di kaginsaginsa'y isang binata ang sa darating: si Amado, iyang Pang̃alawang Pang-ulo ng̃ Samahan, iyang nakatalo niya noong lingo ng̃ hapon; pagdakay tinapik siya sa balikat at sinabi:

—Bakit mabanayad ang lakad mo, saan ka paparoon?

—Dian—ang sagot naman ng̃ tinanong.

—Ano ba ang lagay mo kaibigan kay Anchang? iniwan ka pa namin noong gabi ah.....

—Mabuti. Akoy nagtagumpay Amado; ang kaniya raw puso ay akin at wala ng̃ sino pa mang makapaghahari—ang maligayang tugon nito.

—Mapalad ka kung gayon—hangang dito na lamang ang naisagot at siya nilang pagpasok sa bakuran ng̃ bahay na kanilang sadya.

Napa-tao-po ang dalawa at sa isang sagot na "Magtuloy kayo" ay nang̃ag sipanhik at pagkatapos maigawad ng̃ isa at isa ang nang̃ararapat na pag-galang ay naupó si Amado sa isang luklukang yantok na kinaharap ang mg̃a magulang ni Delang at si Peping nama'y ang ating binibini. Kanikaniyang mg̃a pag-uusap ayon sa kanikanilang mg̃a nasa.

Ang dalaway pagsaglitsaglit na sinasariwa ang mg̃a nagdaan nilang gabi sa halamanan na di naman mailakas sa pagkat nasa kabilang dako lamang ang isa namang umpukan.

Napahinto ang salitaan ng̃ dalawa dahil sa isang mariing "hindi" ng̃ ama ng̃ binibini at si Peping na mahiligin sa mg̃a pakikipagtalo ay nakimatyag sa mg̃a sagot at paliwanag ng̃ kaniyang kaibigan at pagkatapos ng̃ mg̃a ilan pang tugon ng̃ matanda at mg̃a pagpapakilala ni Amado ay napilitang sumagot ang ating binata ng̃ boong paggalang:

—Ako poy makatutugon sa inyong mg̃a usapan baga man di ako kasali, sapagkat ang matanda po'y may mg̃a malalakas na katwirang pinanghahawakan at ang isang katunayan po'y gaya ng̃a ng̃ sinasabi ni P. Rossi sa caniyang "Ang Pangarap" na aniya'y: "Isang paglapastang̃an lamang sa kalayaan ng̃ bawat isa ang pagtatag ng̃ ating Pamahalaan niyang mg̃a batas na nagbabawal sa lalaki ng̃ kalayaan upang mag-asawa ng̃ dalawa, tatlo ó kung ilan ang kaniyang ibigin." At sapagkat ang tauo po ay talagang likas sa pagkamalaya, kayat pilit ding hinahanap iyang kalayaang iyan kahit pinuputol ng̃ mg̃a may kapangyarihan kaya't siyang nagiging dahil ng̃ mg̃a kahirapang tinitiis ng̃ isang taong dapat maging malaya.

Isang "phse" at ting̃ing pairap ni Delang ang natanaw ng̃ binata na siang ikinapahinto ng̃ kaniyang mg̃a pang̃ang̃atwiran kayat di na muli pang umimik ito palibhasay kinamuhian ng̃ kaniyang irog ang mg̃a gayon niang pag mamatwid.

Sumagot naman si Amado sa mg̃a salaysay na natapos:

—Isang katiwaliang malaki ang mg̃a pagmamatwid ng̃ kaibigan kong Peping sapagkat ang mg̃a batás na yao'y di upang putulan ng̃ kalayaan ang bawat isa kungdi upang tangkilikin ang kapayapaan at pananahimik ng̃ mg̃a mamamayán. Ang kalayaan ay di sa paggawa ng̃ masama kungdi ng̃ mabuti. Ang moral ay nababatay sa kaugalian ng̃ bawat lahi at sapagkat iyan ay di ugali sa ating bayan kaya iya'y laban sa moral.

Ninanasa pa sana ng̃ ating Peping na mang̃atwiran ng̃uni't natatakot naman siyang makagalitan ng̃ kaniyang Delang na nakikinig ng̃ mg̃a usapan nila kaya't sinasamantala ni Amado ang gayong di pagimik ng̃ kaniyang kausap.

—Isa pa, kung babayaan naman na ang bawat isa ay makapag aasawa ng̃ dalawa, tatlo ó apat ay di malayo na sa pagitan niang mg̃a babaeng iyan ay magkaroon ng̃ mg̃a pagkakaingitan na siang magiging dahil ng̃ pagkakaalit-alit at ito'y magbubung̃a ng̃ lalong mg̃a masasaklap na pangyayari sa mg̃a babae pa naman ng̃ ating lahi, sa katunayan ay nakikíta natin na ang isang lalaking may asawa at makaísip ng̃ isang masamang nasa sa ibang babe dito ay nagpapasimula na ang panaghilian: ang isa'y naiinip sa isa at ang isa namay napopoot sa isa.

Dito na lamang napahinto ang mg̃a pagmamatwiranan sapagkat ang kaniyang mg̃a katalo'y di na umiimik. Natapos ang mg̃a ilang sandali sa gayong di "pag iimikan ng̃ isa at isa at sa di kawasang paglulungati ni Peping ng̃ pag sagot dang̃an ng̃a lamang at naroon ang sa kania'y mapopoot, ay maibuka na lamang sa bibig ang mg̃a salitang:—Nagpapaalam na po ako sa inyong lahat—Dios po ang sumama—ang tugon ng̃ may bahay.

—Akoy iwan mo na—and kay Amado naman: at nanaog ang ating binata.

Pagkaraan ng̃ mg̃a ilan pang salitaan hing̃il sa natapos na pag-uusap ay nang̃ag labasan ang mg̃a magulang ng̃ binibini upang ihanda ang hapunan nila. Natira si Delang at si Amado so loob.

—Kailan ka pa ba magtatang̃i ng̃ isa sa mg̃a nang̃agsisiparito sa inyo?—ang pabirong salita ng̃ binata—naunahan ka pa ng̃ kapatid mo.

—Sino, si Anchang? Kanino?

—Kanino daw? Sa aming kalihim, kay Peping—isang dagok itong halos nakapag pahinto ng̃ mg̃a tibok ng̃ puso ni Delang.

—Malabo ka. Iya'y hindi totoo.

—Aba! ayaw palang maniwala, sinabi sa akin ng̃ totoo ng̃ aking kaibigang Peping ah ...kanina lamang.

—Walang hiya pala!—ang isang talipandas na salitang nabigkas agad ng̃ binibini.

—Sino, si Anchang?

—...............

—Si Peping?

Isang buntong hining̃ang malalim ang naging tugon.

—Parito na't kumain—ang mula sa labas na nakaputol ng̃ salitaan ng̃ dalawa.

Nang̃agsilabas: si Dela'y tinung̃o ang pagkain at si Amado'y ang hagdanan pagkatapos ng̃ mg̃a pagpapa-alamanan.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings