I.
Reading edition
SINO KA?
Hating gabi, madilim, ang mg̃a dahon ng̃ halaman ay nang̃akayuko, ang mg̃a ibon ay di man lamang humuhuni, sa mg̃a hayop mula sa kanikanilang himlayan ay walang maririnig na kahit isang putól na ung̃ol man lamang, ang mg̃a ka-awa-awang mangagawá sa paghanap ng̃ ipagtatawid gutom sa boong maghapon ay payapang payapang nang̃agpapahing̃alay, ang mg̃a hapó at ng̃aláy nilang bisig sa pag-gawá ay inihahanap ng̃ panibagong lakás, lahat ay tahimik at waring ipinaghehele ng̃ mg̃a walang patlang at malalaking patak ng̃ ulan, ng̃unit, sino yaon?....... isang maitim na aninong naglalagos sa isang makipot na daan! naglalamay at sinasamantala ang gayong kalaliman ng̃ gabi! sino?...... Pumasok sa isang bakuran, yumuko at sumoot sa silong na pantay balikat ng̃ isang bahay na may pangkaraniwang laki.
Makaraan ang mg̃a ilang sandali ay huminto ang ulan, nagliwanag at ang lang̃it ay biglang nasabugan ng̃ mg̃a maliliit na mata ni Bathala, noon mg̃a nag-anti-antilaw na bituing nakamamalas ng̃ mg̃a lihim na gawa at pangyayari sa boong magdamag.
Di kaginsa ginsay anasan ang nadinig:
—Sino ka?...ang tanong na mula sa itaas.
—Ako ... ang sagot naman.
—Sinong ikaw?
—Ako, ang iyong minamahal.
—Peping!
—Delang!
—Bakit ka naparito?
—Ayaw ka bang pumarito ako?
—Hindi. Ng̃unit baka magising sila ay ikaw din ang inaalaala ko, di ko matitiis ang mangyayari sakaling maramdaman ka. At bakit ka nagpapakapuyat ay mayroong clase kayo bukas?
—Huag kang malakas magsalita at baka ng̃a sila magising, manaog ka at dito tayo sa halamanan mag-ulayaw, dali na, at dito mo ipalasap ang matatamis mong pagmamahal at gagantihin ko ng̃ mg̃a sariwang ala-ala.
—Baka sila magising?....
—Hindi.
Makaraan ang mg̃a ilang mabayanad na yatiit ng̃ sahig ay nabuksan ang tabing ng̃ pinto at sa susung̃aw ang ating binibini; maputi at wari'y isang tala na pang̃inoon ng̃ ibang mg̃a bituin sa kaningning̃an kaya't walang kalulua ang di mamangha sa gayong kagandahan, at pagkapanaog sa isang hagdanang may limang baytang ay sinalubong na ng̃ ating binata at nagyakap ang mag sing irog ¡kay sarap na pagmamahalan! at pagkatapos maigawad ng̃ isá at isa ang nararapat ay nang̃agsiupo sa isang bancong kawayan na nasa ilalim ng̃ isang malabay na puno ng̃ acacia.
—Kay tamis mong magmahal—ang pauna ng̃ binata.
—At hangang kailan mo ako lilimutin? ang tugon naman ng̃ ating binibini.
Di na nakuhang sumagot pa ang isa at isa at mg̃a lang̃itng̃it ng̃ sahig na muli ang narinig mulá sa itaas.
—¡Nagising! ¡Nagising!—ang halos panabay ng̃ dalawa.
Isinoot na dali dali ng̃ ating binata ang kaniyang capote at nagkanlong sa puno ng̃ kahoy na nasa gawing likuran ng̃ kanilang pinagulayawan sa nasang makimatyag ng̃ mg̃a mangyayari. Dahan dahang pumanhik ang binibini at pagkatapos ng̃ isang tanong na: "Saan ka nangaling" at sagot dian po lamang sa labas ay wala nang narinig na ano man at ang lahat ay nanauli sa dati kaya't ang ating binata'y nagtuloy ng̃ umuwi at naghintay na lamang ng̃ kinaumagahan.