← Table of contents
Masakím

V

Reading edition

MGA PATAK NG LUHA

Isang batong mabigat ang nakapataw ng̃ayon sa puso ng̃ binibini, isang suliraning pinaglalahuan ng̃ matwid ang di makaya kayang dalhin ng̃ isang pusong mahina, niang isang pusong mararamdamin, palibhasay ng̃ayon lamang nagtikim ng̃ hirap, ng̃ayon lamang nasubo sa larang̃an ng̃ pagbabata, sapagkat ang mg̃a nagdaan niang panaho'y pawang aliw, pawang mg̃a kaligayahang lalo nat sa piling ng̃ kaniyang giliw. Buhat kagabi, kagabing tangapin niya ang mg̃a nakapagng̃ing̃itng̃it na balita'y di na sia mapalagay, di makakain,lahat ay mapait, di makatulog, kaya't lahat ng̃ mg̃a nangyari ng̃ gabing nagdaan ay walang naling̃id sa kaniya at bawat hihip ng̃ hang̃ing kaniyang masamyo ay isa isang pinaghahabilinan ng̃ kaniyang mg̃a panaghoy. "Kay saklap lasapin ng̃ mg̃a panahong itong idinudulot ng̃ katalagahan" ang madalas masabi sa sarile pagkatapos ng̃ mg̃a ilang patak na luha. Kung minsay pinapag tatalo ang sarile hinahanapan ng̃ lalong mg̃a matutwid na paraan upang sia'y maalis sa silo ng̃ kapanglawan, ng̃uni't waring isinusurot sa kanya ng̃ isang maitim na aninong nakaguhit sa kaniyang ala-ala ang mg̃a kasaliwaang palad na kaniyang sasapitin at ang lalong mg̃a mahahayap na pula ng̃ marami. ¡Oh, ang larawan ng̃ isang nilalasog ng̃ dalamhati....! Anó ang aking gagawin? ang ulit ulit na itinatanong sa sarile; at pagkatapos ng̃ mg̃a ilang biling sa kaniyang hihigan, ay mg̃a patak ng̃ luha ang nagiging tugon at sa kagaganito na lamang inumaga ang ating kaawa-awang binibini.

Umagang umaga pa'y nanaog na; nakabihis ng̃ kaniyang pangkaraniwang soot, at di pa nakalalayo ng̃ mg̃a ilang hakbang, ay muling nagbalik, pumanhik at naupo sa isang likmuan na tutop ang noo at iniisip ang kaniyang mg̃a gagawin; di kaginsa ginsa'y nagkagising na ang sambahayan at ng̃ mamulatan ng̃ ina'y tinanong sia kung bakit.

—Sumasakit po lamang ang ulo ko—ang isinagot at pagdaka'y tumindig at nagpa-alam na sasaglit muna siya kina Anchang.

—Ang sabi moy sumasakit ang ulo mo at saka maglalakad ka pa.

—Wala na po naman eh ...

—Pagka-agahan na ang ulit naman ng̃ inang di na nahalata ang mg̃a sagot na gawagawaan lamang ng̃ kaniyang anak.

Ang binibini, taglay ng̃ pagkamasunuring anak, ay napahinuhod ng̃unit wari ay isang maitim at malaking kamay ang pumipisil sa kaniyang puso, nanglalata at madalas mapahinto sa ano man niyang ginagawa. Nag agahan, at ng̃ maluat na'y nag paalam na muli; ang ina na mapag palayaw at mairugin ay di makatangi pinahintulutan siya, kaya't itoy lumakad na nakatalukbong ng̃ paniyong sutla at sapagka't di naman lubhang malayo ang bahay ng̃ kaniyang ali ay agad na narating, walang pang̃iming pumanhik at nagtuloy palibhasay isang bahay na lagi niang pinaparoonan, pumasok sa loob at dinatnan ang kaniyang tia Enciang na nananahi.

—Ano po iyang ginagawa ninyo—ang unang bati ng̃ dumating.

—Eh, ito bang saya tinatabi kot magagamit pa din naman eh ...

—Bakit po kayo, si Anchang po saan naruroon?

—Naríyan sa silid at mayroon yatang ginagawa; pasukin mo.

Nagtuloy ang ating binibini at ng̃ nasa pintuan na'y agad tiniklop ng̃ dinatnan ang kaniyang sulat na ginagawa at sinalubong na nakang̃iti ang kaniyang kapatid.

—Bakit ng̃ayon ka lamang naparito? kahapon pa kita ina-antay—ang maligayang tanong ni Anchang.

—May kailang̃an ka ba sa akin—at napatak na naman ang luha sa pagka ala-ala niya ng̃ kaniyang nabalitaan kagabi, bakit ang isa pang nakapag padalamhating lalo sa kaniya'y ang pagkamalas sa liham na dinatnan niyang sinusulat na siyang nagpasok sa kaniyang ala-ala ng̃ kung ano ano nang mg̃a bagay.

—May dinaramdam ka ba?—ang maamong tanong naman ng̃ kaniyang kapatid na napaluha rin—ano ba ang ibig mong inumin?—at umakmang lalabas, ng̃unit pinigilan ni Delang sa nasang huag ng̃ maalaman ng̃ kanilang tia Enciang ang kaniyang mg̃a nasasaloob at tumugon na lamang ng̃:

—Huag ka ng̃ mabahala may na ala-ala lamang akong isang kalunos lunos na mapagsasapit.

—Nino?...anó yaon?

—..........................

—Anó lamang yaon eh—ang patampo ng̃ salita ni Anchang.

Iniisip ng̃ ating binibini kung ano ang kaniyang gagawin, siya'y nasa isang malawak na dagat ng̃ nag-aalinlang̃ang di niya matarok ang magiging hanga. "Ipagtapat ko ó huag" ang di niya malutas, na palaisipan sa kaniyang mg̃a pagbabaka at namalisbis na naman ang luha sa kaniyang mg̃a mata at nagiyakan na lamang ang magkapatid. ¡Kay pait lunukin ng̃ mg̃a kapighatiang ito! nagparaan ng̃ mg̃a ilang simbuyo ng̃ kahirapan ang dalawa at muli na namang nag-usap.

—Bakit lamang? Ako'y tutulong sa mg̃a pinapasan mong dalamhati, ayaw ka ba—ang ulit nanaman ng̃ bunso.

Ninanasa na sanang magtapat ni Delang ng̃unit pinigil siya ng̃ malaking kahihiyan sapagkat siya'y isang kapatid na matandang dapat kunang uliran sa kabutihan.

—¡Delang! ¡Delang!—ang mg̃a tawag na mula sa labas—ipinatatawag ka ng̃ nanay mo kayat dalidali niyang pinapahid ang mg̃a luha at bago pa lumabas.

—Bakit namumugto iyang mg̃a mata mo? Bakit ka umiiyak?—ang sunod sunod na tanong ng̃ matanda pagka kita kay Delang.

Maluat na di nakaimik ang ating binibini at pagkaraa'y sinabing:

—Nakagat po ng̃ langam ang sulok ng̃ mata ko.

—Huag mong pagkukusutin; tina tawag ka daw ng̃ nanay mo.

Nagpa-alam ang ating binibini at tinung̃o ang kanilang tahanan.

Explore with AITake your curiosity a little further.

Reading settings