III.
Reading edition
¡PANGAHAS!
Sa isang bahay na malaki na nasa kabilang daan ng̃ kinatatayuan ng̃ Bahay-Samahan ay maraming tawo at buhat sa malayo'y walang madidinig kundi ang mg̃a tawanan at mg̃a paputol putol na salitaan, lahat ay masaya at gayon na lamang ang mg̃a pinagpala ni Bathala sa kalupaan palibhasay ang mg̃a gayon nilang pagtitipon ay nahihiyasan ng̃ mg̃a tuksuhan at biruan ng̃ mg̃a magkakasama.
—Ang akala ko po'y may pulong kayo, natapos na pu ba?—ang isang ting̃ig binibining nakapagpahinto sa kanilang mg̃a pagkakatua.
—Hindi po natuloy ah.....sapagkat tang̃i sa lumagpas na sa tadhanang oras ay wala pa rin sa takdang bilang ng̃ mg̃a kasaping dapat magsidalo—ang sagot naman ng̃ ating kalihim.
Kindatan, kalabitan at ng̃itian na naman sa kabilang panig.
—Sumagot na ang ating candidato—ang pasalising naibulong nitong isa sa kaniyang katabi.
At pagkaraan ng̃ mg̃a ilan pang sandaling pag-uusap ay nang̃agpaalaman na ang lahat, tang̃i ang ating binatang di man lamang natigatig sa kaniyang pagkakaupo maliban sa isang tugong "mauna na kayo."
Nang̃ag panaugan ang lahat at naiwan si Peping sa harapan ng̃ kaniyang pinipintuho, niyaong tala sa madaling araw, niyang di man dahil sa kaniyang mg̃a pahiyas ay sapat ng̃ makatunaw ng̃ isang pusong bato, yumuko ang ating binata di makabata sa mg̃a pasaning idinudulot sa kaniya ni Pag-ibig, ng̃unit pinakapilit ding paglabanan ang lahat ng̃ ito, itinaas ang mg̃a mata at nagsalita:
—Hangang kailan pu kaya titiisin ninyo ako sa pagbabata ng̃ mg̃a ganitong kahirapan at kulang pa pu ba ang mg̃a katunayang naipamalas ko na?—tuloy dinampot ang kamay ng̃ kaniyang sinusuyo't ginawaran ng̃ isang piping bulong; ipinitlag ng̃ binibini ang kaniyang kamay ng̃unit na huli sa panahon.
—¡Pang̃ahas!...¿Bakit ka malikot?—ang pabiglang nasabi ng̃ binibini na salamat at di nakapukaw sa pagkakatua naman ng̃ mg̃a matatandang nasa kabilang panig ng̃ bahay at pagkasabi'y nalaglag ang dalawang butil ng̃ perlas mula sa mg̃a mapanhalinang mata ng̃ binibini at nagulap iyang maaliwalas na lang̃it ng̃ ating binata.
—Parusahan pu ninyo ako, kung ako'y nagkasala—ang patuloy ni Peping—sapagka't ang mg̃a yao'y di kinusa ng̃ aking sarile kundi ng̃ isang pusong inudyukan ng̃ nagpipighating damdamin.
Ang ating binibini'y di kumikibo kaya't sinamantala ni Peping ang panahon.
—Kung inaakala pu ninyo na ang buhay ko'y katumbas na ng̃ nagawang kapang̃ahasan narito at iniaalay ko po sa ikasisiya ng̃ inyong naghihigpit na kalooban, at palibhasay walá din lamang namang kabuluhan ito kailan mat api sa pag-irog, kailan mat walang aasahang balang araw ay kaisa sa lalong mataas na kapalaran, kaya't, inihandog ko na upang una'y ng̃ wala ng̃ Peping na gagambala pa at ikalawa'y ng̃ wala na namang Peping na nag babata pa ng̃ mg̃a kahirapan.
Halos madurog ang puso ng̃ binibini sa ganitong mg̃a pag mamaka-amo ng̃ binata, kayat napilitan ding itaas ang kaniyang mg̃a matang pinapung̃ay ng̃ dalamhati at nagbigkas:
—Kayo po'y maka-aasa na at wala ng̃ maghahari sa aking puso kung di kayo. Biglang nahawi ang dilim ng̃ pag-aalapaap, nawaldas ang nakalilibid na tali ng̃ pagpipighati sa puso ng̃ binata, natapos ang kaniyang mg̃a kalungkutan, at sa kagahaman sa pag lasap ng̃ ligaya'y pabiglang tumugon ng̃:
—Hangang kailan, aking lang̃it?
—Hangang libing........at di pa natatapos ay sia ng̃ pagpasok ng̃ isang matandang babae, iyang ali na nag alaga at nagpalaki sa ating binibini na kaniyang kinatitirhan.
—Magandang gabi po—ang unang bati ng̃ binata sa dumating.
—Magandang gabi po naman—ang sagot naman.
At pagkaraan ng̃ ilan pang mg̃a kumustahan at pag sasalitaan ng̃ iba't iba pang mg̃a bagay ay siyang pagtugtog ng̃ walong "ting" ng̃ isang orasang nakasabit sa isang haligi na nasa gawing kaliwa ng̃ binata. Nagtindig si Peping at nagpaalam sa mag-ali. Isang ting̃ing naglalagkit ng̃ binibini ang ipinabaon sa binata at ito namay isang mapung̃ay na titig at nanaog.