II.
Reading edition
Walang Dios? ¡Nakapangíngilabot!
Lingo.
Sa isang bahay-samahan sa nayon ng̃ X ... ay nang̃agkakatipon na ang ilang mg̃a binata ika-tatlo pa lamang ng̃ hapon, at palibhasay wala pa sa tadhanang ika-apat at sapagkat wala pa din naman sa tadhanang bilang ng̃ mg̃a kasapi upang ipagsimula ng̃ isang pulong kalahatang idadaos nila, kayat wala pa sa kaayusan ang pagtitipon, gulong gulo, salitaan dito, tawanan doon, biruan dito at kalabitan sa kabila datapua't sa lahat ng̃ mg̃a gayong umpukan ay nanaig ang malakas na salitaan ng̃ dalawa na nasa gawing dung̃awang tabing daan, kayat ang ilan sa mg̃a nang̃agsisipaglakad ay nang̃apapatigil lalo na't kung mapalakas ang pang̃ang̃atwiran nitong isa na tinututulang mahigpit ang pagkakaroon ng̃ Dios. Lahat ng̃ mg̃a salitaan ay nang̃apatigil, lahat ay di umimik, liban sa isang nagsasalaysay ng̃ kaniyang mg̃a paniniwala.
—Walang Dios—ang ulit nito—sapagkat kung mayroong Dios ay saan naroon ang kaniyang kapangyarihan at di igawa upang ang lahat ng̃ tao'y papagpantay pantayin sa ibabaw ng̃ lupa? Saan naroon iyang Dios at natitiis ang pagkakaroon ng̃ mg̃a may mababa at matataas na urí at kalagayan ng̃ taó? Iyang mg̃a bagay bagay sa ibabaw ng̃ lupa na ating nakikita ay tinututulan kong di gawa ng̃ iisang Dios, sapagkat maraming mg̃a halaman na tumutubo sa lupa at kung walang lupa ay wala noong mg̃a halaman samakatwid ay di dahil sa likha ng̃ Dios, kundi dahil sa mayroong lupá.
Aling̃aw-ng̃awan ang nadinig pagkatapos ng̃ gayong pang̃ang̃atuiran at mg̃a nang̃ananaig na tinig ang nang̃ariringan ng̃ ganitong salita:
—Walang Dios?.... ¡Nakapang̃ing̃ilabot!
—Dahan dahan ka po ginoong Kalihim—ang sagot naman ng̃ Pang̃alawang-Pang̃ulo ng̃ Samahan—at ipagpatawad po ninyong sabihin ko na kayo'y nabibigla lamang ng̃ mg̃a pang̃ang̃atwiran, sapagka't ang Sanlibutan ay nayari sapagkat di maikakailang mayroon isa na lumikha noon, iyang kataas taasan, iyang Dios. Maraming mg̃a halaman ng̃a ang tumutubo sa lupa ng̃unit di dahil sa lupa lamang kung kaya sila nabubuhay sapagkat may lupa man at walang hang̃in, init at tubig ay di rin sila mang̃abubuhay; at sino ang lumikha ng̃ lahat ng̃ itó, gayon din ang lupang inyong binanguit? Iyang kataas taasang Dios at kung wala nito ay walang anoman, sapagkat siya ang lumik-ha ng̃ lahat ng̃ bagay. Ito'y di pang̃arap lamang ng̃ mg̃a na nanambahan sa katotohanan kungdi siyang katunayan ng̃a. At kung walang Dios na kikilalanin ang tawo ay lalong lalala ang mg̃a katampalasanan, di mananatile ang katahimikan, palibhasa'y walang kinatatakutang magpaparusa sa panahong darating. Ang mg̃a magnanakaw ay di kukuha ng̃ ano mang di kanila kailan ma't may mg̃a tawo na sa kanila'y nagmamasid, ganiyan ang mg̃a tawo sa ibabaw ng̃ lupa na kailan ma't, walang kinikilalang Dios ay patuloy ng̃ patuloy ang kanilang mg̃a masasamang gawa.
—Mag-iikalima na ng̃ hapon—ang nakaputol na salíta ng̃ Pang̃ulo sa kanilang mg̃a pag-usap.
—Datapuat wala pa sa takdang bilang ng̃ mg̃a dapat magsidalo—ang sagot naman ng̃ isang kasanguni—lagpas na ng̃a sa tadhanang oras ng̃unit kaypalay wala ng̃ darating—ang ulit pa—iyan ang masamang hilig ng̃ ating mg̃a binata ng̃ayon, isang sakit na kung di malulunasay, pagkakatandaan at isang kapintasan na naman sa ating lahi.
—Ang mabuti'y magkaroon ng̃ kadalaan ang ating mg̃a kasapi. Tayo na.
—Tayo na—ang panabayan naman ng̃ lahat at nang̃ag-alisan.