IV. ANG ALBUM NI INA...
Reading edition
(Ala-ala sa aking inang pumanaw: Rosa San Miguel ni de Leon, tagá Samal, Bataan at namatáy sa Tundo, Maynila, noong taong 1902.)
I.
Ang aking Ina.
Gaya rin ng̃ iba, ang ina kong giliw Ay inang mayumi't lubhang maramdamin, Inang hindi yuko sa mg̃a hilahil, Inang mapagbata at siya kong virgen. Mayrong isang Diyos na kinikilala, May isang dakilang pananampalataya, Sa kanya ang madla'y kulay ng̃ umaga, Ang galit ay awa't sa poot ay tawa. Siya ang dakilang Batas sa tahanan, Kamay na masipag, Kampana ng̃ buhay, Susi ng̃ pag-ibig na kagalanggalang. Sa kanya ang lahat ay pawang mabuti, Ang dukha't mayaman ay kapuripuri Palibhasa'y inang may puso't pagkasi.
II.
Pag-ibig ni Ina.
Ang puso ni ina'y kaban ng̃ pagling̃ap, May dalawang tibok na karapat-dapat, Ang isa'y kay ama, kay amang mapalad At ang isa nama'y sa amin nalagak. Noong nabubuhay ang ina kong irog Ang kanyang pagkasi'y samyo ng̃ kampupot, Ang lakas ng̃ puso'y parang nag-uutos Na ako, kaylan ma'y huwag matatakot... Pagibig ni ina ang siyang yumari Ng̃ magandang bahay na kahilihili, At nawag sa palad na katang̃itang̃i. Timtimang umirog! Hanggang sa libing̃a'y Dala ang pagkasing malinis, dalisay, Dala ang damdaming kabanalbanalan.
III.
Ang halik ni Ina.
Ang mata ni ina'y bukalan ng̃ luha Kung may dala-dalang damdamin at awa, Ang lahi ni ina'y sampagang sariwa Na may laging laang halik at kaling̃a. Sa halik ni Ina ay doon nalagas Ang tinik at bulo ng̃ musmos kong palad, Sa halik ni ina'y aking napagmalas Na ako'y tao na't dapat makilamas. Ang bibig ni inang bibig ng̃ sampaga'y Bibig na sinipi kina Clara't Sisa Kaya't mayrong bisang kahalihalina. Ang halik ng̃ ina'y apoy sa pagsuyo, Hamog sa bulaklak, Pag-asa sa puso't Liwanag sa mg̃a isipang malabo.
IV.
Ugali ni Ina.
Kung mamamana ko lamang ang ugali Ni inang sa aki'y nagpala't nag-ari'y Marami sa akin ang mananaghili't Sa aki'y tatang̃a lamang yaong Hari. Ang asal ni ina'y aklat ng̃ pagling̃ap, Salaming malinaw, bang̃ong walang kupas, Suhay ng̃ mahinhin, sulo ng̃ mapalad, Mundong walang gabi, gabi ng̃ walang ulap. Ang salitang damot ay di kakilala, Ang kamay ay lahad, hanggang nakakaya't Tang̃ing kayamanan ang pakikisama. Sa kanya ay Diyos ang mg̃a pulubi, Ang dukha ay Hari't Kristo ang duhagi, Iyan ang ugali ng̃ ina kong kasi.
V.
Ang awit ni Ina.
Nang buhay si ina't ako'y kilik-kilik ako'y pinagsawa sa alo at awit, malaki na ako't may sapat ng̃ isip ay inaalo pa nang buong pag-ibig. Ang musmos na patak ng̃ nulo kong luha sa kanya'y kundima't awiting dakila, makarinig lamang ng̃ iyak ng̃ bata sa aki'y lalapit at maguusisa. Ako'y kakalung̃in at ipaghehele, ang awit-tagalog ay mamamayani hanggang sa magsawa't ako'y mapabuti. Ang awit ni ina'y laging yumayakap, sa mg̃a awitin ng̃ aking panulat kaya't ang awit ko'y mayumi't banayad.
VI.
Libingan ni Ina.
Ang buhay ng̃ tao'y parang isang araw Na kung mayrong bago'y mayrong nang̃ang̃alay, Ang palad ni ina'y di na nakalaban Kaya't napatalo sa tawag ng̃ hukay. Ang buhay ni inang inutang sa lupa'y Sa lupa rin namang nabayad na kusa, Ang mg̃a mata kong maramot sa luha Noo'y naging dagat na kahang̃ahang̃a. ¡Wala na si ina! Ang lahat sa amin Ay ng̃iti ng̃ dusa't kaway ng̃ hilahil, Lubog na ang araw na kagiliwgiliw. Nagtaglay si ina ng̃ dalawang hukay: Ang isa'y sa lupang sanglaan ng̃ buhay, Ang isa'y sa aking pusong gumagalang.
VII.
Ang aral ni Ina.
Ang tang̃ing pamanang sa aki'y naiwan Ay malaking gusi ng̃ mayamang aral: —Anak ko: hanapin iyang karunung̃an, Ang dunong ay pilak, ang aklat ay buhay. —Sa harap ng̃ bait, ay silaw ang lakas, Sa harap ng̃ matwid ay yuko ang lahat, Ang mundo'y niyari ng̃ paham at pantas, Ang babae'y tinik ng̃ isang bulaklak. —Ang palalong tao'y halakhak ng̃ hang̃in, Ang aping mabait ay dapat ling̃apin At pagkailagan iyang sinung̃aling. —Huwag kakayahin ang hindi mo kaya, Nang ikaw'y malayo sa pula at tawa, Umibig sa baya't magpakabait ka".
VIII.
Bulaklak kay Ina.
Wala na si ina! Gayon ma'y naiwan sa akin ang kanyang mahalagang aral, aral na sa ningning ay ningning ng̃ araw, aral na sa buti'y palad, diwa't yaman. Larawang larawan lamang ang nalagak sa akin ng̃ siya'y pumanaw at sukat, larawan ni inang yaman ng̃ panulat, larawang kakambal ng̃ aking pang̃arap. Darakilang ina: ang iyong libing̃a'y sinasabugan ko ng̃ tala't kundiman, ng̃ awit na siyang bulaklak ng̃ buhay. Sa harap ng̃ iyong larawang dakila ay may nagnining̃as na isang kandila panulat ng̃ iyong anak na naluha.